Mateo 16:18–19; Mateo 17:1–7
“Ang mga Susi ng Kaharian”
Habang kasama ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa Cesarea ni Filipo, nangako Siyang ibibigay kay Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19). Pagkaraan ng anim na araw, dinala ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang bundok, kung saan “nagbagong-anyo [S]iya sa harap nila” (Mateo 17:2) sa harap nina Moises at Elias (Elijah). Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na tinanggap nina Pedro, Santiago, at Juan ang mga ipinangakong susi ng priesthood noong Nagbagong-anyo si Jesus. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahulugan ng mga susi ng priesthood at ang kahalagahan nito sa plano ng kaligtasan ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Nasaan ang mga susi?”
Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng mga susi. Basahin ang sumusunod na pahayag.
Isang hapon ng taglamig, habang papalubog ang araw sa likod ng malawak na burol na natatabunan ng snow, ang nagyeyelo sa lamig na hangin ay dumampi nang mahapdi sa aming mga pisngi at ilong, at tila itinutulak kami para hanapin agad ang aming mga kotse at truck sa ski resort parking lot. Doon sa aming komportableng mga sasakyan ay paiinitin ng mga heater ang nanlalamig naming mga daliri. Ang malutong na tunog ng snow sa bawat hakbang namin ay patunay na sobrang lamig nito.
Tuwang-tuwa ang aming pamilya sa masayang araw namin sa ski slopes, na ngayon ay nagyeyelo na sa lamig. Nang bubuksan ko na ang kotse, kinapa ko sa bulsa ng coat ko ang susi at sa isa pang bulsa at sa isa pa. “Nasaan ang mga susi?” Lahat ay balisang naghihintay na makita ang mga susi! May karga ang baterya ng kotse, at lahat ng system—pati ang heater—ay ayos naman, pero wala ang susi, naka-lock ang mga pinto; kung walang susi hindi mapapaandar ng makina ang sasakyan.
(Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood??,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 29)
-
Paano inilalarawan ng karanasang ito ang kahalagahan ng mga susi?
Mag-isip ng anumang susing ginagamit mo sa iyong buhay. Bakit mahalaga ang mga ito? Ano ang mangyayari kung mawawala ang mga ito?
Mga susi ng priesthood
Ito ay isang rebulto ni Apostol Pedro na nililok ni Bertel Thorvaldsen (1770–1844). Pansinin kung ano ang hawak ni Pedro sa kanyang kamay. Ang mga susing ito ay simbolo ng kapangyarihan at awtoridad na ipinangako ng Tagapagligtas kay Pedro.
Basahin ang Mateo 16:18–19, at alamin ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas na ibibigay kay Pedro?
-
Ano ang magagawa ni Pedro sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at kung paano Niya pinamamahalaan ang Kanyang Simbahan?
Ang isang katotohanan na matutukoy natin sa Mateo 16:18–19 ay ipinagkatiwala ni Jesucristo ang mga susi ng Kanyang kaharian sa mga propeta at apostol upang pamahalaan ang Kanyang gawain sa lupa. Bagama’t ibinigay na ng Tagapagligtas sa mga Apostol ang Kanyang awtoridad ng priesthood (tingnan sa Mateo 10:1–8), “ang mga susi ng kaharian ng langit” ( Mateo 16:19) ay ang Kanyang mga susi ng priesthood.
-
Paano mo maipapaliwanag ang pagkakaiba ng priesthood at mga susi ng priesthood? Sa iyong palagay, paano ka napagpala o pinagpapala ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood?
Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na impormasyon para mas maunawaan ang priesthood at mga susi ng priesthood:
Ang priesthood ay “ang karapatan at kapangyarihang ibinibigay ng Diyos sa tao upang kumilos sa lahat ng bagay para sa kaligtasan ng tao.”
(Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pagkasaserdote ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)
Bukod pa rito, tinutulutan tayo ng priesthood na matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa pamamagitan ng nakapagliligtas na mga ordenansa tulad ng binyag, kumpirmasyon, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, ng sakramento, at pagtanggap ng endowment at pagbubuklod sa templo.
Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos. Ang paggamit ng lahat ng awtoridad ng priesthood sa Simbahan ay pinamamahalaan ng mga yaong maytaglay ng mga susi ng priesthood. …
Taglay ni Jesucristo ang lahat ng mga susi ng priesthood. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala, ibinibigay ang mga susi ng priesthood sa mga kalalakihan para gamitin sa partikular na mga calling para sa pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos.
(Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 3.4.1, 3.4.1.1).
Ang Bundok ng Pagbabagong-anyo at ang Kirtland Temple
Anim na araw matapos ipangako ang mga susi ng priesthood kay Pedro, inanyayahan ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan na sumama sa Kanya para sa isang mahimalang karanasan na makikilala kalaunan bilang Bundok ng Pagbabagong-anyo. Ang nakamamangha, noong 1836, nagkaroon ng gayon ding karanasan sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple.
Sa isang papel o sa iyong study journal, gumuhit ng linya upang hatiin sa dalawa ang pahina. Gumuhit ng bundok sa kaliwang bahagi ng pahina at templo sa kanang bahagi. Isulat ang “ Mateo 17:1–7 ” sa tuktok ng iyong bundok at “ Doktrina at mga Tipan 110:1–2, 11–16 ” sa iyong templo. Basahin ang mga salaysay sa banal na kasulatan, at ilista ang mga pangalan ng mga taong naroon o narinig ang tinig sa bawat pangyayari. Sa ibaba ng mga pangalang ito, sumulat ng buod na may isa o dalawang pangungusap tungkol sa nangyari sa bawat salaysay.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa pag-aaral ng mga talatang ito?
Maaaring makatulong na malaman na nakasaad sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na habang nasa bundok, “ang Tagapagligtas, si Moises, at Elias (Elijah) ay ibinigay ang pangakong mga susi ng pagkasaserdote kina Pedro, Santiago, at Juan. Sa pamamagitan ng mga susi ng pagkasaserdote na ito, may kapangyarihan ang mga Apostol na ipagpatuloy ang gawain ng kaharian pagkatapos ng Pag-akyat sa langit ni Jesus.” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-anyo,” sa heading na “Pagbabagong-anyo ni Cristo”). https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl
Ipinaliwanag ni Elder Stevenson ang kahalagahan ng mga susi ng priesthood. Basahin ang sumusunod na pahayag:
Habang lalo kong iniisip ang karanasang ito, lalong lumalalim ang analohiyang ito para sa akin. Namamangha ako sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Nanggigilalas ako sa makalangit na pagbisita at sa dakilang pangitain ng kawalang-hanggan na ipinagkaloob ng Diyos kay Joseph Smith. At lalo na, nag-uumapaw ang puso ko sa pasasalamat sa panunumbalik ng awtoridad at mga susi ng priesthood. Kung wala ang panunumbalik na ito, hindi tayo makakapasok sa sasakyan na maghahatid sa atin pauwi sa mapagmahal nating mga magulang sa langit. Ang pagsasagawa ng bawat ordenansa ng kaligtasan na bumubuo sa ating landas ng tipan pabalik sa piling ng ating Ama sa Langit ay nangangailangan ng wastong pamamahala sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood.
(Gary E. Stevenson, “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 29)
Suriin ang nadarama mo tungkol sa pagpapanumbalik ng Tagapagligtas ng mga susi ng priesthood at kung paano nakakaapekto ang mga susing ito sa iyong buhay. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para maunawaan ang kahalagahan ng mga ito. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.
-
Bakit ka nagpapasalamat sa mga susi ng priesthood ng Panginoon sa lupa?
-
Kung tatanungin ka ng isang taong hindi pamilyar sa mga susi ng priesthood kung bakit mahalaga ang mga ito, ano ang isasagot mo?
-
Anong sources na itinalaga ng Diyos ang makatutulong sa taong ito na matuto pa tungkol sa kahalagahan ng mga susi ng priesthood?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Ano ang ibig sabihin ng salitang pagbabagong-anyo?
Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ang ibig sabihin ng pagbabagong-anyo ay “ang kalagayan ng mga tao na panandaliang nagbago sa kaanyuan at kalikasan—gayon nga, itinaas sa isang mataas na antas ng espirituwalidad—nang sa gayon magtagal sila sa harapan at kaluwalhatian ng mga makalangit na tao” (“ Pagbabagong-anyo ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Saan ako maaaring matuto pa tungkol sa Pagbabagong-anyo ni Jesucristo?
Mateo 16:19. Anong kapangyarihan ang ipinangako ni Jesucristo kay Pedro?
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Si Pedro ang hahawak ng kapangyarihang magbuklod, ang awtoridad na nagtataglay ng kapangyarihang magbigkis o magbuklod sa lupa o magkalag sa lupa at magiging gayundin sa kalangitan. Ang mga susing iyon ay pag-aari o taglay ng Pangulo ng Simbahan—sa propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang sagradong kapangyarihang magbuklod ay nasa Simbahan ngayon. Walang ibang higit na pinagtutuunan ng sagradong pagninilay ang mga taong nakaaalam sa kahalagahan ng karapatang ito. Walang ibang higit na pinanghahawakan. Iilan lamang ang kalalakihan na itinalagang humawak nitong kapangyarihang magbuklod sa lupa sa alinmang panahon—sa bawat templo ay may mga kapatid na pinagkalooban ng kapangyarihang magbuklod. Walang ibang makahahawak nito maliban na magmula ito sa propeta, tagakita, at tagapaghayag at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
(Boyd K. Packer, “Ang Banal na Templo,” Ensign o Liahona, Okt. 2010, 34)
Sino si “Elias” na nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple?
Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa propetang nagngangalang Elias na “ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham” kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple ( Doktrina at mga Tipan 110:12). Ginamit ang pangalang Elias sa mga banal na kasulatan bilang mahalagang titulo na ibinibigay sa mga indibiduwal na may mga partikular na misyon.