Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 14


Kabanata 14

Ang Sion at ang kanyang mga anak na babae ay tutubusin at lilinisin sa araw ng milenyo—Ihambing sa Isaias 4. Mga 559–545 B.C.

1 At sa araw na yaon, hahawakan ng pitong babae ang isang lalaki, nagsasabing: Kakainin namin ang sarili naming tinapay, at isusuot ang sarili naming damit; tawagin lamang kami sa iyong pangalan upang maalis ang aming kadustaan.

2 Sa araw na yaon, ang sanga ng Panginoon ay magiging maganda at maluwalhati; ang bunga ng lupa ay magaling at kaaya-aya sa mga yaong nakatakas ng Israel.

3 At ito ay mangyayari, na sila na matitira sa Sion at maiiwan sa Jerusalem ay tatawaging banal, ang lahat ng matatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem—

4 Kapag nahugasan na ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Sion, at nalinis na ang dugo ng Jerusalem mula sa gitna nito sa pamamagitan ng diwa ng katarungan at sa pamamagitan ng diwa ng pagkasunog.

5 At ang Panginoon ay gagawa sa lahat ng pook sa bundok ng Sion, at sa lahat ng kanyang pagtitipon, ng isang ulap at usok kung araw at ng liwanag ng isang nagniningas na apoy kung gabi; sapagkat magiging kanlungan sa lahat ang kaluwalhatian ng Sion.

6 At magkakaroon ng isang kulandong na panganlong sa init ng maghapon, at isang pook na kanlungan, at kublihan sa bagyo at ulan.