Roma 6
“Makakalakad sa Panibagong Buhay”
Ang pagsuko ng ating sarili sa Diyos ay hindi madali. Ngunit nangako si Jesucristo na sa pagtalikod natin sa ating dating makasalanang buhay, bibigyan Niya tayo ng bagong buhay, at babaguhin Niya ang ating likas na pagkatao upang maging higit na katulad Niya. Itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag, matatanggap natin ang nagpapabagong kapangyarihan ng Tagapagligtas na tutulong sa atin na “[makalakad] sa panibagong buhay” ( Roma 6:4). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong maghangad ng pagbabago sa pamamagitan ni Jesucristo at mas matukoy kung kailan nangyayari ang mga pagbabagong iyon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
-
Ano ang naaalala mo sa iyong binyag?
-
Paano ka espirituwal na nagbago mula nang mabinyagan ka?
Pag-isipan sandali ang iyong espirituwal na pag-unlad. Maaari mo ring itanong sa iyong sarili ang tulad nito, “Lumalakas ba ang aking pananampalataya at ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?” o “Paano nakakaapekto ang natutuhan ko tungkol sa aking Tagapagligtas sa aking pag-uugali at mga kilos?” Habang pinag-aaralan mo ang Roma 6 , pagnilayan kung nagiging mas katulad ka ng Tagapagligtas at kung paano ka Niya matutulungang magpatuloy na umunlad at maging higit na katulad Niya.
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay sumisimbolo sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli
Ang pag-aaral kung paano tukuyin at unawain ang mga simbolo sa mga banal na kasulatan ay isang mahalagang kasanayan. Ginamit ni Pablo ang simbolismo ng binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig upang tulungan ang mga Banal sa Roma na maunawaan na dapat nating talikuran ang ating dating makasalanang buhay upang mabago tayo ni Jesucristo at mabigyan Niya tayo ng bagong buhay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Basahin ang Roma 6:3–8 , at alamin ang mga simbolong makapagtuturo sa iyo ng higit pa tungkol sa Tagapagligtas. Makatutulong na malaman na mababasa sa Joseph Smith Translation ng talata 7 ang “Sapagkat siya na patay sa kasalanan ay pinalaya na mula sa kasalanan” .
-
Ayon sa Roma 6:3–8 , ano ang sinisimbolo para sa atin ng paglusong, paglubog, at pag-ahon mula sa tubig sa binyag?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo ay sumisimbolo sa Pagbabayad-sala. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay simbolo ng kamatayan, paglilibing, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.
(Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35)
-
Paano mo ibubuod ang Roma 6:4 bilang pahayag ng katotohanan?
Ang sumusunod ay isang paraan upang ibuod ang Roma 6:4 : Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari tayong magbago at “[makalakad] sa panibagong buhay.”
-
Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng “makakalakad sa panibagong buhay”? ( Roma 6:4).
-
Kailan mo nadama na sa pamamagitan ng Tagapagligtas ay makakalakad ka sa panibagong buhay?
-
Sa palagay mo, bakit nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na lumakad tayo sa panibagong buhay?
Tulad ng nakatala sa talata 5–6 , itinuro ni Pablo na sa pamamagitan ng tipan at ordenansa ng binyag, ang “ating dating pagkatao” o “katawang makasalanan” ay “kasama [ni Jesucristo na] ipinako sa krus” at “mawalan ng bisa, at upang tayo’y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan.”
Pag-isipan sandali ang mga kasalanan o kahinaang nagpapahirap sa iyo na gusto mong alisin sa iyong buhay. Babalikan mo ang mga saloobing ito kalaunan sa lesson na ito.
Anong mga pagbabago ang magagawa ko?
-
Sa iyong palagay, anong mga uri ng mga pagbabago ang madaling gawin? Alin sa mga ito ang mahirap gawin?
Ginamit ni Pablo ang halimbawa ng pagdaig ng Tagapagligtas sa kamatayan at kasalanan upang ituro na madaraig din natin ang ating mga kasalanan sa pamamagitan Niya.Basahin ang Roma 6:9–14 , at alamin kung paano iniugnay ni Pablo ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo sa kung paano natin madaraig ang kasalanan.
-
Tulad ni Jesucristo na “[namatay] sa kasalanan nang minsanan” ( talata 10), minsan lamang tayo binibinyagan para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Gayunpaman, maaari nating panibaguhin bawat linggo ang ating pangakong “[lumakad] sa panibagong buhay” ( talata 4) sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento. Paano nakatutulong sa iyo ang lingguhang ordenansang ito para maipakita mo ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo sa “gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo’y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus”? ( talata 11).
-
Bakit maaaring piliin ng isang kabataan na sundin ang payo ni Pablo na nakatala sa talata 12 ? Anong mga pagpapala ang dumarating sa ganitong pamumuhay?
-
Ang salitang mga bahagi sa talata 13 ay tumutukoy sa mga parte ng ating katawan. Paano mo magagamit ang iyong mga kamay, paa, ulo, at puso “bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos”? ( talata 13).
-
Mababasa sa Joseph Smith Translation ng unang bahagi ng talata 14 ang, “Sapagkat sa paggawa nito, ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo.” . Paano matatamo ang ipinangako sa talata14 sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turong nakatala sa talata 11–13 ?
Maaari kang mapalaya mula sa kasalanan
Basahin ang Roma 6:16–18, 22–23 , at alamin ang mga pagpapala ng paglalakad sa panibagong buhay.
-
Paano inilarawan ni Pablo ang mga pagpapala ng paglalakad sa panibagong buhay?
-
Habang patuloy mong pinagsisikapang madaig ang kasalanan sa pamamagitan ni Cristo, ano sa palagay mo ang magiging hitsura at pakiramdam ng panibagong buhay kay Jesucristo?
-
Ano ang magagawa mo upang makalakad sa panibagong buhay simula ngayon?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Sa anong mga paraan ako maaaring magbago?
Itinuro ni Sister Becky Craven, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency:
Bilang sukli sa Kanyang hindi matutumbasang kabayaran para sa bawat isa sa atin, hinihiling ng Panginoon sa atin ang pagbabago ng puso. Ang hinihiling Niyang pagbabago mula sa atin ay hindi para sa Kanyang kapakanan, kundi para sa atin. …
Matapos marinig ang mga salita ni Haring Benjamin, ang kanyang mga tao ay sumigaw at nagpahayag na ang kanilang mga puso ay nagbago, at nagwikang, “Dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, … kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti. [Mosias 5:2]. Hindi sinasabi sa mga banal na kasulatan na naging perpekto sila kaagad; sa halip, ang kanilang hangaring magbago ay naghikayat sa kanila na kumilos. Ang ibig sabihin ng pagbabago ng kanilang puso ay paghuhubad ng likas na tao at pagsunod sa Espiritu habang nagsisikap sila na maging higit na katulad ni Jesucristo.
(Becky Craven, “Panatilihin ang Pagbabago,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 58)