Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 27


Kabanata 27

Mababalutan ang mundo ng kadiliman at apostasiya sa mga huling araw—Ang Aklat ni Mormon ay lalabas—Tatlong saksi ang magpapatotoo sa aklat—Sasabihin ng taong marunong na hindi niya mababasa ang aklat na tinatakan—Gagawa ang Panginoon ng isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain—Ihambing sa Isaias 29. Mga 559–545 B.C.

1 Subalit dinggin, sa mga huling araw, o sa mga araw ng mga Gentil—oo, dinggin, lahat ng bansa ng mga Gentil at gayundin ng mga Judio, kapwa ang mga yaong darating sa lupaing ito at yaong nasa mga ibang lupain, oo, maging sa lahat ng lupain sa mundo, dinggin, malalango sila sa kasamaan at sa lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain—

2 At kapag dumating ang araw na yaon, dadalawin sila ng Panginoon ng mga Hukbo, sa pamamagitan ng kulog at lindol, at labis na kaingayan, at unos, at bagyo, at alab ng nagniningas na apoy.

3 At lahat ng bansang kumakalaban sa Sion, at yaong bumabagabag sa kanya, ay matutulad sa isang panaginip ng isang pangitain sa gabi; oo, magiging gayon ito sa kanila, maging tulad ng isang taong nagugutom na nananaginip, at dinggin, kumakain siya subalit siya ay nagising at walang laman ang kanyang kaluluwa; o tulad ng isang taong nauuhaw na nananaginip, at dinggin, umiinom siya subalit siya ay nagising at dinggin, nahihilo siya, at nananabik ang kanyang kaluluwa; oo, gayundin ang mangyayari sa maraming tao ng lahat ng bansang kumakalaban sa Bundok ng Sion.

4 Sapagkat dinggin, lahat kayong gumagawa ng kasamaan, magsitigil kayo at manggilalas, sapagkat kayo ay magsisigawan, at mananangis; oo, malalango kayo subalit hindi sa alak, magpapasuray-suray kayo subalit hindi sa matapang na inumin.

5 Sapagkat dinggin, ibinuhos ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog. Sapagkat dinggin, ipinikit ninyo ang inyong mga mata, at itinakwil ninyo ang mga propeta; at ang inyong mga tagapamahala, at ang mga tagakita ay kanyang itinago dahil sa inyong kasamaan.

6 At ito ay mangyayari na isisiwalat sa inyo ng Panginoong Diyos ang mga salita ng isang aklat, at ang mga ito ang mga salita ng mga yaong nagsitulog.

7 At dinggin, ang aklat ay tatatakan; at ang nasusulat sa aklat ay magiging paghahayag mula sa Diyos, mula sa simula ng daigdig hanggang sa katapusan niyon.

8 Anupa’t dahil sa mga bagay na tinatakan, ang mga bagay na tinatakan ay hindi ibibigay sa araw ng kasamaan at karumal-dumal na gawain ng mga tao. Kaya nga, itatago ang aklat mula sa kanila.

9 Subalit ang aklat ay ibibigay sa isang lalaki, at kanyang ibibigay ang mga salita ng aklat na mga salita ng yaong nagsitulog sa alabok, at ibibigay niya ang mga salitang ito sa iba;

10 Subalit ang mga salitang tinatakan ay hindi niya ibibigay, ni hindi niya ibibigay ang aklat. Sapagkat tinatakan ang aklat ng kapangyarihan ng Diyos, at ang paghahayag na tinatakan ay iingatan sa aklat hanggang sa sumapit ang sariling takdang panahon ng Panginoon, upang ang mga ito ay lumabas; sapagkat dinggin, ipinahahayag ng mga ito ang lahat ng bagay mula sa pagkakatatag ng daigdig hanggang sa katapusan niyon.

11 At darating ang araw na ang mga salita ng aklat na tinatakan ay babasahin sa mga bubungan; at ang mga ito ay mababasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo; at ang lahat ng bagay ay ipahahayag sa mga anak ng tao kung anuman ang nangyari na sa mga anak ng tao, at kung anuman ang mangyayari pa hanggang sa katapusan ng mundo.

12 Anupa’t sa araw na yaon, kapag ibibigay ang aklat sa lalaking yaon na aking sinabi, itatago ang aklat sa paningin ng sanlibutan, upang walang mga mata ang makamamalas nito maliban sa tatlong saksi na makamamalas nito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, bukod sa kanya kung kanino ibibigay ang aklat; at magpapatotoo sila sa katotohanan ng aklat at ng mga bagay na nilalaman niyon.

13 At wala nang ibang makamamalas nito, maliban sa ilan alinsunod sa kalooban ng Diyos, upang magbigay ng patotoo sa kanyang salita sa mga anak ng tao; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi na ang mga salita ng matatapat ay magsasalita na para bang mula sa mga patay.

14 Samakatwid, ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na ipahayag ang mga salita ng aklat; at sa pamamagitan ng bibig ng kasindami ng mga saksing inaakala niyang makabubuti ay pagtitibayin niya ang kanyang salita; at sa aba niya na tatanggi sa salita ng Diyos!

15 Subalit dinggin, ito ay mangyayari na sasabihin ng Panginoong Diyos sa kanya na pagbibigyan niya ng aklat: Kunin mo ang mga salitang ito na hindi tinatakan at ibigay ang mga ito sa ibang tao, upang maipakita niya ang mga yaon sa taong marunong, sinasabing: Basahin ito, isinasamo ko sa iyo. At sasabihin ng marunong: Dalhin mo rito ang aklat, at babasahin ko yaon.

16 At ngayon, dahil sa papuri ng sanlibutan, at upang makakuha ng pakinabang ay kanila itong sasabihin, at hindi para sa kaluwalhatian ng Diyos.

17 At sasabihin ng lalaki: Hindi ko madadala ang aklat, sapagkat ito ay tinatakan.

18 Pagkatapos, sasabihin ng marunong: Hindi ko ito mababasa.

19 Anupa’t ito ay mangyayari na muling ibibigay ng Panginoong Diyos ang aklat at ang mga salita niyon sa kanya na hindi marunong; at sasabihin ng lalaking hindi marunong: Hindi ako marunong.

20 Pagkatapos, sasabihin sa kanya ng Panginoong Diyos: Hindi yaon mababasa ng marunong, sapagkat yaon ay tinanggihan niya, at may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain; kaya nga, babasahin mo ang mga salitang ibibigay ko sa iyo.

21 Huwag galawin ang mga bagay na tinatakan, sapagkat ilalabas ko ang mga ito sa aking sariling takdang panahon; sapagkat isisiwalat ko sa mga anak ng tao na may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain.

22 Anupa’t kapag nabasa mo na ang mga salitang aking iniutos sa iyo, at matanggap ang mga saksing ipinangako ko sa iyo, saka mo na tatatakang muli ang aklat, at ikukubli iyon ayon sa akin, upang aking mapangalagaan ang mga salitang hindi mo nabasa, hanggang sa makita ko sa aking sariling karunungan na nararapat nang ipahayag ang lahat ng bagay sa mga anak ng tao.

23 Sapagkat dinggin, ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay ako rin kahapon, ngayon, at magpakailanman; at hindi ako gumagawa sa mga anak ng tao maliban kung ito ay naaayon sa kanilang pananampalataya.

24 At muli, ito ay mangyayari na sasabihin ng Panginoon sa kanya na babasa sa mga salitang ibibigay sa kanya:

25 Yamang ang mga taong ito ay lumalapit sa akin sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang mga labi, samantalang inilayo ang kanilang mga puso sa akin, at ang kanilang pagkatakot sa akin ay itinuro ng mga tuntunin ng tao—

26 Samakatwid, magpapatuloy akong gumawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga taong ito, oo, isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain, sapagkat ang karunungan ng kanilang matatalino at marurunong ay mapapawi, at ang pang-unawa ng kanilang mahinahon ay malilingid.

27 At sa aba nila na magtatangkang maghukay nang malalim upang ikubli ang kanilang mga balak mula sa Panginoon! At ang kanilang mga gawain ay nasa dilim; at sinasabi nila: Sinong nakakikita sa atin, at sinong nakakikilala sa atin? At kanila ring sinasabi: Sa katunayan, ang inyong pagbabaliktad ng mga bagay ay maituturing na luwad ng magpapalayok. Subalit dinggin, ipakikita ko sa kanila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na nalalaman ko ang lahat ng kanilang gawain. Sapagkat masasabi ba ng likha sa lumikha sa kanya, hindi niya ako ginawa? O masasabi ba ng bagay na may anyo sa nag-anyo rito, wala siyang pang-unawa?

28 Subalit dinggin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo: Ipakikita ko sa mga anak ng tao na sandaling-sandali na lamang at ang Libano ay magiging masaganang taniman; at ang masaganang taniman ay ituturing na kagubatan.

29 At sa araw na yaon ay maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at makakikita ang mga mata ng bulag mula sa kalabuan at mula sa kadiliman.

30 At lalago rin ang maaamo, at ang kanilang kagalakan ay mag-iibayo sa Panginoon, at ang mga maralita sa mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.

31 Sapagkat tiyak na yamang buhay ang Panginoon ay makikita nila na ang kakila-kilabot ay mawawalang-saysay, at ang manlilibak ay matutupok, at lahat ng nag-aabang na gumawa ng kasamaan ay itatakwil;

32 At sila na nagpaparatang sa kapwa nang dahil sa salita, at naglalagay ng bitag para sa kanya na sumasaway sa pintuang-bayan, at isinasaisantabi ang matwid dahil sa bagay na walang kabuluhan.

33 Samakatwid, ganito ang wika ng Panginoon na siyang tumubos kay Abraham hinggil sa sambahayan ni Jacob: Hindi na ngayon mapapahiya si Jacob, ni hindi na ngayon mamumutla ang kanyang mukha.

34 Bagkus, kapag nakita niya ang kanyang mga anak, na gawa ng aking mga kamay, sa piling niya, papupurihan nila ang aking pangalan, at papupurihan ang Banal ni Jacob, at magkakaroon ng takot sa Diyos ng Israel.

35 Sila rin na nagkamali sa diwa ay makauunawa, at sila na bumulung-bulong ay matututo ng doktrina.