Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 26


Kabanata 26

Si Cristo ay magmiministeryo sa mga Nephita—Nakita ni Nephi sa pangitain ang pagkalipol ng kanyang mga tao—Magsasalita sila mula sa alabok—Ang mga Gentil ay magtatayo ng mga huwad na simbahan at lihim na pagsasabwatan—Pinagbabawalan ng Panginoon ang mga tao na magsagawa ng mga huwad na pagkasaserdote. Mga 559–545 B.C.

1 At matapos na bumangon mula sa mga patay si Cristo ay ipakikita niya ang kanyang sarili sa inyo, aking mga anak, at aking mga minamahal na kapatid; at ang mga salitang sasabihin niya sa inyo ay magiging batas na inyong gagawin.

2 Sapagkat dinggin, sinasabi ko sa inyo na namasdan kong lilipas ang maraming salinlahi, at magkakaroon ng malalaking digmaan at alitan sa aking mga tao.

3 At matapos pumarito ang Mesiyas ay may ibibigay na mga palatandaan sa aking mga tao hinggil sa kanyang pagsilang, at gayundin sa kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli; at magiging dakila at kakila-kilabot ang araw na yaon sa masasama, sapagkat masasawi sila; at masasawi sila sapagkat ipinagtabuyan nila ang mga propeta, at ang mga banal, at binato sila, at pinatay sila; kaya nga, ang pagsusumamo ng dugo ng mga banal ay papailanglang sa Diyos mula sa lupa laban sa kanila.

4 Anupa’t lahat ng yaong palalo, at gumagawa ng kasamaan, ang araw na darating ay susunugin sila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, sapagkat matutulad sila sa pinaggapasan.

5 At sila na pumapatay sa mga propeta, at sa mga banal, lulunukin sila ng kailaliman ng mundo, wika ng Panginoon ng mga Hukbo; at tatakpan sila ng mga bundok, at tatangayin silang palayo ng mga buhawi, at mababagsakan sila ng mga gusali at dudurugin sila nang pira-piraso at gigilingin sila hanggang maging alabok.

6 At dadalawin sila ng mga pagkulog, at mga pagkidlat, at mga paglindol, at lahat ng uri ng pagkawasak, sapagkat ang apoy ng galit ng Panginoon ay mag-aalab laban sa kanila, at magiging tulad sila ng pinaggapasan, at ang araw na darating ay tutupok sa kanila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

7 O ang pasakit, at ang pagdadalamhati ng aking kaluluwa dahil sa pagkalipol ng aking mga taong napatay! Sapagkat ako, si Nephi, ay nakita ito, at halos matunaw ako sa harapan ng Panginoon; subalit kailangan kong ipahayag sa aking Diyos: Makatarungan ang inyong pamamaraan.

8 Subalit dinggin, ang mga matwid na nakikinig sa mga salita ng mga propeta, at hindi sila lilipulin, bagkus ay naghihintay kay Cristo nang may katatagan para sa mga palatandaang ibinigay, sa kabila ng lahat ng pag-uusig—dinggin, sila ang mga yaong hindi masasawi.

9 Bagkus, ang Anak ng Kabutihan ay magpapakita sa kanila; at kanyang pagagalingin sila, at magkakaroon sila ng kapayapaan sa kanya, hanggang sa lumipas ang tatlong salinlahi, at marami sa ikaapat na salinlahi ang papanaw sa katwiran.

10 At kapag lumipas na ang mga bagay na ito ay isang mabilis na pagkalipol ang sasapit sa aking mga tao; sapagkat sa kabila ng mga pasakit ng aking kaluluwa, ay nakita ko ito; anupa’t nalalaman ko na ito ay mangyayari; at ipinagbili nila ang kanilang sarili sa walang kabuluhan; sapagkat, dahil sa gantimpala ng kanilang kapalaluan at kanilang kahangalan ay aani sila ng pagkalipol; sapagkat nagpadaig sila sa diyablo at pinili ang mga gawain ng kadiliman kaysa liwanag, kaya nga, tiyak na mahuhulog sila sa impiyerno.

11 Sapagkat hindi tuwinang nananatili sa tao ang Espiritu ng Panginoon. At kapag tumigil ang Espiritu sa pananatili sa tao ay sasapit ang mabilis na pagkalipol, at ito ang ipinagdaramdam ng aking kaluluwa.

12 At tulad ng aking sinabi hinggil sa pagpapaniwala sa mga Judio na si Jesus ang tunay na Cristo, talagang kinakailangang mapaniwala rin ang mga Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan;

13 At na ipinakikita niya ang kanyang sarili sa lahat ng yaong naniniwala sa kanya, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; oo, sa bawat bansa, lahi, wika, at tao, gumagawa ng mga makapangyarihang himala, palatandaan, at kababalaghan, sa mga anak ng tao alinsunod sa kanilang pananampalataya.

14 Subalit dinggin, nagpopropesiya ako sa inyo hinggil sa mga huling araw; hinggil sa mga araw na isisiwalat ng Panginoong Diyos ang mga bagay na ito sa mga anak ng tao.

15 Matapos na manghina sa kawalang-paniniwala ang aking mga binhi at ang mga binhi ng aking mga kapatid, at pahirapan ng mga Gentil; oo, matapos humimpil ang Panginoong Diyos laban sa kanila sa palibot, at kubkubin sila ng bunton ng lupa, at magtayo ng mga kuta laban sa kanila; at matapos ibaba sila sa alabok, hanggang sa sila ay malipol, gayunpaman, masusulat ang mga salita ng mga matwid, at maririnig ang mga panalangin ng matatapat, at ang lahat ng yaong nanghina sa kawalang-paniniwala ay hindi malilimutan.

16 Sapagkat ang mga yaong malilipol ay magsasalita sa kanila mula sa lupa, at ang kanilang pananalita ay manggagaling sa alabok, at ang kanilang tinig ay tulad sa yaong nakikipag-usap sa mga espiritu; sapagkat bibigyan siya ng Panginoong Diyos ng kapangyarihan na makabulong siya hinggil sa kanila; maging sa ito ay mula pa sa lupa; at ang kanilang pananalita ay bubulong mula sa alabok.

17 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Isusulat nila ang mga bagay na ginawa sa kanila, at masusulat ang mga ito at tatatakan sa isang aklat, at ang mga ito ay hindi mapapasakamay ng mga yaong nanghina sa kawalang-paniniwala, sapagkat hinahangad nilang wasakin ang mga bagay ng Diyos.

18 Anupa’t yamang ang mga yaong nalipol ay mabilis na nalipol; at ang marami sa kanilang mga kakila-kilabot ay matutulad sa ipang inilipad ng hangin—oo, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Ito ay magiging biglaan, madalian—

19 At ito ay mangyayari, na ang mga yaong nanghina sa kawalang-paniniwala ay pahihirapan sa pamamagitan ng kamay ng mga Gentil.

20 At ang mga Gentil ay maaangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, at mangatitisod, dahil sa kalakihan ng kanilang batong kinatitisuran, kung kaya’t nagtayo sila ng maraming simbahan; gayunpaman, itinatanggi nila ang kapangyarihan at ang mga himala ng Diyos, at ipinangangaral sa kanilang sarili ang sarili nilang karunungan at kaalaman, upang makakuha sila ng pakinabang at hamakin ang mga maralita.

21 At maraming simbahan ang itinayo na pinagmumulan ng mga inggitan, at sigalutan, at masasamang hangarin.

22 At may mga lihim ding pagsasabwatan, maging tulad noong sinaunang panahon, alinsunod sa pagsasabwatan ng diyablo, sapagkat siya ang tagapagtatag ng lahat ng bagay na ito; oo, ang tagapagtatag ng pagpaslang, at mga gawain ng kadiliman; oo, at kanya silang hinihila sa kanilang leeg sa pamamagitan ng de-ilong lubid, hanggang sa maigapos niya sila ng kanyang matitibay na lubid magpakailanman.

23 Sapagkat dinggin, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang Panginoong Diyos ay hindi gumagawa sa kadiliman.

24 Hindi siya gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya. Samakatwid, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang pagliligtas.

25 Dinggin, sumisigaw ba siya sa sinuman, sinasabing: Lumayo sa akin? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi sinasabi niya: Magsilapit sa akin lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, bumili ng gatas at pulot, nang walang salapi at walang bayad.

26 Dinggin, nag-utos ba siya sa sinuman na lumabas sa sinagoga, o lumabas sa mga bahay-sambahan? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi.

27 Nag-utos ba siya sa sinuman na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi malaya niya itong ibinibigay sa lahat ng tao; at inutusan niya ang kanyang mga tao na nararapat nilang hikayatin ang lahat ng tao na magsisi.

28 Dinggin, nag-utos ba ang Panginoon sa sinuman na hindi sila makababahagi ng kanyang kabutihan? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi lahat ng tao ay may pribilehiyo, ang isa tulad ng iba, at walang pinagbabawalan.

29 Ipinag-utos niyang hindi dapat magkaroon ng huwad na pagkasaserdote; sapagkat dinggin, ang huwad na pagkasaserdote ay yaong mangaral ang mga tao at itayo ang kanilang sarili bilang tanglaw ng sanlibutan, upang makakuha sila ng pakinabang at papuri ng sanlibutan; subalit hindi nila hinahangad ang kapakanan ng Sion.

30 Dinggin, ipinagbabawal ng Panginoon ang bagay na ito; anupa’t ang Panginoong Diyos ay nagbigay ng isang kautusan na dapat magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang lahat ng tao, kung aling pag-ibig sa kapwa-tao ay pagmamahal. At kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao, sila ay walang silbi. Anupa’t kung mayroon silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi nila pahihintulutang masawi ang manggagawa sa Sion.

31 Subalit ang manggagawa sa Sion ay gagawa para sa Sion; sapagkat kung gagawa sila para sa salapi, sila ay masasawi.

32 At muli, ipinag-uutos ng Panginoong Diyos na hindi dapat pumaslang ang mga tao; na hindi sila dapat magsinungaling; na hindi sila dapat magnakaw; na hindi nila dapat gamitin ang pangalan ng Panginoon nilang Diyos sa walang kabuluhan; na hindi sila dapat mainggit; na hindi sila dapat maghangad ng masama sa kapwa; na hindi sila dapat makipagtalo sa isa’t isa; na hindi sila dapat gumawa ng pagpapatutot; at hindi nila dapat gawin ang alinman sa mga bagay na ito; sapagkat ang sinumang gagawa ng mga yaon ay masasawi.

33 Sapagkat wala sa mga kasamaang ito ang nanggagaling sa Panginoon; sapagkat ginagawa niya ang yaong makabubuti sa mga anak ng tao; at wala siyang ginagawa maliban sa ito ay madaling maunawaan ng mga anak ng tao; at inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya, maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; at naaalaala niya ang mga hindi binyagan; at pantay-pantay ang lahat sa Diyos, kapwa Judio at Gentil.