Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 21


Kabanata 21

Maghahatol ang sanga ni Jesse (Cristo) sa katwiran—Ang kaalaman sa Diyos ay babalot sa mundo sa Milenyo—Magtataas ng isang sagisag ang Panginoon at titipunin ang Israel—Ihambing sa Isaias 11. Mga 559–545 B.C.

1 At may lalabas na isang usbong sa puno ni Jesse, at tutubo ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.

2 At mapapasakanya ang Espiritu ng Panginoon, ang diwa ng karunungan at pang-unawa, ang diwa ng pagpapayo at kapangyarihan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;

3 At mabilis niyang mauunawaan ang pagkakaroon ng takot sa Panginoon; at hindi siya hahatol alinsunod sa nakikita ng kanyang mga mata, ni hindi rin sasaway alinsunod sa naririnig ng kanyang mga tainga.

4 Subalit hahatulan niya ang mga maralita nang may katwiran, at sasawayin ang maaamo ng mundo nang may katarungan; at hahampasin niya ang mundo gamit ang pamalo ng kanyang bibig, at gamit ang hininga ng kanyang mga labi ay papatayin niya ang masasama.

5 At katwiran ang magiging bigkis ng kanyang baywang, at katapatan ang bigkis ng balakang.

6 Mananahan din ang lobo na kasama ang kordero, at mahihiga ang leopardo na kasama ang batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama; at aakayin sila ng isang maliit na bata.

7 At manginginain ang baka at ang oso; ang kanilang mga anak ay sama-samang mahihiga; at kakain ng dayami ang leon na tulad ng baka.

8 At ang pasusuhing bata ay maglalaro sa lungga ng ahas, at ipapasok ng sanggol na kaaawat pa lamang ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.

9 Hindi sila mananakit ni maninira sa lahat ng aking banal na bundok, sapagkat mapupuno ang mundo ng kaalaman sa Panginoon, tulad ng pagkapuno ng mga tubig sa dagat.

10 At sa araw na yaon ay sisibol ang isang ugat ni Jesse, na tatayong sagisag sa mga tao; hahanapin ito ng mga Gentil; at magiging maluwalhati ang kanyang katiwasayan.

11 At ito ay mangyayari sa araw na yaon na itataas na muli ng Panginoon ang kanyang kamay sa ikalawang pagkakataon upang maibalik ang labi ng kanyang mga tao na matitira, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa Patros, at mula sa Cus, at mula sa Elam, at mula sa Sinar, at mula sa Jamat, at mula sa mga pulo ng dagat.

12 At magtataas siya ng sagisag para sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at sama-samang titipunin ang mga nagkalat ng Juda mula sa apat na sulok ng mundo.

13 At ang inggit ng Ephraim ay maaalis din, at ihihiwalay ang mga kaaway ng Juda; hindi na maiinggit ang Ephraim sa Juda, at hindi na liligaligin ng Juda ang Ephraim.

14 Kundi lulusob sila sa mga balikat ng mga Filisteo tungo sa kanluran; sama-sama nilang sasamsamin ang mga taga-silangan; at pagbubuhatan nila ng kanilang kamay ang Edom at Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.

15 At lubusang patutuyuin ng Panginoon ang dila ng dagat Egipto; at sa pamamagitan ng kanyang malakas na hangin ay iwawasiwas niya ang kanyang kamay sa ilog, at hahampasin niya sa pitong batis, at palalakarin niya ang mga tao na hindi basa ang sapin sa paa.

16 At magkakaroon ng lansangan para sa mga labi ng kanyang mga tao na matitira, mula sa Asiria, tulad ng sa Israel sa araw na sila ay lumabas mula sa lupain ng Egipto.