Kabanata 13
Ang Juda at Jerusalem ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway—Ipagtatanggol at hahatulan ng Panginoon ang kanyang mga tao—Ang mga anak na babae ng Sion ay isusumpa at parurusahan dahil sa kanilang kamunduhan—Ihambing sa Isaias 3. Mga 559–545 B.C.
1 Sapagkat masdan, ang Panginoon, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay aalisin sa Jerusalem, at sa Juda, ang tukod at ang tungkod, ang pangtaguyod na tinapay, at ang buong pangtaguyod na tubig—
2 Ang makapangyarihang lalaki, at ang lalaking mandirigma, ang hukom, at ang propeta, at ang pantas, at ang matanda;
3 Ang kapitan ng limampu, at ang marangal na tao, at ang tagapayo, at ang bihasang manggagawa, at ang dalubhasang mananalumpati.
4 At mga bata ang ibibigay ko sa kanila na maging kanilang mga prinsipe, at pamumunuan sila ng mga sanggol.
5 At magiging api ang mga tao, bawat isa dahil sa iba, at bawat isa dahil sa kanyang kapwa; ang bata ay magpapalalo laban sa matanda, at ang hamak laban sa marangal.
6 Kapag ang lalaki ay hahawak sa kanyang kapatid sa bahay ng kanyang ama, at sasabihin: Ikaw ay may damit, ikaw na ang aming maging pinuno, at huwag mong hayaan ang pagkasirang ito sa ilalim ng pamumuno ng iyong kamay—
7 Manunumpa siya sa araw na iyon, sasabihin: Hindi ako magiging manggagamot; sapagkat sa aking bahay ay wala kahit tinapay ni damit; huwag ninyo akong gawing pinuno ng mga tao.
8 Sapagkat ang Jerusalem ay nawasak, at ang Juda ay bumagsak, dahil ang kanilang mga dila at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon, upang galitin ang mga mata ng kanyang kaluwalhatian.
9 Ang anyo ng kanilang pagmumukha ay sumasaksi laban sa kanila, at itinatanyag ang kanilang mga kasalanan tulad ng Sodoma, at hindi nila ito maitatago. Sa aba sa kanilang mga kaluluwa, sapagkat ginantimpalaan nila ang sarili ng kasamaan!
10 Sabihin sa mga matwid na ito ay makabubuti sa kanila; sapagkat kakainin nila ang bunga ng kanilang mga gawa.
11 Sa aba sa masasama, sapagkat masasawi sila; sapagkat mapapasakanila ang gantimpala ng kanilang mga kamay!
12 At sa aking mga tao, mga bata ang mang-aapi sa kanila, at mga babae ang mamumuno sa kanila. O aking mga tao, ang mga umaakay sa iyo ang siyang nagliligaw sa iyo at sumisira sa iyong mga landas.
13 Ang Panginoon ay tatayo upang magtanggol, at tatayo upang hatulan ang mga tao.
14 Maghuhukom ang Panginoon na kasama ang matatanda ng kanyang mga tao at ang mga prinsipe nila; sapagkat nilamon ninyo ang ubasan, at ang samsam ng maralitang nasa inyong mga tahanan.
15 Ano ang ibig ninyong sabihin? Hinagupit ninyo ang aking mga tao nang pira-piraso, at dinurog ang mukha ng mga maralita, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
16 Bukod dito, wika ng Panginoon: Dahil sa mapagmataas ang mga anak na babae ng Sion, at nagsisilakad na tuwid ang mga leeg at nang-aakit ang mga mata, nagsisilakad at pakendeng-kendeng habang yumayaon at pinatutunog ang mga palamuting nasa kanilang mga paa—
17 Samakatwid, pagnanaknakin ng Panginoon ng langib ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Sion, at huhubaran ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.
18 Sa araw na yaon ay aalisin ng Panginoon ang gayak ng kanilang mga kumakalansing na hiyas, at mga palamuti sa ulo, at mga hiyas na anyong kalahating buwan;
19 Ang mga kuwintas at ang mga pulseras, at ang mga bandana;
20 Ang mga bonete, at ang mga hiyas sa mga binti; at ang mga pamigkis sa ulo, at ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga hikaw;
21 Ang mga singsing, at mga hiyas na pang-ilong;
22 Ang mga pabagu-bagong kasuotan, at ang mga balabal, at ang mga talukbong, at ang mga ipit;
23 Ang mga salamin, at ang maiinam na lino, at ang mga pandong, at ang mga belo.
24 At ito ay mangyayari, sa halip na masamyong halimuyak ay masamang amoy; at sa halip na pamigkis sa baywang ay lubid, at sa halip na maayos na buhok ay pagkapanot; at sa halip na mainam na baluti ay bigkis na yari sa kayong magaspang; hero sa halip na kagandahan.
25 Ang iyong kalalakihan ay mangabubuwal sa pamamagitan ng espada at ang iyong matatapang naman ay sa digmaan.
26 At ang kanyang mga pintuang-bayan ay mananaghoy at magdadalamhati; at mawawasak siya, at guguho sa lupa.