Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 20


Kabanata 20

Ang pagkawasak ng Asiria ay sagisag ng magiging pagkalipol ng masasama sa Ikalawang Pagparito—Kakaunting tao ang maiiwan matapos ang muling pagparito ng Panginoon—Sa araw na yaon ay magbabalik ang mga labi ni Jacob—Ihambing sa Isaias 10. Mga 559–545 B.C.

1 Sa aba nila na nag-uutos ng masasamang utos, at yaong sumusulat ng kasuwailan na kanilang ipinapayo;

2 Upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan, at alisan ng karapatan ang mga maralita ng aking mga tao, upang ang mga babaeng balo ay kanilang madambungan, at upang kanilang manakawan ang mga ulila!

3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng kaparusahan, at sa pagkawasak na darating mula sa malayo? Kanino kayo tatakbo upang humingi ng tulong? At saan ninyo iiwan ang inyong kayamanan?

4 Kung wala ako ay yuyukod silang kasama ng mga bihag, at mabubuwal silang kasama ng mga napatay. Sa lahat ng ito, ang kanyang galit ay hindi napapawi, datapwat nakaunat pa rin ang kanyang kamay.

5 O mga taga-Asiria, na pamalo ng aking galit, at ang tungkod sa kanilang mga kamay ay kanilang pagkapoot.

6 Ipadadala ko siya laban sa isang mapagkunwaring bansa, at isusugo ko siya laban sa mga taong aking kinapopootan upang manamsam, at upang kunin ang nadambong, at upang yapakan sila na tulad ng luwad sa mga lansangan.

7 Subalit hindi lamang gayon ang kanyang ninanais, ni hindi lamang gayon ang saloobin ng kanyang puso; kundi nasa puso niya ang mangwasak at maghiwalay ng hindi kakaunting mga bansa.

8 Sapagkat winika niya: Hindi ba’t mga hari ang lahat ng aking prinsipe?

9 Hindi ba’t ang Calno ay katulad ng Carchemis? Hindi ba’t ang Hamath ay katulad ng Arpad? Hindi ba’t ang Samaria ay katulad ng Damasco?

10 Tulad ng pagtatag ng aking kamay sa mga kaharian ng mga diyus-diyusan, at ang kanilang mga nililok na larawan ay nahigitan ang mga yaong nasa Jerusalem at Samaria;

11 Hindi ko ba gagawin ang tulad ng aking ginawa sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyusan, sa Jerusalem at sa kanyang mga diyus-diyusan?

12 Anupa’t ito ay mangyayari na sa sandaling naisagawa ng Panginoon ang kanyang buong gawain sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem, parurusahan ko ang bunga ng mapusok na puso ng hari ng Asiria, at ang kapalaluan ng kanyang mapagmataas na tingin.

13 Sapagkat sinasabi niya: Sa pamamagitan ng lakas ng aking kamay at sa pamamagitan ng aking karunungan ay nagawa ko ang mga bagay na ito; sapagkat ako ay marunong; at aking isinulong ang mga hangganan ng mga mamamayan, at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan, at inilugmok ko ang mga naninirahan tulad ng isang magiting na lalaki;

14 At natagpuan ng aking kamay ang mga kayamanan ng mga tao na tulad sa isang pugad; at tulad ng pagtitipon ng mga itlog na natira ay tinipon ko ang buong mundo; at walang sinuman ang naggalaw ng pakpak, o nagbuka ng bibig, o sumiyap.

15 Makapagmamayabang din ba ang palakol laban sa kanya na gumagamit niyon? Makapagmamalaki rin ba ang lagari laban sa kanya na humahawak niyon? Na para bang makahahampas din ang pamalo laban sa kanila na nagtataas niyon, o para bang makatatayo rin ang tungkod na tila hindi ito kahoy!

16 Samakatwid, ang Panginoon, ang Panginoon ng mga Hukbo, ay magpapadala sa kanyang matataba ng kapayatan; at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay kanyang paliliyabin ang ningas tulad ng pagniningas ng apoy.

17 At ang liwanag ng Israel ay magiging tulad ng apoy, at ang kanyang Banal ay tulad ng ningas, at mag-aalab at tutupukin ang kanyang mga tinikan at dawagan sa isang araw;

18 At tutupukin ang yaman ng kanyang gubat, at ng kanyang mayabong na taniman, kapwa kaluluwa at katawan; at sila ay magiging tulad ng nagdadala ng watawat kapag nanlulupaypay.

19 At ang nalalabing punungkahoy ng kanyang gubat ay kakaunti, na mabibilang ang mga ito ng isang bata.

20 At ito ay mangyayari sa araw na yaon, na ang labi ng Israel, at ang mga yaong nakatakas sa sambahayan ni Jacob, ay hindi na muling mananalig sa kanya na nananakit sa kanila, kundi mananalig sa Panginoon, ang Banal ng Israel, sa katotohanan.

21 Magbabalik ang labi, oo, maging ang labi ni Jacob, sa makapangyarihang Diyos.

22 Sapagkat bagama’t ang inyong mga tao sa Israel ay kasindami ng buhangin sa dagat, gayunpaman, magbabalik ang labi nila; ang itinakdang pagkalipol ay aapaw sa katwiran.

23 Sapagkat magtatakda ng paglilipol ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo, maging sa buong lupain.

24 Samakatwid, ganito ang wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: O, aking mga tao na nananahan sa Sion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria; hahampasin niya kayo ng isang pamalo, at magtataas siya ng tungkod laban sa inyo, ayon sa nakaugalian sa Egipto.

25 Sapagkat sandaling-sandali na lamang, at magwawakas na ang kapootan, at ang aking galit sa kanilang pagkawasak.

26 At ang Panginoon ng mga Hukbo ay magpupukaw ng isang pagpapahirap alinsunod sa pagkakatay sa Media sa malaking bato ng Horeb; at tulad ng pagtataas ng kanyang tungkod sa dagat, sa gayon din niya itataas ito ayon sa nakaugalian sa Egipto.

27 At ito ay mangyayari na sa araw na yaon ay maaalis ang pasaning nakaatang sa kanyang balikat, at ang kanyang pamatok mula sa kanyang leeg, at mawawasak ang pamatok dahil sa pagpapahid ng langis.

28 Dumating siya sa Aiat, nagdaan siya sa Migron; sa Mikmas ay iniwan niya ang kanyang mga karo.

29 Nakaraan na sila sa tawiran; nagpahinga sila sa Gebas; natakot ang Ramat; tumakas ang Gibeas ni Saul.

30 Humiyaw nang malakas, O anak na babae ni Galim; iparinig ito sa Lais, o kaawa-awang Anatot.

31 Wala nang tao sa Madmena; nagtipun-tipon ang mga naninirahan sa Gabim upang tumakas.

32 Gayunman, mananatili siya sa Nob sa araw na iyon; iwawasiwas niya ang kanyang kamay laban sa bundok ng anak na babae ng Sion, ang burol ng Jerusalem.

33 Dinggin, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga Hukbo, ang mga sanga sa pamamagitan ng pagsindak; at ibubuwal ang matatayog, at ang mapagmataas ay ibababa.

34 At tatabasin niya ang kasukalan ng kagubatan sa pamamagitan ng bakal, at babagsak ang Libano sa pamamagitan ng makapangyarihan.