Kabanata 32
Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo—Ang mga tao ay kinakailangang manalangin at magtamo ng kaalaman para sa kanilang sarili mula sa Espiritu Santo. Mga 559–545 B.C.
1 At ngayon, dinggin, mga minamahal kong kapatid, sa aking pakiwari ay tila inyong pinagninilayan pa sa inyong mga puso ang hinggil sa mga yaong nararapat ninyong gawin pagkatapos na kayo ay makapasok sa daan. Datapwat dinggin, bakit ninyo pinagninilayan ang mga bagay na ito sa inyong mga puso?
2 Hindi ba ninyo natatandaan na sinabi ko sa inyo na makaraan ninyong matanggap ang Espiritu Santo na kayo ay makapagsasalita sa wika ng mga anghel? At ngayon, paano kayo makapagsasalita sa wika ng mga anghel maliban kung ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
3 Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; kaya nga, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Anupa’t sinabi ko sa inyo, magpakabusog sa mga salita ni Cristo; sapagkat dinggin, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.
4 Anupa’t ngayon, matapos kong sabihin ang mga salitang ito, kung hindi ninyo naunawaan ang mga ito, iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni hindi kayo kumakatok; kaya nga, hindi kayo nadadala sa liwanag, kundi tiyak na masasawi sa kadiliman.
5 Sapagkat dinggin, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.
6 Dinggin, ito ang doktrina ni Cristo, at wala nang doktrinang ibibigay pa hanggang sa siya ay magpakita ng kanyang sarili sa inyo sa laman. At kapag siya ay nagpakita na ng kanyang sarili sa inyo sa laman, ang mga bagay na sasabihin niya sa inyo ay inyong gawin.
7 At ngayon, ako, si Nephi, ay hindi na makapagsasalita pa; pinipigil ng Espiritu ang aking pagsasalita, at ako ay naiwan na magdalamhati na lamang dahil sa kawalang-paniniwala, at sa kasamaan, at sa kamangmangan, at sa katigasan ng leeg ng mga tao; sapagkat ayaw nilang magsaliksik ng kaalaman, ni makaunawa ng dakilang kaalaman, samantalang ibinibigay ito sa kanila nang buong linaw, maging kasinlinaw ng pinakamalinaw na salita.
8 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nadarama kong nagninilay pa kayo sa inyong mga puso; at nakalulungkot iyon sa akin na ako ay kinakailangang magsalita hinggil sa bagay na ito. Sapagkat kung kayo ay makikinig sa Espiritung nagtuturo sa isang tao na manalangin, malalaman ninyong kinakailangan kayong manalangin; sapagkat ang masamang espiritu ay hindi nagtuturo sa tao na manalangin, sa halip ay nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin.
9 Ngunit dinggin, sinasabi ko sa inyo na kinakailangan kayong manalangin sa tuwina, at huwag manghina; na huwag ninyong isasagawa ang anumang bagay sa Panginoon maliban sa kayo ay mananalangin muna sa Ama sa pangalan ni Cristo, upang kanyang ilaan ang inyong pagganap sa kanya, nang ang inyong pagganap ay maging para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa.