Roma 4–5
Pananampalataya, mga Gawa, at Biyaya
Sa kanyang sulat sa mga taga Roma, hinangad ni Pablo na tulungan ang mga Banal sa Roma na maunawaan ang biyaya ni Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol sa kaugnayan nito sa pananampalataya at mga gawa. Ang mga turo ni Pablo ay makatutulong sa ating mapalalim ang ating pag-unawa tungkol sa pangangailangan nating mapatawad at mailigtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na mas maunawaan at mapahalagahan ang biyaya ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang magliligtas sa iyo?
Ipagpalagay na halos mamatay ka na sa uhaw sa isang disyerto at may isang bote ng tubig sa ibabaw ng kalapit na burol. Gaano kahalaga ang bawat isa sa mga sumusunod sa iyong kaligtasan?
-
Ang paniniwala mo na maililigtas ka ng tubig
-
Ang pagsisikap mong makarating sa tubig
-
Ang tubig mismo
-
Bakit tubig lang makatutulong sa iyo para hindi ka mamatay sa uhaw?
-
Bakit hindi sapat ang paniniwala sa tubig at pagsisikap na makuha ang tubig?
-
Paano nauugnay sa isa’t isa ang iyong paniniwala, pagsisikap, at ang tubig?
Ang sitwasyong ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga turo ni Pablo tungkol sa kung paano nauugnay ang pananampalataya, mga gawa, at biyaya sa pagbibigay-katwiran.
-
Ano ang kahulugan ng mga salitang pananampalataya, mga gawa, at biyaya?
Maaaring makatulong na rebyuhin ang mga kahulugan ng mga salitang ito sa lesson sa Roma 2–3 o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (SimbahanniJesucristo.org).
Noong panahon ni Pablo, naniwala ang ilang Kristiyanong Judio na nailigtas sila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa sa pagsunod sa batas ni Moises. Sinubukang iwasto ni Pablo ang maling pagkakaunawang ito. Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mga Taga Roma 4:16 .
-
Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa kung paano tayo binibigyang-katwiran, o pinatatawad sa ating mga kasalanan?
Sa talatang ito, itinuro ni Pablo na tayo ay mabibigyang-katwiran dahil sa pananampalataya at mga gawa sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Isulat ang mga salitang pananampalataya, mga gawa, at biyaya sa tabi ng parirala mula sa iyong larawan kung saan tumutugma ang bawat salita.
-
Ano ang matututuhan mo mula sa analohiyang ito tungkol sa pananampalataya at mga gawa?
-
Ano ang matututuhan mo mula sa analohiya tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas?
Karagdagang pag-unawa tungkol sa biyaya ni Jesucristo
Ang biyaya ni Jesucristo ay tumutulong sa atin na mabigyang-katwiran, o mapatawad sa ating mga kasalanan, at pinagpapala rin tayo nito sa iba pang mga paraan. Si Jesucristo ay hindi lamang nagbibigay ng tubig na nakapagliligtas ng buhay, kundi pinalalakas din Niya ang ating pananampalataya at mga pagsisikap upang makuha natin ang tubig. Tayo ay mapagpapala ng Kanyang biyaya bago, habang, at pagkatapos nating manampalataya sa Kanya at gumawa ng mabuti.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Habang nabubuhay tayo, ang biyaya ng Diyos ay nagkakaloob ng temporal na mga pagpapala at espirituwal na mga kaloob na nagpapalago sa ating kakayahan at nagpapayaman sa ating buhay. Pinatitino tayo ng Kanyang biyaya. Tinutulungan tayo ng Kanyang biyaya na maging napakabuti.
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108)
-
Paano ka matutulungan ng biyaya ng Tagapagligtas na maging pinakamahusay na bersiyon ng iyong sarili?
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage at alamin ang iba pang mga pagpapalang nauugnay sa biyaya ng Tagapagligtas. Roma 5:1–2, 21
-
Anong mga karagdagang pagpapala ang maaaring magmula kay Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya?
-
Kailan mo naranasan ang biyaya ng Tagapagligtas sa iyong buhay?
-
Paano ito nakakaimpluwensya sa nadarama mo sa Tagapagligtas?
Pag-anyaya sa biyaya ng Tagapagligtas sa iyong buhay
Ibinigay ni Pangulong Uchtdorf ang kaalamang ito tungkol sa kung paano mo mas lubos na matatanggap ang biyaya ni Jesucristo:
Ang biyaya ay isang kaloob ng Diyos, at ang hangarin nating sundin ang bawat utos ng Diyos ay pag-unat ng ating kamay upang tanggapin ang sagradong kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit.
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 110)
-
Ano ang saloobin at nadarama mo kapag iniisip mo ang mga epekto ng biyaya ni Jesucristo sa iyong buhay?
-
Ano ang magagawa mo upang mas lubos na maanyayahan ang biyaya ni Jesucristo sa iyong buhay?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano natin kikilalanin na kailangan natin ang biyaya?
Itinanong ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang mga sumusunod tungkol sa pangangailangan natin sa biyaya:
Nauunawaan ba natin ang ating utang-na-loob sa Ama sa Langit at humihiling nang buong kaluluwa para sa biyaya ng Diyos?
Kapag lumuluhod tayo sa panalangin, ito ba ay para ibanda sa publiko ang ating sariling kabutihan, o para ipagtapat ang ating mga kasalanan, magsumamo para sa awa ng Diyos, at lumuha nang may pasasalamat para sa kamangha-manghang plano ng pagtubos?
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 109)
Ano ang isang halimbawa ng biyaya na nakikita sa buhay ng isang tao?
Roma 4:16 . Bakit ginamit si Abraham bilang halimbawa ng taong nabigyang-katwiran?
Upang maiwasto ang ideya na tanging ang mga natuli at sumusunod sa batas ni Moises lang ang maliligtas, itinuro ni Pablo na nakatanggap si Abraham ng mga pagpapala bago siya tinuli at ilang siglo bago ibinigay ang batas ni Moises. Patuloy na naging tapat si Abraham pagkatapos makipagtipan sa Diyos at magpatuli. Sa gayon, naipakita ni Pablo na ang mga tao ay hindi binigyang-katwiran sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ni Moises kundi dahil sa pananampalataya at mga gawa sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Paano nauugnay ang biyaya ng Diyos sa Pagkahulog ni Adan?
Itinuro ni Pablo sa Roma 5:12–21 na tinutulungan tayo ni Jesucristo na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog. Dahil sa pagsuway ni Adan, pumasok sa mundo ang kasalanan at kamatayan. Gayunpaman, dahil sa “kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si [Jesucristo]” ( Roma 5:15), madaraig ng lahat ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan at makatatanggap ang lahat ng buhay na walang hanggan. Ang pagbanggit ni Pablo sa Pagkahulog ay tumutulong sa atin na maunawaan ang malawak na kapangyarihan ng biyaya ng Tagapagligtas na madaig ang lahat ng bagay.
Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral
“Ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis”
Itanong sa mga estudyante kung minsan ba ay nagpasalamat sila para sa isang pagsubok na naranasan nila. Ang mga posibleng tanong sa talakayan ay maaaring “Sa anong punto ka nagpasalamat?” o “Ano ang sasabihin mo sa isang taong dumaranas ng pagsubok na makatutulong sa kanya na matiis ito?” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8). Ipaliwanag na dumanas si Pablo ng maraming mahihirap na pagsubok sa kanyang buhay at nagsulat siya tungkol sa mga pagpapalang ibinunga ng kanyang pagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Roma 5:3–5 , at alamin ang sinabi ni Pablo na maaaring maging bunga ng mga pagsubok o kapighatian sa ating buhay. Maaari mong ipabahagi sa mga estudyante kung paano nila naranasan ang anuman sa mga pagpapalang ito.
Matutuhan ang tungkol sa biyaya mula sa Aklat ni Mormon
Ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay nabigyang-inspirasyon na magturo at magsulat tungkol kay Jesucristo at sa biyayang makakamtan natin sa pamamagitan Niya. Maaaring basahin ng mga estudyante ang kahit tatlo sa mga sumusunod na banal na kasulatan, at pag-isipan kung ano ang itinuturo sa kanila ng mga ito tungkol sa biyaya.
Ang isa pang opsiyon ay igrupo ang mga estudyante at magtalaga sa bawat miyembro ng grupo ng isa o mahigit pang scripture passage. Ipabasa sa kanila ang kanilang banal na kasulatan at ipasulat sa kanila ang reperensya at isang paboritong salita o parirala mula sa scripture passage sa isang papel. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na magpalitan ng mga papel at ulitin ang proseso para sa mga papel ng bawat kagrupo. Kapag natapos na ang aktibidad, maaaring tingnan ng mga estudyante ang kanilang orihinal na papel at makikita nila ang mga salita at parirala na pinili ng mga miyembro ng grupo para sa lahat ng mga talata.
Pangwakas na paanyaya
Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang natutuhan nila sa lesson na ito, maaari mo silang bigyan ng notecard o maliit na piraso ng papel. Sabihin sa kanila na dalhin nila ito sa susunod na 24 na oras habang hinahanap nila ang biyaya ng Diyos sa kanilang buhay at isulat ang anumang katibayang makikita nila. Pagkatapos ay anyayahan silang manalangin at magpasalamat para sa bawat pagkakataon at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan silang makita pa ng kanilang mga mata ang Kanyang biyaya sa kanilang buhay. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan sa susunod na klase.