Kabanata 33
Ang mga salita ni Nephi ay totoo—Ang mga ito ay nagpapatotoo kay Cristo—Silang naniniwala kay Cristo ay maniniwala sa mga salita ni Nephi, na siyang tatayo bilang saksi sa harapan ng hukumang-luklukan. Mga 559–545 B.C.
1 At ngayon, ako, si Nephi, ay hindi maisusulat ang lahat ng bagay na itinuro sa aking mga tao; ni ako ay hindi magaling sa pagsusulat, na tulad sa pagsasalita; sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao.
2 Datapwat dinggin, marami ang pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu, kaya hindi ito magkaroon ng puwang sa kanila; kaya nga, kanilang itinatapon ang maraming bagay na naisulat at itinuring yaon na mga bagay na walang kabuluhan.
3 Datapwat ako, si Nephi, ay isinulat na ang aking naisulat, at itinuturing ko ito na may malaking kahalagahan, at lalung-lalo na sa aking mga tao. Sapagkat ako ay patuloy na dumadalangin para sa kanila sa araw, at nababasa ng luha ng aking mga mata ang aking unan sa gabi, dahil sa kanila; at ako ay sumasamo sa aking Diyos nang may pananampalataya, at alam kong diringgin niya ang aking pagsusumamo.
4 At alam kong ilalaan ng Panginoong Diyos ang aking mga dalangin para sa kapakinabangan ng aking mga tao. At ang mga salitang aking isinulat sa kahinaan ay palalakasin para sa kanila; sapagkat ito ay humihikayat sa kanila na gumawa ng mabuti; ipinaaalam nito sa kanila ang tungkol sa kanilang mga ama; at ito ay nangungusap tungkol kay Jesus, at hinihikayat silang maniwala sa kanya, at magtiis hanggang wakas, na siyang buhay na walang hanggan.
5 At ito ay nagsasalita nang marahas laban sa kasalanan, alinsunod sa kalinawan ng katotohanan; kaya nga, walang taong magagalit sa mga salitang aking isinulat maliban sa siya ay sa espiritu ng diyablo.
6 Ako ay nagpupuri sa kalinawan; ako ay nagpupuri sa katotohanan; ako ay nagpupuri sa aking Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa mula sa impiyerno.
7 May pag-ibig ako sa aking mga tao, at malaking pananampalataya kay Cristo na matatagpuan ko ang maraming kaluluwa na walang bahid-dungis sa kanyang hukumang-luklukan.
8 May pag-ibig ako sa mga Judio—Sinasabi kong Judio, dahil ang ibig kong tukuyin ay sila na galing sa aking pinagmulan.
9 May pag-ibig din ako sa mga Gentil. Ngunit dinggin, wala sa mga ito ang maaasahan ko maliban kung sila ay makipagkasundo kay Cristo, at pumasok sa makitid na pasukan at lumakad sa makipot na landas patungo sa buhay, at magpatuloy sa landas hanggang sa wakas ng araw ng pagsubok.
10 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, at gayundin sa mga Judio, at lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, makinig sa mga salitang ito at maniwala kay Cristo; at kung hindi kayo naniniwala sa mga salitang ito ay maniwala kay Cristo. At kung maniniwala kayo kay Cristo ay maniniwala kayo sa mga salitang ito, sapagkat ang mga ito ay mga salita ni Cristo, at kanyang ibinigay ang mga ito sa akin; at ang mga ito ay nagtuturo sa lahat ng tao na nararapat silang gumawa ng mabuti.
11 At kung ang mga ito ay hindi mga salita ni Cristo, hatulan ninyo—sapagkat ipakikita ni Cristo sa inyo, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, na ang mga ito ay kanyang mga salita, sa huling araw; at kayo at ako ay harap-harapang tatayo sa harapan ng kanyang hukuman; at malalaman ninyo na ako ay inutusan niyang isulat ang mga bagay na ito sa kabila ng aking kahinaan.
12 At ako ay dumadalangin sa Ama sa pangalan ni Cristo na marami sa atin, kung hindi man lahat, ay maligtas sa kanyang kaharian sa dakila at huling araw na yaon.
13 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, lahat kayo na nabibilang sa sambahayan ni Israel, at lahat kayo na nasa mga dulo ng mundo, nagsasalita ako sa inyo gaya ng tinig ng isang sumisigaw mula sa alabok: Paalam hanggang sa dumating ang dakilang araw na yaon.
14 At kayong hindi makikibahagi sa kabaitan ng Diyos, at gumagalang sa mga salita ng mga Judio, at gayundin sa aking mga salita, at sa mga salitang mamumutawi sa bibig ng Kordero ng Diyos, dinggin, magpapaalam ako sa inyo ng walang hanggang pamamaalam, sapagkat ang mga salitang ito ang hahatol sa inyo sa huling araw.
15 Sapagkat kung ano ang aking tinatakan sa lupa, ay dadalhin laban sa inyo sa hukumang-luklukan; sapagkat gayon ang iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod. Amen.