Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 4


Kabanata 4

Pinayuhan at binasbasan ni Lehi ang kanyang angkan—Siya ay namatay at inilibing—Si Nephi ay nagpapuri sa kabutihan ng Diyos—Ibinigay ni Nephi ang kanyang pagtitiwala sa Panginoon magpakailanman. Mga 588–570 B.C.

1 At ngayon, ako, si Nephi, ay nangungusap hinggil sa mga propesiyang sinabi ng aking ama, hinggil kay Jose, na dinala sa Egipto.

2 Sapagkat masdan, tunay na siya ay nagpropesiya hinggil sa lahat ng kanyang binhi. At ang mga propesiyang kanyang isinulat, ay walang maraming makahihigit pa. At siya ay nagpropesiya hinggil sa amin, at sa aming mga susunod na salinlahi; at yaon ay nakasulat sa mga laminang tanso.

3 Anupa’t nang matapos sa pagsasalita ang aking ama hinggil sa mga propesiya ni Jose, tinawag niya ang mga anak ni Laman, ang kanyang mga anak na lalaki, at ang kanyang mga anak na babae, at sinabi sa kanila: Dinggin, mga anak kong lalaki at babae, na mga anak na lalaki at babae ng aking panganay, nais ko na kayo ay makinig sa aking mga salita.

4 Sapagkat winika ng Panginoong Diyos na: Yamang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain; at yamang hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay itatakwil mula sa aking harapan.

5 Datapwat dinggin, mga anak kong lalaki at babae, hindi ako makabababa sa aking libingan maliban sa mag-iiwan ako sa inyo ng aking pagbabasbas; sapagkat dinggin, alam ko na kung kayo ay palalakihin sa landas na dapat ninyong tahakin, hindi kayo lilihis dito.

6 Anupa’t kung kayo ay isusumpa, dinggin, iniiwan ko sa inyo ang aking pagbabasbas na ang sumpa ay maaalis sa inyo at pananagutan ng mga ulo ng inyong mga magulang.

7 Samakatwid, dahil sa aking pagbabasbas, hindi pahihintulutan ng Panginoong Diyos na kayo ay masawi; kaya nga, siya ay magiging maawain sa inyo at sa inyong mga binhi magpakailanman.

8 At ito ay nangyari na nang matapos ang aking ama sa pagsasalita sa mga anak na lalaki at babae ni Laman, ipinag-utos niyang dalhin sa harapan niya ang mga anak na lalaki at babae ni Lemuel.

9 At nangusap siya sa kanila, sinasabing: Dinggin, mga anak kong lalaki at babae, na mga anak na lalaki at babae ng aking ikalawang anak na lalaki; dinggin, iniiwan ko sa inyo ang katulad na pagbabasbas na iniwan ko sa mga anak na lalaki at babae ni Laman; kaya nga, hindi kayo lubusang malilipol; kundi sa huli, ang inyong mga binhi ay pagpapalain.

10 At ito ay nangyari na nang matapos ang aking ama sa pagsasalita sa kanila, masdan, siya ay nangusap sa mga anak na lalaki ni Ismael, oo, at maging sa kanyang buong sambahayan.

11 At nang matapos siya sa pagsasalita sa kanila, siya ay nangusap kay Sam, sinasabing: Pinagpala ka, at ang iyong mga binhi; sapagkat mamanahin mo ang lupain na katulad ng iyong kapatid na si Nephi. At ang iyong mga binhi ay mapapabilang sa kanyang mga binhi; at ikaw ay matutulad din sa iyong kapatid, at ang iyong mga binhi ay matutulad sa kanyang mga binhi; at ikaw ay pagpapalain sa lahat ng iyong mga araw.

12 At ito ay nangyari na matapos ang aking ama, si Lehi, ay makapangusap sa buo niyang sambahayan, alinsunod sa nararamdaman ng kanyang puso at sa Espiritu ng Panginoon na nasa kanya, siya ay tumanda na. At ito ay nangyari na siya ay namatay, at inilibing.

13 At ito ay nangyari na hindi pa nakalilipas ang maraming araw pagkaraan ng kanyang kamatayan, sina Laman at Lemuel at ang mga anak na lalaki ni Ismael ay nagalit sa akin dahil sa mga babala ng Panginoon.

14 Sapagkat ako, si Nephi, ay napilitang mangusap sa kanila, alinsunod sa kanyang salita; sapagkat ako ay nangusap ng maraming bagay sa kanila, at gayundin ang aking ama, bago siya namatay; karamihan sa mga naturan ay nakasulat sa iba ko pang mga lamina; sapagkat ang higit na malaking bahagi ng kasaysayan ay nakasulat sa iba ko pang mga lamina.

15 At sa mga ito ay isinulat ko ang mga bagay ng aking kaluluwa, at marami sa mga banal na kasulatan na nakaukit sa mga laminang tanso. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.

16 Masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig.

17 Gayunpaman, sa kabila ng dakilang kabaitan ng Panginoon, sa pagpapakita sa akin ng kanyang mga dakila at kagila-gilalas na gawain, ang aking puso ay napabulalas: O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman; ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasalanan.

18 Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin.

19 At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala.

20 Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga paghihirap sa ilang; at pinangalagaan niya ako sa ibabaw ng mga tubig ng malawak na karagatan.

21 Pinuspos niya ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman.

22 Kanyang tinulig ang aking mga kaaway, hanggang sa pagpapangyarihin na sila ay manginig sa harapan ko.

23 Masdan, narinig niya ang aking pagsamo sa araw, at binigyan niya ako ng kaalaman sa pamamagitan ng mga pangitain sa gabi.

24 At sa araw ay naging walang-takot ako sa taimtim na panalangin sa harapan niya; oo, ang aking tinig ay pinarating ko sa kaitaasan; at ang mga anghel ay bumaba at naglingkod sa akin.

25 At sa mga pakpak ng kanyang Espiritu ay dinala ang aking katawan sa lubhang matataas na bundok. At ang aking mga mata ay nakamalas ng mga dakilang bagay, oo, maging napakadakila para sa tao; kaya nga, ako ay pinagbawalang isulat ang mga yaon.

26 O kung gayon, kung nasaksihan ko ang mga gayong kadakilang bagay, kung ang Panginoon sa kanyang pagpapakababa sa mga anak ng tao ay dinalaw ang mga tao sa labis na pagkaawa, bakit mananangis ang aking puso at mamamalagi ang aking kaluluwa sa lambak ng kalungkutan, at ang aking katawan ay manlalambot, at ang aking lakas ay manghihina, dahil sa aking mga paghihirap?

27 At bakit ako magpapatalo sa kasalanan, dahil sa aking laman? Oo, bakit ko bibigyang-daan ang mga tukso, na ang masama ay magkaroon ng puwang sa aking puso upang wasakin ang aking katahimikan at pahirapan ang aking kaluluwa? Bakit ako nagagalit dahil sa aking kaaway?

28 Gumising, kaluluwa ko! Huwag nang yumuko sa kasalanan. Magsaya, O aking puso, at huwag nang magbigay-puwang kailanman sa kaaway ng aking kaluluwa.

29 Huwag nang muling magalit dahil sa aking mga kaaway. Huwag nang manghina ang aking lakas dahil sa aking mga paghihirap.

30 Magsaya, O aking puso, at magsumamo sa Panginoon, at sabihin: O Panginoon, pupurihin ko kayo magpakailanman; oo, ang aking kaluluwa ay magsasaya sa inyo, aking Diyos, at bato ng aking kaligtasan.

31 O Panginoon, maaari bang tubusin ninyo ang aking kaluluwa? Maaari bang iligtas ninyo ako mula sa mga kamay ng aking mga kaaway? Maaari bang gawin ninyong ako ay manginig sa paglitaw ng kasalanan?

32 Nawa ang mga pasukan ng impiyerno ay patuloy na mapinid sa harapan ko, sapagkat ang aking puso ay bagbag at ang aking espiritu ay nagsisisi! O Panginoon, maaari bang huwag ninyong ipinid ang mga pasukan ng inyong katwiran sa harapan ko, upang ako ay makalakad sa landas ng mababang lambak, upang ako ay manatili sa patag na daan!

33 O Panginoon, maaari bang balutin ninyo ako ng báta ng inyong katwiran! O Panginoon, maaari bang igawa ninyo ako ng daan upang makatakas sa harapan ng aking mga kaaway! Maaari bang gawin ninyong tuwid ang aking landas sa harapan ko! Maaari bang huwag kayong maglagay ng batong katitisuran sa aking daraanan—bagkus inyong hawanin ang aking daraanan sa harapan ko, at huwag ninyong harangan ang aking landas, kundi ang mga daan ng aking kaaway.

34 O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman; sapagkat alam kong susumpain siya na nagtitiwala sa bisig ng laman. Oo, sumpain siya na nagtitiwala sa tao at ang laman ay ginagawa na kanyang bisig.

35 Oo, alam ko na ang Diyos ay magkakaloob nang sagana sa kanya na humihingi. Oo, ang aking Diyos ay pagkakalooban ako, kung ako ay hihingi nang hindi mali; kaya nga, ipaaabot ko ang aking tinig sa inyo, oo, ako ay magsusumamo sa inyo, aking Diyos, ang bato ng aking katwiran. Dinggin, ang aking tinig ay papailanglang sa inyo magpakailanman, aking bato at aking Diyos na walang hanggan. Amen.