Seminary
Mateo 5:1–12


Mateo 5:1–12

Ang mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes

Jesus Christ sitting on a hillside preaching to a crowd of people. Mountains and sea are visible in the background. A reproduction by Grant Romney Clawson of the original “Sermon on the Mount” by Harry Anderson.

Upang masimulan ang Sermon sa Bundok, itinuro ng Tagapagligtas kung paano magiging maligaya at mapagpapala ang mga tao. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na “sa katunayan ay taglay ng mga [turong] ito ang konstitusyon para sa perpektong buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 234). Tutulungan ka ng lesson na ito na makatukoy ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at makagawa ng plano upang mataglay ang mga ito sa pagsisikap mong matamo ang kaligayahan at pagiging perpekto.

Ang layunin ng seminary. Ang layunin ng seminary ay tulungan ang mga kabataan na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at ang iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit. Habang inihahanda mo ang iyong mga lesson, mapanalanging alamin kung paano ka makatutulong na makamit ang layuning ito sa bawat araw.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga katangian sa Mateo 5:1–12 na gusto nilang mas matutuhan pa. Sabihin sa kanila na alamin ang ibig sabihin nito at pag-isipan kung paano tayo maaaring akayin ng katangiang iyan patungo sa kaligayahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Nag-iibayo ang kaligayahan

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong bago magklase.

Tonga. Group of young men and young women eating.
  • Kailan ka naging pinakamaligaya?

  • Nagtagal ba ang kaligayahang iyan? Sa iyong palagay, bakit ito nagtagal o hindi nagtagal?

Sa pagsisimula ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo, nagbigay Siya ng sermon malapit sa Dagat ng Galilea. Ang sermon na ito ay karaniwang tinatawag na Sermon sa Bundok at nakatala sa Mateo 5–7 . Nang dalawin ng Panginoon ang mga Nephita, nagbigay Siya ng katulad na sermon (tingnan sa 3 Nephi 12–14).

Ang Mateo 5:1–12 ay kilala bilang Mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes, na nagmula sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay “pinagpala” o “maligaya”. Sa mga talatang ito, tinukoy ni Jesus ang mga katangiang taglay Niya at ng Kanyang Ama na umaakay patungo sa tunay na kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Makatutulong ang pagkakaroon ng mga katangiang ito upang maging higit na katulad ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Basahin ang Mateo 5:1–12 , at hanapin at markahan ang mga katangiang itinuro ng Tagapagligtas at ang mga ipinangakong pagpapala para sa bawat katangian.

Tonga. Group of young men and young women eating.

Ang isang alituntunin na matutukoy natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagkaroon tayo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, mas magiging maligaya tayo.

  • Sa iyong palagay, paano nakatutulong ang paraan ng pamumuhay ng Tagapagligtas sa Kanyang kaligayahan?

Kung sinabi sa mga estudyante na pag-aralan ang isa sa mga katangian bago magklase, anyayahan silang ibahagi kung ano ang natutuhan nila. Itanong sa mga estudyante kung anong sources ang ginamit nila upang matutuhan ang tungkol sa katangiang ito.

Pag-aralan ang tungkol sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na katangian. Pagnilayan kung paano makatutulong ang pagtataglay ng katangian at pagtanggap sa ipinangakong pagpapalang kaugnay nito upang maging maligaya ka.

Color Handouts Icon

Ibigay ang mga sumusunod na tanong sa mga estudyante bilang handout. Hikayatin ang mga estudyante na ilagay ang handout na ito sa lugar kung saan madali nila itong makikita para magamit sa hinaharap.

Ang mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes

Reperensya

Katangian

Mateo 5:3; 3 Nephi 12:3

Dukha sa espiritu. Pagiging mapagpakumbaba, o “pagkilala nang may pasasalamat na umaasa tayo sa Panginoon—na nauunawaang palagi nating kailangan ang Kanyang tulong. Ang pagpapakumbaba ay pagkilala na ang ating mga talento at kakayahan ay mga kaloob ng Diyos” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagpapakumbaba,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Mateo 5:4

Nahahapis. Nakadarama at nagpapakita ng kalungkutan tungkol sa isang bagay. Maaaring mahapis ang isang tao dahil sa mga pagsubok ng mortalidad na nararanasan niya at ng iba pa. Maaari ding mahapis ang isang tao dahil sa kasalanan.

Mateo 5:5

Mapagpakumbaba [Maamo]. Pagiging “‘may takot sa Diyos, matwid, mapagpakumbaba, natuturuan, at matiisin sa pagdurusa’ [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ‘Maamo, Kaamuan,’ scriptures.ChurchofJesusChrist.org]. Ang mga nagtataglay nito ay handang sumunod kay Jesucristo, at ang kanilang ugali ay mahinahon, maamo, mapagpaubaya, at masunurin” (Ulisses Soares, “Maging Maamo at May Mapagpakumbabang Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 9).

Mateo 5:6; 3 Nephi 12:6

Nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Pagkakaroon ng matinding hangarin na malaman at magawa ang kalooban ng Diyos.

Mateo 5:7

Mahabagin. Pagiging “mahabagin, magalang, mapagpatawad, mahinahon, at matiisin, kahit alam natin ang mga pagkukulang ng iba” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Awa,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Mateo 5:8

May malinis na puso. Maibibilang sa mga taong “nagmamahal sa Panginoon, naghahangad na tularan Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan, nagsisikap na mamuhay nang marangal at matapat at nagtitiis hanggang wakas. Ang mga taong may malinis na puso ay kinokontrol ang kanilang pag-iisip upang hindi sila makaisip at makagawa ng mga bagay na imoral” (Sheldon F. Child, “Words of Jesus: Chastity,” Ensign o Liahona, Ene. 2003, 44).

Mateo 5:9

Mapagpayapa. “Tumutulong sa tao na makita ang pagkakatulad nila kapag nakikita nila ang pagkakaiba-iba nila” (Henry B. Eyring, “Pagkatuto sa Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 63).

Mateo 5:10–12

Inuusig dahil sa katuwiran. Handang sundin at ipagtanggol si Jesucristo at ang Kanyang mga turo, kahit hamakin o tratuhin tayo nang masama dahil sa paggawa nito.

The Beatitudes handout

Maaari kang tumalakay ng iba’t ibang paraan ng pagpapakahulugan ng mundo sa salitang kaligayahan. Ikumpara ito sa kaligayahang natatamo sa paraan ng Panginoon. Talakayin kung paanong maaaring naiiba ang pamumuhay nang ayon sa Beatitudes sa pamumuhay nang ayon sa mundo ngunit hahantong naman ito sa walang hanggang kaligayahan sa paraan ng Diyos.

  • Paano naipakita ng Tagapagligtas ang isa o higit pa sa mga katangiang ito sa mga banal na kasulatan o sa iyong buhay?

  • Sa iyong palagay, paano makadaragdag sa iyong kaligayahan ang pagtataglay ng katangian o mga katangiang pinili mo? Bakit?

Pagtukoy ng mga katangian ni Cristo na taglay mo sa iyong sarili

Sagutan ang sumusunod na survey. Layunin nito na matulungan kang matukoy ang mga katangiang ipinapakita mo at ang mga katangiang maaari mo pang mas mapagbuti.

Maglagay ng numero mula 1 hanggang 5 sa tabi ng bawat isa sa mga sumusunod na katangiang tulad ng kay Cristo (Ang 1 ay nangangahulugang “hindi pa gaanong napagbubuti” at ang 5 naman ay “lubos na napagbuti”).

__ Ako ay dukha sa espiritu.__ Ako ay nalulungkot para sa iba kapag nahahapis sila at nakadarama ako ng labis na kalumbayan kapag nagkakasala ako.__ Ako ay mapagpakumbaba.__ Ako ay nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.__ Ako ay mahabagin.__ Ako ay may malinis na puso.__ Ako ay mapagpayapa.__ Ako ay tapat kahit inuusig ako dahil sa aking mga paniniwala.

Tukuyin ang mga katangiang napagbubuti mo, at magpasalamat sa Diyos na sumusulong ka upang maging higit na katulad Niya at ni Jesucristo. Pag-isipan ang mga katangiang gusto mo pang mas lubos na mapagbuti, at hilingin sa Diyos na tulungan kang mapagbuti ang mga ito.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante para matapos ang survey at mapagnilayang mabuti ang kanilang progreso sa pagtataglay ng mga katangiang ito. Makatutulong ang paggawa nito upang mas masuri nila ang kanilang sarili at mas mapatibay ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit.

Kung nahihirapan kang tukuyin ang mga katangiang napagbubuti mo na o kailangan mo pang pagbutihin, maaaring makatulong na kausapin ang iyong mga magulang o ang iba pang taong pinagkakatiwalaan mo. Hilingin sa kanila na tukuyin ang mga katangian ni Cristo na nakikita nila sa iyo at ang mga katangiang maaari mo pang mas mapagbuti.

Ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong na mapagbuti pa ang mga katangiang tulad ng kay Cristo

Kailangan natin ang tulong ng Tagapagligtas upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Ang mga katangian ni Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi ito makakamit nang walang tulong mula sa Kanya. Ang isang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nangangahulugan ng lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pag-ibig. Napapasaatin ang mga katangian ni Cristo sa matwid na paggamit ng ating kalayaan. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Kapag may pananampalataya tayo kay Cristo, sapat ang tiwala natin sa Panginoon para sundin ang Kanyang mga utos—kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito. Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangang regular nating suriin ang ating buhay at magtiwala, sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, sa kabutihan ni Jesucristo at sa mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.

(Dieter F. Uchtdorf, “Mga Katangian ni Cristo—Ang Hangin sa Ilalim ng Ating mga Pakpak,” Ensign o Liahona, Nob 2005, 102–3)

  • Ano ang napansin mo sa pahayag na ito na makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo?

Gumawa ng plano

Bumuo ng isang planong gagawin upang maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Magsama ng mga partikular na gagawin mo sa araw-araw na sa palagay mo ay makatutulong. Huwag kalimutang hingin ang tulong ng Tagapagligtas. Maaari mong hilingin sa mga pinagkakatiwalaan mong kapamilya o mga kaibigan na suportahan ka sa iyong mga pagsisikap. Maaari mo ring itala ang iyong plano ng mga gagawin sa iyong Gabay na Aklat para sa mga Kabataan o sa study journal.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano tayo tinuturuan ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang mga katangian sa Sermon sa Bundok?

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):

Head and shoulders portrait of LDS Church President Harold B. Lee.

Si Cristo ay pumarito sa mundo hindi lamang upang gawin ang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan kundi upang ipakita sa mundo ang halimbawa ng pamantayan ng pagiging perpekto ng batas ng Diyos at ng pagsunod sa Ama. Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto, … at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sariling buhay.

(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 233–234)

Ano ang ibig sabihin ng mapupuspos ang mga nauuhaw sa kabutihan?

Nang ibigay ng Tagapagligtas ang Sermon sa Bundok sa lupain ng Amerika, sinabi Niya na yaong mga nagugutom at nauuhaw sa kabutihan “ay mapupuspos ng Espiritu Santo” ( 3 Nephi 12:6).

Ano pa ang ibang katangiang tulad ng kay Jesucristo?

Maaari mong panoorin ang video na “Christlike Attributes” (2:53), na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org. Ang video na ito ay tumutukoy sa mas marami pang katangiang taglay at ipinakita ng Tagapagligtas sa Kanyang buhay.

2:54

//media.ldscdn.org/webvtt/youth/2014-youth-activity-resources/2014-01-001-christlike-attributes-eng.vtt

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-aanyaya sa mga estudyante na magturo

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanda ng mensahe tungkol sa isa sa Beatitudes. (Maaari itong gawin kasama ng isang kaklase.) Pagkatapos maihanda ng mga estudyante ang kanilang mga mensahe, mag-anyaya ng ilang estudyante na magbabahagi sa klase. Kung nakipagtulungan ang mga estudyante sa isang kaklase, maaari nilang ibahagi ang kanilang mensahe nang magkasama.

Ang Beatitudes at pagiging perpekto

Patungkol sa Beatitudes, itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na “ang mga pahayag na ito ng Guro … sa katunayan ay taglay ng mga ito ang konstitusyon para sa perpektong buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 234).

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang iba’t ibang paraan kung paano makatutulong sa atin ang pamumuhay nang ayon sa Beatitudes upang maging perpekto tulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 5:48 ; 3 Nephi 12:48).

Iba pang mga bersiyon ng Beatitudes

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Lucas 6:20–26 at 3 Nephi 12:1–12 at talakayin ang mga karagdagang kabatirang nakuha nila mula sa mga talatang ito.

Pagsusulat sa journal

Sabihin sa mga estudyante na gumawa sa kanilang study journal ng heading na tulad ng sumusunod:

Mateo 5–7 : Maaari akong maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng …”

Hikayatin ang mga estudyante na idagdag sa tala na ito ang anumang ideya at impresyong matatanggap nila habang pinag-aaralan nila ang Sermon sa Bundok.