Kabanata 23
Ang pagkawasak ng Babilonia ay sagisag ng pagkawasak sa Ikalawang Pagparito—Ito ay magiging araw ng kapootan at paghihiganti—Ang Babilonia (ang daigdig) ay tuluyang babagsak magpakailanman—Ihambing sa Isaias 13. Mga 559–545 B.C.
1 Ang babala sa Babilonia, na nakita ni Isaias na anak ni Amos.
2 Magtaas ka ng bandila sa mataas na bundok, sumigaw sa kanila, iwasiwas ang kamay, upang makapasok sila sa mga pintuan ng mga maharlika.
3 Inutusan ko ang aking mga itinalaga, tinawag ko rin ang aking mga makapangyarihan, sapagkat ang aking galit ay wala sa kanila na mga nagsasaya sa aking kamahalan.
4 Ang ingay ng maraming tao sa mga bundok ay tulad ng isang dakilang bansa, isang nagkakagulong ingay ng mga kaharian ng mga bansang nagtipun-tipon, kinakalap ng Panginoon ng mga Hukbo ang mga hukbo ng digmaan.
5 Nagmumula sila sa malayong bansa, mula sa hangganan ng langit, oo, ang Panginoon, at ang mga sandata ng kanyang poot, upang wasakin ang buong lupain.
6 Magsiungol kayo, sapagkat nalalapit na ang araw ng Panginoon; darating ito bilang isang pagwasak mula sa Pinakamakapangyarihan.
7 Samakatwid, manghihina ang lahat ng kamay, manlulumo ang puso ng bawat tao;
8 At matatakot sila; matinding kirot at kalungkutan ang daranasin nila; magugulat sila sa isa’t isa; waring magliliyab ang kanilang mga mukha.
9 Dinggin, nalalapit na ang araw ng Panginoon, malupit na may poot at masidhing galit, upang wasakin ang lupain; at lilipulin niya ang mga makasalanang naroon.
10 Sapagkat ang mga bituin sa langit at ang mga kaningningan niyon ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag; magdidilim ang araw sa kanyang pagsikat, at hindi magbibigay ng kanyang liwanag ang buwan.
11 At parurusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan, at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan; aking patitigilin ang kahambugan ng mga palalo, at aking ibababa ang pagmamataas ng malulupit.
12 Gagawin kong higit na mahalaga ang tao kaysa lantay na ginto; maging ang isang tao kaysa sa gintong sinsel ng Ofir.
13 Samakatwid, yayanigin ko ang kalangitan, at maaalis ang lupa sa kanyang kinalalagyan, dahil sa kapootan ng Panginoon ng mga Hukbo, at sa araw ng kanyang masidhing galit.
14 At matutulad ito sa usang hinahabol, at tulad ng isang tupang walang nag-aalaga; at magbabalik ang bawat isa sa kani-kanyang bayan, at tatakas ang bawat isa sa kani-kanyang lupain.
15 Ang bawat palalo ay sisibatin; oo, at ang bawat isang aanib sa masama ay babagsak sa pamamagitan ng espada.
16 Ang kanilang mga anak ay pagluluray-lurayin din sa harapan ng kanilang mga mata; pagnanakawan ang kanilang mga tahanan at gagahasain ang kanilang mga asawa.
17 Dinggin, aking pupukawin ang mga taga-Media laban sa kanila, na hindi magpapakundangan sa pilak at ginto, ni hindi sila malulugod dito.
18 Luluray-lurayin din ng kanilang mga busog ang mga kabataang lalaki; at mawawalan sila ng awa sa bunga ng sinapupunan; hindi patatawarin ng kanilang mga mata ang mga bata.
19 At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang gandang ipinagmamalaki ng mga Caldeo, ay magagaya sa pagwasak ng Diyos sa Sodoma at Gomorra.
20 Hindi na ito matitirahan, ni hindi pananahanan sa bawat sali’t salinlahi: ni hindi na ito tatayuan ng tolda ng taga-Arabia; ni hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Sa halip, ang mababangis na hayop ng ilang ang mahihiga roon; at mapupuno ang kanilang mga tahanan ng mga hayop na nagsisiungol; at mamamahay roon ang mga kuwago, at magluluksuhan doon ang mababangis na kambing.
22 At magsisiungol ang mababangis na hayop ng mga pulo sa kanilang mapapanglaw na tahanan, at mga dragon sa kanilang maririkit na palasyo; at nalalapit na ang kanyang panahon, at hindi na pahahabain ang kanyang mga araw. Sapagkat mabilis ko siyang wawasakin; oo, sapagkat magiging maawain ako sa aking mga tao, subalit masasawi ang masasama.