Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 12


Kabanata 12

Nakita ni Isaias ang templo ng huling araw, pagtitipon ng Israel, at paghuhukom at kapayapaang pang-milenyo—Ang mga palalo at masasama ay ibababa sa Ikalawang Pagparito—Ihambing sa Isaias 2. Mga 559–545 B.C.

1 Ang salitang napag-alaman ni Isaias, ang anak ni Amos, hinggil sa Juda at Jerusalem:

2 At ito ay mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa tuktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol, at magsisiparoon ang lahat ng bansa.

3 At maraming tao ang magsisiyaon at magsasabi, Halina kayo, at tayo ay umahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kanyang mga daan, at tayo ay magsisilakad sa kanyang mga landas; sapagkat mula sa Sion ay manggagaling ang batas, at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.

4 At siya ang huhukom sa mga bansa, at pagsasabihan ang maraming tao: at kanilang gagawing sudsod ang kanilang mga espada, at mga karit ang kanilang mga sibat—ang bansa ay hindi magtataas ng espada laban sa bansa, ni hindi na sila magsasanay sa digmaan.

5 O sambahayan ni Jacob, halina kayo at tayo ay magsilakad sa liwanag ng Panginoon; oo, halina, sapagkat lahat kayo ay nangaligaw, bawat isa sa kani-kanyang masasamang gawain.

6 Samakatwid, O Panginoon, binayaan ninyo ang inyong mga tao, ang sambahayan ni Jacob, dahil sa sila ay napuspos ng silangan, at nakinig sa mga manghuhula gaya ng mga Filisteo, at kanilang binibigyang-lugod ang kanilang sarili sa mga anak ng mga dayuhan.

7 Ang kanilang lupain ay puno rin ng pilak at ginto, ni walang katapusan ang kanilang mga kayamanan; at ang kanilang lupain ay puno rin ng mga kabayo, ni walang katapusan ang bilang ng kanilang mga karo.

8 Ang kanilang lupain ay puno rin ng mga diyus-diyusan; sinasamba nila ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na gawa ng kanilang sariling mga daliri.

9 At ang taong hamak ay hindi yumuyuko, at ang makapangyarihang tao ay hindi nagpapakumbaba, kaya nga, huwag siyang patawarin.

10 O kayong masasama, pumasok kayo sa malaking bato, at magkubli kayo sa alabok, sapagkat ang takot sa Panginoon at ang kaluwalhatian ng kanyang kamahalan ang babagabag sa inyo.

11 At ito ay mangyayari na ang tinging mapagmataas ng tao ay ibababa, at ang pagmamataas ng mga tao ay payuyukuin, at ang Panginoon lamang ang dadakilain sa araw na yaon.

12 Sapagkat ang araw ng Panginoon ng mga Hukbo ay malapit nang sumapit sa lahat ng bansa, oo, sa lahat; oo, sa palalo at matatayog, at sa lahat ng mapagmataas, at siya ay ibababa.

13 Oo, at sasapit ang araw ng Panginoon sa lahat ng sedro ng Libano, sapagkat sila ay matatayog at matataas; at sa lahat ng encina ng Basan;

14 At sa lahat ng mataas na bundok, at sa lahat ng burol, at sa lahat ng bansang matayog, at sa lahat ng tao;

15 At sa lahat ng mataas na tore, at sa lahat ng nababakurang muog;

16 At sa lahat ng sasakyang-dagat ng dagat, at sa lahat ng sasakyang-dagat ng Tarsis, at sa lahat ng kaaya-ayang tanawin.

17 At ang katayugan ng tao ay iyuyukod, at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa; at ang Panginoon lamang ang dadakilain sa araw na yaon.

18 At ang mga diyus-diyusan ay papawiin niya nang tuluyan.

19 At magtutungo sila sa mga bitak ng malalaking bato, at sa loob ng mga guwang ng lupa, sapagkat ang takot sa Panginoon ay mananaig sa kanila at babagabagin sila ng kaluwalhatian ng kanyang kamahalan, kapag pumarito siya upang labis na payanigin ang mundo.

20 Sa araw na yaon ay itatapon ng tao ang kanyang mga diyus-diyusang pilak, at ang kanyang mga diyus-diyusang ginto, na ginawa niya para sa sarili upang kanyang sambahin, sa mga daga at sa mga paniki;

21 Magtutungo sa mga bitak ng malalaking bato, at sa mga tuktok ng magagaspang na bato, sapagkat ang takot sa Panginoon ay mananaig sa kanila at babagabagin sila ng kamahalan ng kanyang kaluwalhatian, kapag pumarito siya upang labis na payanigin ang mundo.

22 Layuan ninyo ang tao, na ang hininga ay nasa kanyang mga butas ng ilong; sapagkat sa ano siya pahahalagahan?