Kabanata 15
Ang ubasan ng Panginoon (Israel) ay mawawasak, at ikakalat ang Kanyang mga tao—Mamimighati sila sa kanilang nag-apostasiya at nakakalat na katayuan—Ang Panginoon ay magtataas ng sagisag at titipunin ang Israel—Ihambing sa Isaias 5. Mga 559–545 B.C.
1 At doon ako aawit sa aking pinakamamahal ng isang awitin ng aking mahal, na tungkol sa kanyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mayabong na burol.
2 At kanyang binakuran ito, at inalisan ng mga bato, at tinaniman ito ng pinakapiling puno ng ubas, at nagtayo ng isang tore sa gitna niyon, at naglagay rin ng isang pisaan ng ubas; at siya ay umasang magbubunga iyon ng mga ubas, at nagbunga ito ng mga ubas na ligaw.
3 At ngayon, O mga naninirahan sa Jerusalem, at kalalakihan ng Juda, hatulan, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ba ang sukat kong gawin sa aking ubasan na hindi ko pa nagagawa? Anupa’t ang aking inasahang magbunga ng ubas ay nagbunga ng ubas na ligaw.
5 At ngayon, halina, aking sasabihin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan—aking aalisin ang bakod na siit niyon, at ito ay masasalanta; at aking sisirain ang bakod niyon, at ito ay pagtatapakan.
6 At akin itong sisirain; hindi ito pupungusan ni bubungkalin man; subalit magsisitubo ang mga dawag at mga tinik; akin ding uutusan ang mga ulap na huwag nilang ulanan ito ng ulan.
7 Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga Hukbo ang sambahayan ni Israel, at ang kalalakihan ng Juda ang kanyang kaaya-ayang pananim; at siya ay naghangad ng katarungan, at masdan, pagpapahirap; ng katwiran, subalit masdan, pagdaing.
8 Sa aba nila na nangahuhugpong ng bahay sa bahay, hanggang sa wala nang lugar, upang sila ay magsipanirahang mag-isa sa gitna ng lupain!
9 Sa aking mga tainga, winika ng Panginoon ng mga Hukbo, sa katotohanan ay maraming bahay ang masisira, at makapangyarihan at magagandang lungsod ang mawawalan ng naninirahan.
10 Oo, sampung akreng ubasan ay mamumunga ng isang bat, at ang isang homer na binhi ay magbubunga ng isang efa.
11 Sa aba nila na nagsisibangon nang maaga sa umaga, upang maghanap ng nakalalasing na inumin, na patuloy na umiinom hanggang gabi, at pinag-aalab sila ng alak!
12 At ang alpa, at ang lira, ang pandereta, at plawta, at alak ay nasa kanilang mga piging; subalit hindi nila inaalintana ang gawain ng Panginoon, ni hindi rin nila pinapansin ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Samakatwid, ang aking mga tao ay nadala sa pagkabihag, dahil wala silang kaalaman; at ang kanilang mararangal na tao ay nagugutom, at ang kanilang mamamayan ay natutuyo sa pagkauhaw.
14 Samakatwid, pinalalaki ng impiyerno ang kanyang sarili, at ibinubuka ang kanyang bunganga nang pagkalaki-laki; at ang kanilang kaluwalhatian, at kanilang mamamayan, at kanilang kahambugan, at siya na nagsasaya ay bababa roon.
15 At yuyukod ang hamak na tao, at ang makapangyarihang tao ay magpapakumbaba, at ang mga mata ng matatayog ay magpapakumbaba.
16 Subalit ang Panginoon ng mga Hukbo ay dadakilain sa paghuhukom, at ang Diyos na banal ay gagawing banal sa pamamagitan ng katwiran.
17 At doon ay manginginain ang mga kordero ayon sa kanilang nakagisnan, at ang mga sirang dako ng matataba ay kakainin ng mga dayuhan.
18 Sa aba nila na kumakaladkad ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng kapalaluan, at ng kasalanan na tulad ng panali ng kariton.
19 Na nagsasabi: Magmadali siya, madaliin ang kanyang gawain, upang makita natin ito; at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang malaman natin ito.
20 Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!
21 Sa aba sa yaong marurunong sa kanilang sariling mga paningin at mga pantas sa kanilang sariling pananaw!
22 Sa aba sa yaong malalakas uminom ng alak, at malalakas na kalalakihan sa paghahalo ng matatapang na inumin;
23 Na pinawawalang-sala ang masama nang dahil sa suhol, at nagkakait ng katwiran sa kanya na matwid!
24 Samakatwid, kung paano tinutupok ng apoy ang pinaggapasan, at kung paano sinusunog ng ningas ang ipa, ang kanilang mga ugat ay magiging kabulukan, at ang kanilang mga bulaklak ay iilanglang na tulad ng alabok; dahil kanilang itinakwil ang batas ng Panginoon ng mga Hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Samakatwid, nagniningas ang galit ng Panginoon laban sa kanyang mga tao, at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at pinarusahan sila; at nayanig ang mga burol, at ang mga bangkay nila ay nagkalat sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito, ang kanyang galit ay hindi napapawi, datapwat nakaunat pa rin ang kanyang kamay.
26 At siya ay magtataas ng isang sagisag sa mga bansang malalayo, at sisipulan sila buhat sa kadulu-duluhan ng mundo; at masdan, darating sila na lubhang nagmamadali; walang mapapagod, ni matitisod man sa kanila.
27 Walang iidlip ni matutulog man; ni hindi rin mag-aalis ng pamigkis sa kanilang baywang, ni mapapatid ang tali ng kanilang mga pangyapak;
28 Na may matatalim na palaso, at nakaakma ang lahat ng kanilang busog, at ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay matuturing na batong kiskisan, at ang kanilang mga gulong ay gaya ng buhawi, ang kanilang ungol ay gaya ng sa leon.
29 Sila ay magsisiungol tulad ng mga batang leon; oo, uungol sila, at sasakmalin ang huli, at tatangayin, at walang makaaagaw nito.
30 At sa araw na yaon ay uungol sila laban sa kanila tulad ng hugong ng dagat; at kung titingnan nila ang lupain, masdan, kadiliman at kalungkutan, at magdidilim ang liwanag sa kalangitan niyon.