Kabanata 3
Nakita ni Jose sa Egipto ang mga Nephita sa pangitain—Siya ay nagpropesiya tungkol kay Joseph Smith, ang tagakita ng huling araw; kay Moises, na siyang magpapalaya sa Israel; at sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Mga 588–570 B.C.
1 At ngayon, ako ay nangungusap sa iyo, Jose, aking bunso. Ikaw ay isinilang sa ilang ng aking mga paghihirap; oo, sa mga araw ng aking pinakamasidhing kalungkutan ay ipinanganak ka ng iyong ina.
2 At nawa’y ilaan din ng Panginoon ang lupaing ito sa iyo, na isang pinakatatanging lupain, bilang iyong mana at mana ng iyong mga binhi kasama ng iyong mga kapatid, para sa iyong katiwasayan magpakailanman, kung mangyayaring iyong susundin ang mga kautusan ng Banal ng Israel.
3 At ngayon, Jose, aking bunso, na inilabas ko sa ilang ng aking mga paghihirap, nawa’y pagpalain ka ng Panginoon magpakailanman, sapagkat ang iyong mga binhi ay hindi lubusang malilipol.
4 Sapagkat dinggin, ikaw ay bunga ng aking balakang; at ako ay inapo ni Jose na dinalang bihag sa Egipto. At dakila ang mga tipan ng Panginoon na ginawa niya kay Jose.
5 Anupa’t tunay na nakita ni Jose ang ating panahon. At natamo niya ang pangako ng Panginoon, na mula sa bunga ng kanyang balakang ay magbabangon ang Panginoong Diyos ng isang makatwirang sanga sa sambahayan ni Israel; hindi ang Mesiyas, kundi isang sangang mababali, gayunpaman, na maaalaala sa mga tipan ng Panginoon na ang Mesiyas ay magpapakita sa kanila sa mga huling araw, sa diwa ng kapangyarihan, hanggang sa pagdadala sa kanila mula sa kadiliman tungo sa liwanag—oo, mula sa natatagong kadiliman at pagkabihag tungo sa kalayaan.
6 Sapagkat si Jose ay tunay na nagpatotoo, sinasabing: Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na magiging piling tagakita sa bunga ng aking balakang.
7 Oo, tunay na sinabi ni Jose: Ganito ang winika ng Panginoon sa akin: Isang piling tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang; at siya ay labis na pahahalagahan sa mga bunga ng iyong balakang. At sa kanya ay ibibigay ko ang kautusan na siya ay may gawaing gagampanan para sa bunga ng iyong balakang, sa kanyang mga kapatid, na magiging malaki ang kahalagahan sa kanila, maging sa pagdadala sa kanila sa kaalaman ng mga tipan na aking ginawa sa iyong mga ama.
8 At ibibigay ko sa kanya ang isang kautusan na wala siyang ibang gagawin, maliban sa gawaing iuutos ko sa kanya. At gagawin ko siyang dakila sa aking mga paningin; sapagkat gagawin niya ang aking gawain.
9 At siya ay magiging dakilang katulad ni Moises, na sinabi kong ibabangon ko sa inyo, upang palayain ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel.
10 At si Moises ay aking ibabangon upang palayain ang aking mga tao sa lupain ng Egipto.
11 Ngunit isang tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang; at sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang isiwalat ang aking salita sa mga binhi ng iyong balakang—at hindi lamang sa pagsisiwalat ng salita ko, wika ng Panginoon, kundi upang mapapaniwala sila sa aking salita, na napasakanila na.
12 Samakatwid, ang bunga ng iyong balakang ay susulat; at ang bunga ng balakang ni Juda ay susulat; at ang yaong mga isusulat ng bunga ng iyong balakang, at gayundin ang yaong mga isusulat ng bunga ng balakang ni Juda ay magsasama, tungo sa pagpapabulaanan ng mga maling doktrina at pag-aalis ng mga pagtatalo, at pagtatatag ng kapayapaan sa bunga ng iyong balakang, at pagdadala sa kanila sa kaalaman ng kanilang mga ama sa mga huling araw, at gayundin sa kaalaman ng aking mga tipan, wika ng Panginoon.
13 At mula sa kahinaan ay gagawin siyang malakas, sa araw na yaon kung kailan ang aking gawain ay magsisimula sa lahat ng aking mga tao, tungo sa pagpapanumbalik sa iyo, O sambahayan ni Israel, wika ng Panginoon.
14 At sa gayon nagpropesiya si Jose, sinasabing: Dinggin, ang tagakitang yaon ay pagpapalain ng Panginoon; at sila na magtatangkang wasakin siya ay malilipol, sapagkat ang pangakong ito na aking natamo mula sa Panginoon, tungkol sa bunga ng aking balakang, ay matutupad. Dinggin, ako ay nakatitiyak sa katuparan ng pangakong ito.
15 At ang kanyang pangalan ay tatawagin sunod sa pangalan ko; at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama. At siya ay magiging katulad ko; sapagkat ang bagay na isisiwalat ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon ay magdadala sa aking mga tao sa kaligtasan.
16 Oo, gayon ang ipinropesiya ni Jose: Natitiyak ko ang bagay na ito, maging katulad ng katiyakan ko sa pangako patungkol sa isang Moises; sapagkat sinabi ng Panginoon sa akin, pangangalagaan ko ang iyong mga binhi magpakailanman.
17 At winika ng Panginoon: Ako ay magbabangon ng isang Moises; at ipagkakaloob ko sa kanya ang kapangyarihan sa isang tungkod; at ipagkakaloob ko sa kanya ang kahatulan sa sulat. Gayunman, hindi ko kakalagan ang kanyang dila na siya ay makapagsalita nang labis, sapagkat hindi ko siya gagawing napakagaling sa pananalita. Kundi isusulat ko sa kanya ang aking batas, sa pamamagitan ng daliri ng sarili kong kamay; at magtatalaga ako ng tagapagsalita para sa kanya.
18 At sinabi rin ng Panginoon sa akin: Ako ay may ibabangon mula sa bunga ng iyong balakang; at ako ay magtatalaga para sa kanya ng isang tagapagsalita. At ako, dinggin, ako ay magpapahintulot sa kanya na isulat niya ang kasulatan ng bunga ng iyong balakang, sa bunga ng iyong balakang; at ang tagapagsalita ng bunga ng iyong balakang ang magpapahayag nito.
19 At ang mga salitang kanyang isusulat ay magiging mga salitang kapaki-pakinabang sa aking karunungan na dapat ipahayag sa bunga ng iyong balakang. At iyon ay mangyayari na parang ang bunga ng iyong balakang ay sumigaw sa kanila mula sa alabok; sapagkat nalalaman ko ang kanilang pananampalataya.
20 At sila ay mangangaral mula sa alabok; oo, maging ng pagsisisi sa kanilang mga kapatid, maging hanggang sa maraming salinlahi ang dumaan sa kanila. At ito ay mangyayari na ang kanilang panawagan ay magpapatuloy, maging alinsunod sa kapayakan ng kanilang mga salita.
21 Dahil sa kanilang pananampalataya, ang kanilang mga salita ay mamumutawi sa aking bibig tungo sa kanilang mga kapatid na bunga ng iyong balakang; at ang kahinaan ng kanilang mga salita ay gagawin kong malakas sa kanilang pananampalataya, tungo sa pag-alala ng aking tipan na aking ginawa sa iyong mga ama.
22 At ngayon, dinggin, Jose, anak ko, alinsunod sa ganitong pamamaraan nagpropesiya ang aking ama noong unang panahon.
23 Samakatwid, dahil sa tipang ito, ikaw ay pinagpala; sapagkat ang iyong mga binhi ay hindi malilipol, sapagkat sila ay makikinig sa mga salita ng aklat.
24 At may magbabangon na isang makapangyarihan sa kanila na gagawa ng labis na kabutihan, kapwa sa salita at sa gawa, bilang kasangkapan sa kamay ng Diyos, na may labis na pananampalataya na makagawa ng mga kagila-gilalas na himala, at gawin ang bagay na dakila sa paningin ng Diyos, tungo sa pagsasakatuparan ng maraming pagpapanumbalik sa sambahayan ni Israel, at sa mga binhi ng iyong mga kapatid.
25 At ngayon, pinagpala ka, Jose. Masdan, ikaw ay musmos pa; kaya nga, makinig ka sa mga salita ng iyong kapatid na si Nephi, at mangyayari ito sa iyo maging alinsunod sa mga salitang aking sinabi. Pakatandaan mo ang mga salita ng iyong nag-aagaw-buhay na ama. Amen.