Apocalipsis 6–7
“Sino ang Makakatagal?”
Bilang bahagi ng kanyang paghahayag, nakita ni Juan ang isang pangitain na binubuksan ng Kordero ng Diyos ang unang anim na tatak ng aklat na tinatakan. Sa pagbubukas ng ikaanim na tatak, ipinakita kay Juan ang matitinding paghihirap, na sinundan ng pangitain tungkol sa mga tagapaglingkod ng Diyos na naging malinis sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo na sumasamba sa harapan ng trono ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 7:9–15). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng pag-asa kay Jesucristo upang maging dalisay at manatiling tapat sa panahon ng mga kapighatian sa mga huling araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagbukas sa unang anim na tatak
Sa iyong study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang mga bumabagabag sa iyo tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw? Bakit?
-
Ano ang nagpapasaya sa iyo tungkol sa pamumuhay sa mga huling araw? Bakit?
Alalahanin na sa Apocalipsis 5 , nakakita si Juan ng aklat na may pitong tatak na si Jesucristo lamang ang karapat-dapat magbukas. Ang bawat tatak ay kumakatawan sa 1,000 taong yugto ng temporal na kasaysayan ng mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:7). Simula sa Apocalipsis 6:12 , nakita ni Juan ang pagbubukas ng ikaanim na tatak. Ang ikaanim na tatak ay kumakatawan sa sanlibong taon na humahantong sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at malamang na kinabibilangan ng panahon kung kailan tayo nabubuhay ngayon.
Para sa impormasyon at mga interpretasyon tungkol sa mga simbolong inilarawan ni Juan para sa unang anim na tatak (tingnan sa Apocalipsis 6:1–11), tingnan sa “Revelation 6. The First Six Seals” sa New Testament Student Manual (2014), 542–43.
Basahin ang Apocalipsis 6:12–16 , at alamin ang ilan sa mga pangyayaring nakita ni Juan sa pagbubukas ng ikaanim na tatak.
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga talata 15–16 tungkol sa espirituwal na kalagayan ng maraming tao na nabubuhay sa panahon ng pagbubukas ng ikaanim na tatak?
Basahin ang Apocalipsis 6:17 at maaari mong markahan ang tanong sa talatang iyon.
-
Paano mo sasabihin sa mga sarili mong salita ang tanong ni Juan?
-
Ano sa palagay mo ang sagot sa tanong ni Juan?
Sa kabila ng ipinropesiyang pagkawasak at kasamaan sa mga huling araw, isipin ang lahat ng ginawa at ginagawa ng Panginoon upang pangalagaan ang Kanyang mga Banal bilang paghahanda sa Kanyang pagbabalik sa lupa.
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas at ano ang ginagawa Niya ngayon upang maihanda at maprotektahan ang Kanyang mga Banal?
Habang ipinagpapatuloy mo ang iyong pag-aaral, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na masagot ang tanong sa Apocalipsis 6:17 . Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pag-asa kay Jesucristo upang makadama ka ng kapayapaan at kagalakan habang pinagsisikapan mong tiisin ang mga espirituwal at pisikal na hamon sa mga huling araw.
Nakita ni Juan ang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito at ang isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal
Sa Apocalipsis 7 , nakakita si Juan ng apat na anghel na isinugo mula sa Diyos na may kapangyarihang magligtas at magwasak ng buhay sa lupa (tingnan sa Apocalipsis 7:1 ; Doktrina at mga Tipan 77:8). Nakita ni Juan ang mga anghel na ito na naghahandang magbuhos ng pagkawasak sa lupa bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Nakita rin niya ang proteksyong ibinibigay sa mga miyembro ng mga lipi ni Israel (tingnan sa Apocalipsis 7:1–8 ; 9:3–4). Pagkatapos ay nakakita siya ng pangitain tungkol sa kahariang selestiyal.
Basahin ang Apocalipsis 7:9–12 , at alamin kung paano inilarawan ni Juan ang mga tao sa kahariang selestiyal.
-
Ilang tao ang nakita ni Juan, at bakit mahalaga iyon?
-
Ano ang mahalaga para sa iyo tungkol sa mga salita at ginawa ng mga taong ito?
Susunod, basahin ang Apocalipsis 7:13–14 at alamin ang mga pagpapala sa hinaharap na naghihintay sa matatapat at kung ano ang nagbigay-kakayahan sa mga tao na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos.
-
Paano nakatutulong ang mga talatang ito sa pagsagot sa tanong na nasa Apocalipsis 6:17 ?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pinaputi ang mga damit sa dugo ng Kordero?
Ang isang alituntunin na matutukoy mula sa mga talatang ito ay kung matitiis natin ang mga kapighatian nang may pananampalataya at magiging dalisay tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatamo natin ang selestiyal na kaluwalhatian sa piling ng Diyos.
Upang mas maunawaan ang ibig sabihin ng pinaputi ang ating mga damit sa dugo ng Kordero at kung paano mo matatanggap ang pagpapalang ito, pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na reperensyang banal na kasulatan:
Doktrina at mga Tipan 58:42–43
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Ano ang ilang paraan na masisimulan mong matamo ang nakalilinis na kapangyarihan ni Jesucristo ngayon?
Kapayapaan at kapahingahan sa piling ng Diyos
Basahin ang Apocalipsis 7:15–17 , at alamin ang mga pagpapalang nakita pa ni Juan na mararanasan ng mabubuti sa kahariang selestiyal.
-
Alin sa mga pagpapalang ito ang pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
-
Paano makakaimpluwensya sa iyong pag-uugali ngayon ang pag-unawa sa mga pagpapalang ito sa hinaharap?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Apocalipsis 7:1 . Ano ang misyon at simbolismo ng apat na anghel?
Binanggit sa Apocalipsis 7:1 ang apat na anghel, ang apat na sulok ng lupa, at ang apat na hangin ng lupa. Ang numerong apat sa mga banal na kasulatan ay karaniwang tumutukoy sa buong heograpiya, tulad ng apat na direksyon sa kompas. Ang mga anghel na ito ay binigyan ng misyon na igawad ang walang hanggang ebanghelyo sa “bawat bansa, lahi, wika, at tao” ( Doktrina at mga Tipan 77:8).
Apocalipsis 7:2–8 . Sino ang 144,000 sa mga lipi ni Israel, at ano ang itinatak sa kanilang mga noo?
Sa Doktrina at mga Tipan 77:11 , ipinaliwanag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang numerong 144,000 na binanggit sa Apocalipsis 7:4–8 ay ang bilang ng mga kinatawan mula sa labindalawang lipi ni Israel na oordenan upang tumulong sa kanilang kapwa sa pagsisikap ng mga ito na matamo ang kadakilaan. Hindi ito ang kabuuang bilang ng mga taong magtatamo ng kadakilaan, na pinaniniwalaan ng ilang tao.
Hinggil sa pagtatatak sa “mga noo [ng] mga alipin ng … Diyos” ( Apocalipsis 7:3), itinuro ni Propetang Joseph Smith na ito ay “nangangahulugan ng pagtatatak ng pagpapala sa kanilang mga noo, na ang ibig sabihin ay ang walang hanggang tipan” (sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume E-1, 1690, josephsmithpapers.org).
Paano ko masisimulan ang proseso ng paghuhugas ng aking damit at “[pagpapaputi ng] mga ito sa dugo ng Kordero”? ( Apocalipsis 7:14)
Itinuro ni Elder Lynn A. Mickelsen ng Pitumpu:
Ang responsibilidad natin ay magsisi. Kailangan nating talikdan ang ating mga kasalanan para masimulan ang paglilinis. Ipinangako ng Panginoon na lilinisin Niya ng Kanyang dugo ang ating mga kasuotan [tingnan sa Apocalipsis 7:14 ]. Ibinuwis Niya ang Kanyang buhay at nagdusa para sa lahat ng kasalanan natin. Matutubos Niya tayo sa ating sariling pagkahulog. Sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na inialay ang Kanyang Sarili para tubusin ang ating mga kasalanan, binigyang-karapatan Niya ang Espiritu Santo na linisin tayo sa pagbibinyag ng apoy.
(Lynn A. Mickelsen, “Ang Pagbabayad-sala, Pagsisisi, at mga Tagong Pagkakasala,” Liahona, Nob. 2003, 12)
Paano ko matatamo ang kapangyarihan at proteksyong ibinibigay ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Banal sa mga huling araw?
Sa 1 Nephi 14:12–17 , nakita ni Nephi ang kasamaan at pagkawasak sa mga huling araw at ang mga Banal na “nasasandatahan … ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” ( talata 14). Sa pagsasalita ng tungkol sa paraan kung paano natin masasandatahan ang ating sarili ng mga pagpapala ring iyon, ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Paano natin sasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ang ating sarili? Panatilihin nating banal ang araw ng Sabbath at igalang natin ang priesthood. Gumawa at tumupad tayo ng mga sagradong tipan, gawin natin ang ating family history, at dumalo tayo sa templo. Patuloy nating sikaping magsisi at sumamo sa Panginoon na “gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang [tayo] ay makatanggap ng kapatawaran sa [ating] mga kasalanan” ( Mosias 4:2). Manalangin at maglingkod at magpatotoo at sumampalataya tayo kay Jesucristo.
(Henry B. Eyring, “Nasasandatahan ng Kabutihan,” Liahona, Mar. 2017, 4)