Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 18


Kabanata 18

Si Cristo ay magiging isang batong katitisuran at isang malaking batong pambuwal—Sumangguni sa Panginoon, hindi sa mga humuhuning manghuhula—Bumaling sa batas at sa patotoo para sa patnubay—Ihambing sa Isaias 8. Mga 559–545 B.C.

1 Bukod dito, sinabi sa akin ng salita ng Panginoon: Kumuha ka ng isang malaking balumbon ng papel, at sulatan ito sa pamamagitan ng panulat ng tao, hinggil kay Maher-salalias-baz.

2 At kumuha ako ng mga tapat na saksi upang magtala, si Uria na saserdote, at si Zekarias na anak ni Jeberekias.

3 At nagtungo ako sa propetisa; at naglihi siya at nagsilang ng isang anak na lalaki. Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon: Tawagin siya sa pangalang Maher-salalias-baz.

4 Sapagkat dinggin, hindi pa man natututong magsalita ang bata ng, Ama ko, at ina ko, bago ang mga kayamanan ng Damasco, at ang mga sinamsam ng Samaria ay aagawin sa harapan ng hari ng Asiria.

5 Muli ring nangusap sa akin ang Panginoon, nagsasabing:

6 Yaman din lamang na tinatanggihan ng mga taong ito ang tubig ng Siloa na marahang umaagos, at nangagsasaya kay Resin at sa anak ni Remalias;

7 Ngayon, samakatwid, dinggin, ipadadala ng Panginoon sa kanila ang mga tubig ng ilog, na malakas at bumubugso, maging ang hari ng Asiria at ang kanyang buong kapangyarihan; at aapaw siya sa lahat ng kanyang lagusan, at babaha sa lahat ng kanyang pampang.

8 At magdaraan siya sa Juda; siya ay babaha at aapaw, aabot pa nga siya hanggang sa leeg; at tatakpan ng kanyang mga pakpak ang buong kalawakan ng inyong lupain, O Emmanuel.

9 Magsama-sama kayo, O kayong mga tao, at kayo ay magkakawatak-watak; at makinig kayong lahat na nasa malalayong bansa; mangagbigkis kayo, at kayo ay magkakawatak-watak; mangagbigkis kayo, at kayo ay magkakawatak-watak.

10 Magsanggunian kayo, at mawawalang-saysay ito; magsalita kayo at hindi ito mangyayari; sapagkat sumasaamin ang Diyos.

11 Sapagkat nangusap ang Panginoon ng ganito sa akin sa pamamagitan ng malakas na kamay, at inatasan ako na huwag akong susunod sa mga yapak ng mga taong ito, nagsasabing:

12 Huwag ninyong sabihin, Isang pagsasabwatan, sa lahat ng sasabihin ng mga taong ito, Isang pagsasabwatan; huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan, ni mangamba.

13 Itanyag ang Panginoon ng mga Hukbo, at sa kanya kayo matakot, at sa kanya kayo mangilabot.

14 At siya ay magiging santuwaryo; ngunit batong katitisuran, at isang malaking batong pambuwal sa dalawang sambahayan ni Israel, bilang isang bitag at isang silo sa mga naninirahan sa Jerusalem.

15 At marami sa kanila ang matitisod at mabubuwal, at masasaktan, at masisilo, at mahuhuli.

16 Ingatan ang patotoo, tatakan ang batas sa aking mga disipulo.

17 At maghihintay ako sa Panginoon, na ikinukubli ang kanyang mukha sa sambahayan ni Jacob, at hahanapin ko siya.

18 Dinggin, ako at ang aking mga anak na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ay mga palatandaan at kababalaghan sa Israel mula sa Panginoon ng mga Hukbo, na nananahan sa Bundok ng Sion.

19 At kapag sasabihin nila sa inyo: Sumangguni sa kanila na mga kumakausap sa mga espiritu, at sa mga manghuhulang nagsisihuni at nagsisibulong—hindi ba marapat na ang Diyos ang sanggunian ng tao, upang makarinig ang mga buhay mula sa mga patay?

20 Sa batas at patotoo; at kung hindi sila magsasalita nang naaayon sa salitang ito, ito ay dahil sa wala ang liwanag sa kanila.

21 At sila ay magsisidaan doon na higit na nanlulupaypay at nagugutom; at ito ay mangyayari na kapag nagutom sila, sila na rin ay mayayamot, at isusumpa ang kanilang hari at ang kanilang Diyos, at titingala.

22 At titingin sila sa lupa at mamamasdan ang kaligaligan, at kadiliman, karimlan ng pagkahapis, at itataboy sila sa kadiliman.