Kabanata 28
Magtatayo ng maraming huwad na simbahan sa mga huling araw—Ang mga ito ay magtuturo ng mga mali, palalo, at hangal na doktrina—Lalaganap ang apostasiya dahil sa mga huwad na guro—Sasalantain ng diyablo ang puso ng mga tao—Magtuturo siya ng lahat ng uri ng mga maling doktrina. Mga 559–545 B.C.
1 At ngayon, dinggin, aking mga kapatid, nagsalita ako sa inyo alinsunod sa Espiritung pumipilit sa akin; kaya nga, nalalaman kong tiyak na mangyayari ang mga yaon.
2 At ang mga bagay na masusulat sa aklat ay magiging labis na mahalaga sa mga anak ng tao, at lalung-lalo na sa ating mga binhi na labi ng sambahayan ni Israel.
3 Sapagkat ito ay mangyayari na sa araw na yaon na ang mga simbahang naitayo, at hindi sa Panginoon, kapag sasabihin ng isa sa iba: Dinggin, ako, ako ay sa Panginoon; at sasabihin ng iba pa: Ako, ako ay sa Panginoon; at gayon ang sasabihin ng bawat isa na nagtayo ng mga simbahan, at hindi sa Panginoon—
4 At makikipagtalo sila sa isa’t isa; at ang kani-kanilang mga saserdote ay magtatalu-talo, at magtuturo sila sa pamamagitan ng kanilang kaalaman, at itatatwa ang Espiritu Santo, na nagbibigay ng pananalita.
5 At itinatatwa nila ang kapangyarihan ng Diyos, ang Banal ng Israel; at sinasabi nila sa mga tao: Makinig sa amin, at pakinggan ninyo ang aming tuntunin; sapagkat dinggin, wala nang Diyos ngayon, sapagkat nagawa na ng Panginoon at ng Manunubos ang kanyang gawain, at ibinigay na niya ang kanyang kapangyarihan sa tao;
6 Dinggin, pakinggan ninyo ang aking tuntunin; kung sasabihin nila na may isang himalang ginawa ng kamay ng Panginoon, huwag itong paniwalaan; sapagkat sa araw na ito ay hindi na siya Diyos ng mga himala; natapos na niya ang kanyang gawain.
7 Oo, at marami ang magsasabi: Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas; at ito ay makabubuti sa atin.
8 At marami rin ang magsasabi: Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya; gayunpaman, matakot sa Diyos—kanyang bibigyang-katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan; oo, magsinungaling nang kaunti, pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita, humukay ng hukay para sa iyong kapwa; walang masama rito; at gawin ang lahat ng bagay na ito, sapagkat bukas ay mamamatay tayo; at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos nang ilang palo, at sa wakas ay maliligtas tayo sa kaharian ng Diyos.
9 Oo, at marami ang magtuturo sa ganitong pamamaraan, mga mali at palalo at hangal na doktrina, at magiging mapagmataas sa kanilang mga puso, at magtatangkang maghukay nang malalim upang ikubli ang kanilang mga balak mula sa Panginoon; at ang kanilang mga gawain ay nasa dilim.
10 At ang dugo ng mga banal ay daraing mula sa lupa laban sa kanila.
11 Oo, silang lahat ay naligaw ng landas; silang lahat ay naging makasalanan.
12 Dahil sa kapalaluan, at dahil sa mga huwad na guro, at maling doktrina, ang kanilang mga simbahan ay naging tiwali, at ang kanilang mga simbahan ay mapagmataas; dahil sa kapalaluan ay naging mapagmataas sila.
13 Ninanakawan nila ang mga maralita dahil sa kanilang maiinam na santuwaryo; ninanakawan nila ang mga maralita dahil sa kanilang maiinam na kasuotan; at hinahamak nila ang maaamo at ang may mababang kalooban, dahil sa kanilang kapalaluan ay naging mapagmataas sila.
14 Matitigas ang kanilang mga leeg at nakataas ang mga noo; oo, at dahil sa kapalaluan, at kasamaan, at mga karumal-dumal na gawain, at mga pagpapatutot, silang lahat ay naligaw maliban lamang sa iilan, na mga mapagkumbabang tagasunod ni Cristo; gayunpaman, naaakay sila, kung kaya’t sa maraming pagkakataon ay nagkakamali sila dahil sa naturuan sila ng mga tuntunin ng tao.
15 O ang matalino, at ang marunong, at ang mayaman, na mapagmataas sa kapalaluan ng kanilang mga puso, at lahat ng yaong nangangaral ng mga maling doktrina, at lahat ng yaong gumagawa ng pagpapatutot, at binabaluktot ang matwid na landas ng Panginoon, sa aba, sa aba, sa aba nila, wika ng Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, sapagkat itatapon sila sa impiyerno!
16 Sa aba nila na isinasantabi ang matwid para sa isang bagay na walang kabuluhan at nilalait ang yaong mabuti; at nagsasabing walang halaga ito! Sapagkat darating ang araw na biglang dadalawin ng Panginoong Diyos ang mga naninirahan sa mundo; at sa araw na yaon na hinog na sila sa kasamaan ay lilipulin sila.
17 Subalit dinggin, kung magsisisi ang mga naninirahan sa mundo sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ay hindi sila lilipulin, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.
18 Subalit dinggin, ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahang yaon, ang patutot ng buong mundo, ay tiyak na mabubuwal sa lupa, at tiyak na napakalakas ang magiging pagbagsak niyon.
19 Sapagkat ang kaharian ng diyablo ay tiyak na mayayanig, at sila na nabibilang dito ay talagang kinakailangang pukawin sa pagsisisi, o mahigpit na hahawakan sila ng diyablo sa pamamagitan ng kanyang mga walang hanggang tanikala, at pupukawin sila sa pagkagalit, at masasawi;
20 Sapagkat dinggin, sa araw na yaon ay sasalantahin niya ang puso ng mga anak ng tao, at uudyukan sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.
21 At gagawin niyang panatag ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.
22 At dinggin, pupurihin niya nang labis-labis ang iba, at sasabihin sa kanila na walang impiyerno; at sasabihin niya sa kanila: Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo—at ganito ang ibinubulong niya sa kanilang mga tainga, hanggang sa kanyang mahigpit na mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala, na kung saan ay walang kawala.
23 Oo, mahigpit na nahawakan sila ng kamatayan, at impiyerno; at ang kamatayan, at ang impiyerno, at ang diyablo, at lahat ng yaong nahawakan niyon ay tiyak na tatayo sa harapan ng trono ng Diyos, at hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, kung saan sila tiyak na patutungo sa dakong inihanda para sa kanila, maging sa lawa ng apoy at asupre, na walang hanggang pagdurusa.
24 Samakatwid, sa aba niya na pabaya sa Sion!
25 Sa aba niya na sumisigaw nang: Mainam ang lahat!
26 Oo, sa aba niya na nakikinig sa mga tuntunin ng tao, at nagtatatwa sa kapangyarihan ng Diyos, at sa kaloob na Espiritu Santo!
27 Oo, sa aba niya na nagsasabing: Nakatanggap na kami, at hindi na kami nangangailangan pa ng dagdag!
28 At sa madaling salita, sa aba sa lahat ng yaong nanginginig, at nagagalit dahil sa katotohanan ng Diyos! Sapagkat dinggin, siya na nakatayo sa malaking bato ay tinatanggap ito nang may kagalakan; at siya na nakatayo sa saligang buhangin ay nanginginig na baka siya mabuwal.
29 Sa aba niya na magsasabing: Natanggap na namin ang salita ng Diyos, at hindi na namin kailangan pa ng salita ng Diyos, sapagkat sapat na ang kaalaman namin!
30 Sapagkat dinggin, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at dinidinig ang aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan; at mula sa kanila na nagsasabing, May sapat na kami, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila.
31 Sumpain siya na nagtitiwala sa tao, o ang laman ay ginagawa na kanyang bisig, o makikinig sa mga tuntunin ng tao, maliban kung ibinigay ang kanilang mga tuntunin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
32 Sa aba sa mga Gentil, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo! Sapagkat bagama’t laging nakaunat sa kanila ang aking bisig sa araw-araw, ay itatatwa nila ako; gayunpaman, magiging maawain ako sa kanila, wika ng Panginoong Diyos, kung magsisisi sila at lalapit sa akin; sapagkat nakaunat ang aking bisig sa buong maghapon, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.