Seminary
Apocalipsis 12


Apocalipsis 12

“Digmaan sa Langit”

Larawan
illustration of the earth from space

Saan ka nanggaling bago ka isinilang sa mundo? Paano makakaapekto sa buhay mo ang kaalamang ito? Habang inilalarawan ang kanyang pangitain tungkol sa “mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito” ( Apocalipsis 4:1) hinggil sa mga huling araw at Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ibinahagi rin ni Juan ang mga detalye tungkol sa ating buhay bago tayo isinilang, kabilang ang “digmaan sa langit” ( Apocalipsis 12:7) at ang pagsalungat ni Satanas sa mga tagasunod ni Jesucristo sa mortalidad. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang pag-ibayuhin ang iyong katapatan na sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng pagtulong sa iyo na maunawaan ang iyong pinili sa buhay bago tayo isinilang na sundin ang Tagapagligtas at hindi tanggapin si Satanas.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na makapag-isip. Magbigay ng mga pagkakataon na pag-isipan ng mga estudyante ang nalalaman at pinaniniwalaan nila at ang nadarama nila tungkol sa natututuhan nila. Ang paggawa nito ay makadaragdag sa posibilidad na maturuan sila ng Espiritu. Matutulungan sila nito na matukoy ang kanilang kasalukuyang espirituwal na pag-unlad at kung ano ang maaaring kailangan nilang gawin upang magbago at umunlad.

Paghahanda ng estudyante: Ilang araw bago ang lesson na ito, sabihin sa mga estudyante na bigyang-pansin ang mga paraan na nakikita nilang nilalabanan ni Satanas si Jesucristo at ang Kanyang mga tagasunod. Hikayatin silang maghandang magbahagi ng mga partikular na halimbawa ng napansin nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Anong kaibahan ang magagawa nito?

Sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, ibinahagi ni Sister Wendy W. Nelson, asawa ni Pangulong Russell M. Nelson, ang sumusunod na pahayag. Subukang ilarawan sa isipan kung ano ang ipinag-aanyaya niya sa iyo na ilarawan sa isipan at damhin. Maaari mong panoorin ang video na “Pag-asa ng Israel” (1:01:34), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 20:52–21:37, o basahin ang sumusunod na pahayag.

Maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na talata nang paisa-isa at hayaang talakayin ng mga estudyante ang pahayag ni Sister Nelson. Maaari nilang isipin kung ano ang hitsura ng ating buhay bago tayo isinilang at kung ano ang kaya ang pakiramdam na maranasan ang sinasabi ni Sister Nelson.

Larawan
Portrait of Wendy Watson Nelson, wife of President Russell M. Nelson. December 2016.

Gusto ko sanang mapanood ninyo sa YouTube ang kahit 10 minutong video ng buhay ninyo bago kayo isilang.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na kung makakatitig kayo sa langit sa loob ng limang minuto, mas matututo pa kayo tungkol sa isang bagay kaysa kung pag-aaralan ninyo ito ng buong buhay ninyo. Kaya isipin ninyo kung makikita ninyo ang 10 minuto ng inyong buhay bago kayo ipinanganak!

Siyempre alam natin na mahusay na naglagay ang Panginoon ng tabing sa mga alaalang iyon. Pero, kahit sandali, isipin ninyo ang epekto sa buhay ninyo kung papayagan kayong makita ang 10 minuto ng buhay ninyo bago kayo isinilang.

(Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa Liahona, 4–5, SimbahanniJesucristo.org)

  • Kung makikita mo ang iyong sarili sa buhay bago ka isinilang, anong mga partikular na bagay ang inaasahan mong makita, matutuhan, madama, o maunawaan sa pagkakaroon ng karanasang iyon?

  • Ano sa palagay mo ang kaibahang magagawa nito sa iyong buhay?

Sa Apocalipsis 12 , isinulat ni Juan ang tungkol sa Digmaan sa Langit sa buhay bago tayo isinilang. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga detalye tungkol sa iyong ugnayan kay Jesucristo sa buhay bago ka isinilang. Pag-isipan kung paano makakaapekto ang pag-unawa sa ugnayang ito sa kakayahan mong sumunod sa Kanya at madaig si Satanas sa iyong buhay ngayon.

Ang Digmaan sa Langit sa buhay bago tayo isinilang o premortal na buhay

Ang sumusunod na content ay may layuning tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga simbolo at matalinghagang paglalarawan mula sa pangitain ni Juan upang maunawaan nila ang Digmaan sa Langit kalaunan sa lesson. Magbigay ng takdang oras na igugugol ng mga estudyante sa mga talatang ito upang magkaroon ng sapat na oras para sa mga aktibidad kalaunan sa lesson.

Upang matulungan kang maghandang pag-aralan ang mga turo ni Juan tungkol sa Digmaan sa Langit, maaaring makatulong sa iyo na pag-aralan ang Apocalipsis 12:1–5 at pagkatapos ay tingnan ang larawan sa ibaba na nagpapakita ng ilan sa mga simbolo sa mga talatang ito. Gamitin ang sumusunod na chart upang matulungan kang maunawaan kung ano ang kinakatawan ng mga simbolong ito.

Larawan
Book of Revelation Transparencies

Maaari mong ipakita ang sumusunod na impormasyon para sa mga estudyante.

Simbolo

Ang kinakatawan

Isang babae ( Apocalipsis 12:1)

“[Ang] simbahan ng Diyos” (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7)

Ang anak ng babae ( Apocalipsis 12:2)

“Ang kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo” (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7)

Isang dragon ( Apocalipsis 12:3)

Si Satanas (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:8)

Upang malaman ang tungkol sa Digmaan sa Langit, gumawa ng chart na katulad ng sumusunod sa iyong study journal. Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–11 . Tandaan na “si Miguel at ang kanyang mga anghel” ( Apocalipsis 12:7) ay si Adan at ang iba pang mabubuting espiritung anak ng Diyos.

Maaari mong gawin ang sumusunod na chart sa pisara para makopya ng mga estudyante sa kanilang study journal. Bukod sa pagkumpleto ng chart sa kanilang study journal, magagawa ng mga estudyante na isulat ang mga sagot na hindi masyadong personal sa maliliit na papel at i-post ang mga ito sa pisara sa tabi ng naaangkop na pahayag.

Ang Digmaan sa Langit

Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–11

Natutuhan ko na si Satanas ay …

Natutuhan ko na si Jesucristo ay …

Natutuhan ko na ako ay …

Pagnilayan ang nabasa mo at kung ano ang isinulat mo sa iyong chart.

  • Ano ang mahalaga para sa iyo? Ano ang mga tanong mo?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng talata 11 tungkol sa kung sino ka sa buhay bago ka isinilang? Anong tungkulin ang ginampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iyo na madaig si Satanas?

Sa pagtuturo tungkol sa buhay bago tayo isinilang at sa ating mga ginawa roon, binigyang-diin ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod:

Larawan
Official Portrait of President Dallin H. Oaks taken March 2018.

Sa Kapulungan sa Langit, ipinaalam sa lahat ng espiritung anak ng Diyos ang plano ng Ama, pati na ang mga ibubunga at pagsubok nito, ang mga tulong ng langit, at ang maluwalhating tadhana nito. Nakita natin ang katapusan mula sa simula. Lahat ng napakaraming mortal na isinilang sa mundong ito ay pinili ang plano ng Ama at ipinaglaban ito sa sumunod na digmaan sa langit.

(Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93)

  • Ano ang natututuhan mo na makapagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo at makatutulong sa iyo na sundin Siya?

Ang isang katotohanan na maaari mong matutuhan mula sa iyong pag-aaral ay nadaig mo si Satanas sa buhay bago ka isinilang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pananatiling tapat sa iyong patotoo.

  • Paano nakakaimpluwensya ang pag-unawa sa katotohanang ito sa kung paano mo nakikita ang iyong sarili at ang iba?

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng katotohanang ito tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala?

Alalahanin na matapos ang paghihimagsik ni Satanas, siya at ang kanyang mga tagasunod ay “itinapon sa lupa” ( Apocalipsis 12:9). Basahin ang Apocalipsis 12:12, 17 , at alamin kung kanino nakidigma si Satanas matapos siyang itapon mula sa langit. Maaari mong idagdag ang iyong mga nalaman sa chart na ginawa mo.

Bago itanong ang susunod na tanong, ipaalala sa mga estudyante ang paanyaya mula sa aktibidad sa paghahanda ng estudyante.

  • Paano mo nakikita na nagpapatuloy ngayon ang digmaang sinimulan ni Satanas laban sa mga tagasunod ni Cristo?

  • Paano makatutulong sa iyo ang mga katotohanang nalaman mo tungkol sa Digmaan sa Langit sa buhay bago tayo isinilang sa digmaang ito laban kay Satanas ngayon?

Rebyuhin ang inilista mo sa iyong study journal, at maaari mong tahimik na isipin at ipagdasal ang iyong personal na paniniwala sa iyong buhay bago ka isinilang at sa mga katotohanan ng digmaan ni Satanas at ng mga sumusunod kay Jesucristo. Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang natutuhan mo ngayon na mas maunawaan ang iyong pagtitiwala at pag-asa kay Jesucristo sa buhay bago ka isinilang. Paano mo Siya mas lubos na mapagkakatiwalaan at maaasahan sa buhay na ito? Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Paano ko nadaig si Satanas sa Digmaan sa Langit sa buhay bago tayo isinilang?

Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang sumusunod:

Larawan
Official Portrait of President Henry B. Eyring taken March 2018.

Isipin ang nalalaman natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang. Inilahad ng ating Ama sa Langit ang isang plano para sa Kanyang mga anak. Naroon tayo. … Sinalungat ni Lucifer, na ating kapatid sa espiritu, ang plano na magtutulot sa atin ng kapangyarihang pumili. Si Jehova, ang Pinakamamahal na Anak ng Ama sa Langit, ay sumang-ayon sa plano. Pinamunuan ni Lucifer ang isang paghihimagsik. Nagwagi ang sumasang-ayon na tinig ni Jehova, at nagboluntaryo Siya na maging Tagapagligtas natin.

Ang katotohanang buhay kayo ngayon ay tumitiyak na sumang-ayon kayo sa Ama at sa Tagapagligtas. Kinailangan ang pananampalataya kay Jesucristo upang sang-ayunan ang plano ng kaligayahan at ang tungkulin ni Jesucristo rito sapagkat kakaunti lamang ang inyong pagkakaalam tungkol sa mga hamong haharapin ninyo sa mortalidad.

(Henry B. Eyring, “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon,” Liahona, Mayo 2019, 58)

Ibinahagi ni Brother Ahmad S. Corbitt, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency, ang sumusunod:

Larawan
The official portrait of Ahmad Corbitt.

Nang ipangako ni Jesucristo [sa premortal na daigdig] na Siya ay paparito sa mundo at ibibigay Niya ang Kanyang buhay upang tipunin at iligtas tayo, hindi lamang kayo naniwala sa Kanya. Kayong “magigiting na mga espiritu” ay may “labis na pananampalataya” kaya nakita ninyo na tiyak ang Kanyang pangako [Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” 8; Alma 13:3 ]. Hindi Siya maaaring magsinungaling, kaya nakita ninyo Siya na tila itinigis na Niya ang Kanyang dugo para sa inyo, bago pa man Siya isinilang. …

… Bago isinilang kayong magigiting na mga espiritu, natutuhan ninyong makita ang mga pangako ni Cristo sa tiyak na paraang ito, at natikman ninyo ang Kanyang pagliligtas. Ang inyong malaking pananampalataya ay tulad ng mga kalamnan na mas lumalakas at mas lumalaki kapag lalo ninyong ginagamit ang mga ito, ngunit taglay na ninyo ang mga ito.

(Ahmad S. Corbitt, “Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!,” Liahona, Mayo 2021, 62)

Saan ko matututuhan pa ang tungkol sa buhay bago tayo isinilang?

Maaari mong pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na resource:

Moises 4:1–4

Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Digmaan sa Langit,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/war-in-heaven?lang=tgl

Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Digmaan sa Langit ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/war-in-heaven?lang=tgl

Saan Tayo Nanggaling?” (video, 3:23), https://www.churchofjesuschrist.org/media-library/video/2019-07-0060-where-did-we-come-from?lang=tgl

Anong uri ng digmaan ang Digmaan sa Langit?

Inilarawan ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang digmaang nangyari sa langit.

Larawan
Head and shoulders portrait of Elder Bruce R. McConkie.

Anong klase ng digmaan? Katulad ng uri ng digmaan na namamayani sa mundo; ang uri na mapapasimulan lamang ni Satanas at ng mga espiritu—digmaan ng mga salita, pagkakaingay ng mga opinyon, paglalaban ng mga ideolohiya; digmaan ng katotohanan at kamalian, ng liwanag at kadiliman. … At patuloy pa rin ang digmaang ito. Nasa lupa na ito ngayon tulad noon sa langit; lahat ng tao ay dapat pumili kung sinong heneral ang kanyang susundin.

(Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary [1973], 3:518)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Mga alternatibong paraan upang simulan ang lesson

Bilang alternatibo sa iminungkahi sa simula ng lesson, maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagtalakay sa kanilang mga karanasan sa pamumuhay sa panahong tumitindi ang mga digmaan sa buong mundo. Maaari nilang talakayin ang ilan sa pinakamatindi o kasalukuyang digmaan at ang mga epekto ng mga digmaang iyon bago talakayin ang mga espirituwal na pakikipaglaban, o digmaan, at mga epekto nito. Bukod pa rito, maaaring hilingin sa mga estudyante na rebyuhin sandali, iguhit, o ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa plano ng kaligtasan at pagkatapos ay pag-isipan ang buhay bago tayo isinilang. Maaari nilang talakayin ang nalalaman, pinaniniwalaan, o gusto nilang malaman tungkol sa bahaging ito ng plano.

Ang babae sa ilang

Ipaalala sa mga estudyante na ang “babae” na binanggit sa Apocalipsis 12 ay kumakatawan sa “simbahan ng Diyos” ( Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7). Matapos basahin ang tungkol sa Digmaan sa Langit sa Apocalipsis 12:7–11 , maaaring makatulong na basahin ang Apocalipsis 12:8–17 , at alamin ang gustong gawin ni Satanas sa Simbahan ng Tagapagligtas. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga simbolikong turo ni Juan sa mga talatang ito, maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod: “Ano sa palagay ninyo ang sinasagisag ng babaeng lumipad patungo sa ilang matapos usigin ng dragon?” (Tingnan sa Apocalipsis 12:13–14 ; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 86:1–3 .)

Print