Seminary
Mateo 5:17–47


Mateo 5:17–47

Ang Mas Mataas na Batas

Jesus Christ in Sermon on the Mount

Sa pagpapatuloy ni Jesucristo sa Sermon sa Bundok, itinuro Niya kung paano Niya tinupad ang batas ni Moises, at ipinabatid Niya ang mas mataas na batas ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maipamuhay ang mas mataas na batas ni Cristo upang maging higit na katulad ka ng Ama sa Langit.

Pagtulong sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral. Kinakailangan sa espirituwal na pag-aaral na magsumikap at magpasiya ang mga estudyante. Habang aktibong ginagawa ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral ng ebanghelyo, binubuksan nila ang kanilang puso sa Espiritu Santo. Maghanap ng mga paraan upang maanyayahan ang lahat ng estudyante na makilahok ayon sa kanilang mga pangangailangan at kakayahan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na ipagdasal na turuan sila ng Espiritu sa seminary. Maaari ding anyayahan ang mga estudyante na ipagdasal ang kanilang mga titser at kaklase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Itinuro ni Jesus ang mas mataas na batas ng ebanghelyo

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na tumayo sa isang silya at ilarawan ang nakikita niya ngayon na hindi niya nakikita kapag nakatayo siya sa sahig.

  • Kailan nakatulong sa iyo ang pagtayo sa mas mataas na lugar upang mas makita mo ang tinatanaw mo?

  • Anong mga bagay ang nakita mo na hindi mo nakita dati?

Tulad ng mas malawak na nakikita natin kapag nakatayo tayo sa mas mataas na lugar, itinuro ng Tagapagligtas ang mas mataas na batas sa Kanyang mga disipulo upang mabigyan sila ng mas malawak na pananaw. Makatutulong ang mas malawak na pananaw na ito sa atin na maging higit na katulad Niya at ng Ama sa Langit.Sa Mateo 5:17–20 , itinuro ng Tagapagligtas na Siya ay naparito upang tuparin ang batas ni Moises—at hindi upang alisin ang alinman sa mga walang hanggang katotohanan sa batas. Ipinanumbalik ni Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo na nawala dahil sa kasamaan at apostasiya. Itinama Nya ang mga maling turo at tinupad Niya ang mga propesiyang ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang Mateo 5:21–47 ay naglalaman ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga batas at tradisyong binuo ng mga Judio sa ilalim ng batas ni Moises. Sa mga talatang ito, ipinaliwanag ni Jesucristo ang tunay na kahulugan ng batas ni Moises, at itinuro Niya ang mas mataas na paraan ng kabutihan.

Basahin ang Mateo 5:38–42 , at maghanap ng halimbawa ng isang kautusan mula sa batas ni Moises at ng mas mataas na batas na itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo bilang kapalit nito.

  • Ano ang isang bagay na tinukoy ng Tagapagligtas bilang bahagi ng batas ni Moises o ng iba pang mga tradisyong itinatag ng mga tao?

  • Anong mas mataas na batas ang ibinigay ng Tagapagligtas bilang kapalit nito?

  • Paano mas makatutulong sa isang tao ang pagsunod sa mas mataas na batas na ito kaysa sa lumang batas upang maging higit na katulad ng Ama sa Langit?

Ang mga sumusunod na aktibidad ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong mapag-aralan nang mag-isa ang isang elemento ng mas mataas na batas. Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging piliin ang aktibidad na sa palagay nila ay magiging pinakakapaki-pakinabang sa kanila. Ipakita ang mga tagubilin kung kinakailangan.

Aktibidad A: Paano ko makokontrol ang aking galit?

Isipin ang huling pagkakataong nagalit ka.

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang kontrolin ang galit?

Basahin ang Mateo 5:21–24 , at alamin ang mas mataas na batas na itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa galit.

  • Mayroon ka bang maaaring markahan sa mga talatang ito? Kung mayroon, bakit?

Nilinaw ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang ating responsibilidad na kontrolin ang ating galit.

Official portrait of President Thomas S. Monson, 2008.

Ang magalit ay pagsuko sa impluwensya ni Satanas. Walang makakapagpagalit sa atin. Tayo ang nagpapasiya. Kung hangad nating magkaroon ng tamang saloobin sa lahat ng oras, dapat nating ipasiya na iwasang magalit. Pinatototohanan ko na posible iyan.

(Thomas S. Monson, “Kapatid, Damdamin ay Turuan,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 68)

  • Sa paanong mga paraan naging halimbawa ang Tagapagligtas ng pagsunod sa mas mataas na batas na ito?

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtalakay ng susunod na tanong sa maliliit na grupo. Hikayatin silang mag-isip ng mga praktikal na solusyon upang matulungan ang isang tao na nahihirapang kontrolin ang kanyang galit.

  • Ano ang magagawa mo upang makahugot ng lakas sa Tagapagligtas upang matulungan kang masunod ang mas mataas na batas na ito?

Aktibidad B: Bakit dapat kong iwaksi ang mga mapagnasang pag-iisip??

A dandelion weed.
  • Ano ang mangyayari kung hindi maaalis ang mga damo sa halamanan?

  • Paano maitutulad sa mga damo sa halamanan ang mga hindi naaangkop na pag-iisip?

Basahin ang Mateo 5:27–28 , at alamin ang mga kasalanang ibinabala sa atin ng Tagapagligtas.

Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung gaano kabigat na kasalanan ang pagnanasa:

Official Portrait of Elder Jeffrey R. Holland. Photographed January 2018.

Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan. … Ang pag-ibig ay nagbubunsod sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Ang pagnanasa, sa kabilang banda, ay kahit anong hindi makadiyos at natutuwa sa pagpapasasa ng sarili. Ang pag-ibig ay mapagparaya at mapagkandili; ang pagnanasa ay sariling kasiyahan lang ang nasa isip.

(Jeffrey R. Holland, “Huwag nang Magbigay-Puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 44–45)

Tulad ng damo na maaalis natin sa ating halamanan, maaalis din natin ang mga masasamang iniisip natin. Basahin ang Mateo 5:29–30 . Ipinaliwanag ng Joseph Smith Translation ng Mateo 5:33–34 na ibinigay ni Jesus ang banal na kasulatang ito bilang talinghaga tungkol sa ating mga kasalanan, at dapat nating iwaksi ang ating mga kasalanan, upang hindi tayo putulin at ihagis sa apoy. Maaari mong markahan ang itinuro ng Tagapagligtas.

  • Ano ang nabasa mo na pinakamahalaga sa iyo? Ano ang mga tanong mo tungkol sa mga scripture verse na ito?

A dandelion weed.
  • Sa paanong mga paraan maitutulad sa pagdukot ng mata o pagputol ng kamay ang pag-aalis ng mga kasalanan sa ating buhay?

  • Anong mga problema ang maaari nating kaharapin kung hindi natin susundin ang payo ng Tagapagligtas na iwaksi ang mga kasalanan sa ating buhay?

  • Ano ang magagawa mo upang makahugot ng lakas sa Tagapagligtas upang matulungan kang maiwaksi ang pagnanasa o iba pang hindi naaangkop na pag-iisip?

Aktibidad C: Paano ko dapat tratuhin ang mga taong hindi ko nakakasundo?

Mag-isip ng isang taong hindi mo gaanong nakakasundo.

  • Sa iyong palagay, paano nakaiimpluwensya sa ugnayan mo sa iyong Ama sa Langit ang pagkakaroon ng hindi mabuting saloobin sa taong ito?

Basahin ang Mateo 5:43–47 , at alamin ang mas mataas na batas na itinuro ni Jesus na makatutulong sa iyo.

  • Anong mga salita o parirala ang pinakamahalaga sa iyo? Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang mga iyon?

Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na si Jesucristo ang perpektong halimbawa nito. Maaari mong panoorin ang video na “Ang Mahabagin ay Kahahabagan” mula sa time code na 10:46 hanggang 11:57, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang teksto sa ibaba.

A dandelion weed.
Official portrait of Elder Dieter F. Uchtdorf of the Quorum of the Twelve Apostles, 2006. Called as Second Counselor in the First Presidency, 3 February 2008. Made official portrait in 2008 replacing portrait taken in 2004.

Sa tuwina, si Cristo ang ating huwaran. Sa Kanyang mga turo at maging sa Kanyang buhay, ipinakita Niya sa atin ang paraan. Pinatawad Niya ang masasama, ang mahahalay, at yaong naghangad na saktan at ipahamak Siya.

Sinabi ni Jesus na madaling mahalin ang mga nagmamahal sa atin; maging ang masasama ay magagawa iyan. Ngunit nagturo ng mas mataas na batas si Jesucristo. Ilang siglo na ang nakararaan nang sambitin Niya ang mga salitang ito at angkop iyon sa atin ngayon. Para iyon sa lahat ng nagnanais na maging Kanyang mga disipulo. Ang mga ito ay para sa inyo at sa akin: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [gumawa ng mabuti sa kanila na napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig” [ Mateo 5:44 ; tingnan din sa mga talata 45–47 ].

Kapag ang ating puso ay puno ng pag-ibig ng Diyos, tayo ay nagiging “[mapagmagandang-loob] sa isa’t isa, mga mahabagin, na [nangagpapatawaran] sa isa’t isa, gaya naman ng pagpapatawad sa [atin] ng Dios [alang-alang] kay Cristo” [ Mga Taga Efeso 4:32 ].

(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 76)

  • Ano ang nadama ng Tagapagligtas sa mga taong hindi mabuti ang pagtrato sa Kanya?

  • Ano ang mga karanasan mo tungkol sa pagsisikap mong mahalin ang iyong mga kaaway o pagdarasal para sa mga taong hindi naging mabait sa iyo?

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtalakay ng susunod na tanong sa maliliit na grupo. Hikayatin silang mag-isip ng mga praktikal na solusyon upang matulungan ang isang taong nahihirapang mahalin ang kanyang mga kaaway.

  • Ano sa palagay mo ang magagawa mo upang makahugot ng lakas sa Tagapagligtas upang matulungan kang mahalin ang iyong mga kaaway?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa klase, o sa isang kaklase na pumili ng ibang aktibidad.

Pagsunod sa mas mataas na batas

Pagnilayan kung anong elemento ng mas mataas na batas ang sa palagay mo ay kailangan mong pagtuunang sundin. Isiping humingi ng kapatawaran at tulong sa Ama sa Langit habang nagsisikap kang magsisi at sundin ang batas na ito. Hangarin ang patnubay ng Espiritu upang malaman kung ano ang mga dapat mong gawin. Maaari mong kausapin ang iyong mga magulang, bishop, o iba pang lider ng Simbahan upang matulungan ka nilang masunod ang batas na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Mateo 5:18 . Ano ang mga jot at tittle (tuldok at kudlit)?

Ang jot ay tumutukoy sa pinakamaliit na titik sa alpabetong Hebreo. Angtittle (kudlit) ay tumutukoy sa isang maliit na markang nagsasaad ng ibang pagbigkas ng mga salita sa nakasulat na wika. Binanggit ng Tagapagligtas ang mga elementong ito ng pagsulat upang isaad na tutuparin Niya ang bawat bahagi ng batas ni Moises hanggang sa pinakamaliit na detalye.

Mateo 5:22 . Ano ang ibig sabihin ng salitangraca

?

Ang raca ay isang salitang Aramaic at Griyego na nagpapahiwatig ng panlalait. Maaari din itong mangahulugang “tanga, hangal, o taong walang utak.”

Mateo 5:27–28 . Ano ang pangangalunya?

Ang pangangalunya ay tumutukoy sa pagkakaroon ng seksuwal na relasyon ng dalawang tao habang ang isa sa kanila o silang dalawa ay kasal sa ibang tao. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pakikiapid, ” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)

Mateo 5:43 . Saan nanggaling ang kasabihang “Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway”?

Ang utos na “iibigin mo ang iyong kapwa” ay matatagpuan sa Levitico 19:18 , ngunit walang banal na kasulatan sa Lumang Tipan na nag-uutos sa atin na kapootan ang ating kaaway. Tila ang tinutukoy ng Tagapagligtas ay isang kasabihan na karaniwan sa Kanyang panahon.

Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Aktibidad sa journal para sa Sermon sa Bundok

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na idagdag sa kanilang journal entry ang sumusunod: “ Mateo 5–7 : Maaari akong maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng …”