Kabanata 29
Maraming Gentil ang tatanggi sa Aklat ni Mormon—Kanilang sasabihin, Hindi na namin kailangan pa ng karagdagang Biblia—Ang Panginoon ay nangungusap sa maraming bansa—Kanyang hahatulan ang sanlibutan alinsunod sa mga aklat na isusulat. Mga 559–545 B.C.
1 Ngunit dinggin, magkakaroon ng marami—sa araw na yaon kung kailan magpapatuloy ako na gumawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa kanila upang maalala ko ang aking mga tipan na ginawa ko sa mga anak ng tao, upang maitaas kong muli ang aking kamay sa ikalawang pagkakataon upang mabawi ko ang aking mga tao, na kabilang sa sambahayan ni Israel;
2 At gayundin, upang maalala ko ang aking mga pangakong ginawa sa iyo, Nephi, at gayundin sa iyong ama, na aalalahanin ko ang inyong mga binhi; at na ang mga salita ng inyong mga binhi ay mamumutawi mula sa aking bibig patungo sa inyong mga binhi; at ang aking mga salita ay titimo hanggang sa mga dulo ng mundo, bilang isang sagisag ng aking mga tao, na kabilang sa sambahayan ni Israel;
3 At dahil ang aking mga salita ay titimo—marami sa mga Gentil ang magsasabi: Isang Biblia! Isang Biblia! Mayroon na kaming Biblia, at hindi na magkakaroon pa ng karagdagang Biblia.
4 Ngunit ganito ang wika ng Panginoong Diyos: O mga hangal, sila ay magkakaroon ng Biblia; at iyon ay manggagaling sa mga Judio, na aking mga sinaunang pinagtipanang tao. At ano ang pasasalamatan nila sa mga Judio sa Biblia na kanilang tinanggap mula sa kanila? Oo, ano ang ibig sabihin ng mga Gentil? Naaalala ba nila ang mga paghihirap, at ang mga pagpapagal, at ang mga pasakit ng mga Judio, at ang kanilang pagsusumigasig para sa akin, sa pagdadala ng kaligtasan sa mga Gentil?
5 O kayong mga Gentil, inyo bang naaalala ang mga Judio, na aking mga sinaunang pinagtipanang tao? Hindi; kundi inyong isinumpa sila, at kinamuhian sila, at hindi naghangad na sila ay mabawi. Ngunit dinggin, ibabalik ko sa inyong sariling mga ulo ang lahat ng bagay na ito; sapagkat ako, ang Panginoon, ay hindi nakalilimot sa aking mga tao.
6 Ikaw na hangal, na magsasabi: Isang Biblia, mayroon na kaming Biblia, at hindi na namin kailangan pa ng karagdagang Biblia. Nagkaroon ba kayo ng Biblia maliban sa ito ay sa pamamagitan ng mga Judio?
7 Hindi ba ninyo alam na higit pa sa isa ang mga bansa? Hindi ba ninyo alam na ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ang lumikha sa lahat ng tao, at na naaalala ko ang mga yaong nasa pulo ng dagat; at na ako ang namamahala sa kalangitan sa itaas at sa lupa sa ibaba; at isinisiwalat ko ang aking salita sa mga anak ng tao, oo, maging sa lahat ng bansa sa mundo?
8 Ano’t bumulung-bulong kayo, dahil ba sa kayo ay tatanggap pa ng karagdagang salita ko? Hindi ba ninyo alam na ang patotoo ng dalawang bansa ay saksi sa inyo na ako nga ang Diyos, na naaalala ko ang isang bansa gaya ng iba? Kung gayon, sinasabi ko ang mga gayunding salita sa isang bansa gaya ng sa iba. At kapag ang dalawang bansa ay susulong na magkasabay, ang patotoo ng dalawang bansa ay susulong ding magkasabay.
9 At ito ay ginagawa ko upang mapatunayan ko sa marami na ako ay ako rin kahapon, ngayon, at magpakailanman; at sinasabi ko ang aking mga salita alinsunod sa aking sariling kasiyahan. At sapagkat ako ay nakapagsabi na ng isang salita ay hindi ninyo dapat ipalagay na hindi na ako makapagsasabi pa ng iba; sapagkat ang aking gawain ay hindi pa natatapos; ni hindi pa hanggang sa katapusan ng tao, ni sa simula ng panahong iyon at magpakailanman.
10 Anupa’t sapagkat mayroon kayong Biblia ay hindi ninyo dapat ipalagay na yaon ay naglalaman na ng lahat kong salita; ni hindi ninyo dapat ipalagay na ako ay hindi na magpapasulat pa ng karagdagan.
11 Sapagkat inuutusan ko ang lahat ng tao, kapwa sa silangan at sa kanluran, at sa hilaga, at sa timog, at sa mga pulo ng dagat, na kanilang isusulat ang mga salitang aking sasabihin sa kanila; sapagkat alinsunod sa mga aklat na isusulat ay hahatulan ko ang sanlibutan, bawat tao alinsunod sa kanyang mga gawa, alinsunod doon sa nasusulat.
12 Sapagkat dinggin, magsasalita ako sa mga Judio at kanilang isusulat ito; at magsasalita rin ako sa mga Nephita at kanilang isusulat ito; at magsasalita rin ako sa ibang mga lipi ng sambahayan ni Israel, na aking inakay palayo, at kanilang isusulat ito; at ako ay magsasalita rin sa lahat ng bansa sa mundo at kanilang isusulat ito.
13 At ito ay mangyayari na matatanggap ng mga Judio ang mga salita ng mga Nephita, at matatanggap ng mga Nephita ang mga salita ng mga Judio; at matatanggap ng mga Nephita at ng mga Judio ang mga salita ng mga nawalang lipi ni Israel; at matatanggap ng mga nawalang lipi ni Israel ang mga salita ng mga Nephita at ng mga Judio.
14 At ito ay mangyayari na ang aking mga tao, na nabibilang sa sambahayan ni Israel, ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang pag-aari; at ang aking salita ay matitipon din sa isa. At ipakikilala ko sa kanila na lumalaban sa aking salita at laban sa aking mga tao, na nabibilang sa sambahayan ni Israel, na ako ang Diyos, at na ako ay nakipagtipan kay Abraham na aking aalalahanin ang kanyang mga binhi magpakailanman.