Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 7


Kabanata 7

Nagpatuloy si Jacob sa pagbabasa mula sa Isaias: Si Isaias ay nagsalita nang mala-mesiyas—Ang Mesiyas ay magtataglay ng dila ng nangaturuan—Ihahain niya ang kanyang likod sa mga mananakit—Hindi siya maaaring matulig—Ihambing sa Isaias 50. Mga 559–545 B.C.

1 Oo, sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Isinantabi ba kita, o itinakwil ba kita nang tuluyan? Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Saan naroon ang sulat ng paghihiwalay sa iyong ina? Kanino ba kita ipinagpalit, o kanino ba sa mga nagpapautang sa akin kita ipinagbili? Oo, kanino kita ipinagbili? Masdan, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili ninyo ang inyong sarili, at dahil sa inyong mga kasalanan ay isinantabi ang inyong ina.

2 Anupa’t nang dumating ako, walang tao; nang ako ay tumawag, oo, ay walang sinumang sumagot. O sambahayan ni Israel, naging maiksi nga ba ang aking kamay kaya hindi makatubos, o wala ba akong kapangyarihang makapagligtas? Masdan, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, ginagawa kong ilang ang kanilang mga ilog at ang kanilang mga isda ay bumabaho dahil sa nangatuyo ang tubig, at nangamatay sila dahil sa uhaw.

3 Binibihisan ko ng kadiliman ang kalangitan, at ginagawa kong damit na magaspang ang kanilang pantakip.

4 Binigyan ako ng Panginoong Diyos ng dila ng nangaturuan, upang aking malaman kung paano sasabihin ang isang salita sa inyo sa tamang panahon, O sambahayan ni Israel. Kapag kayo ay nanlulupaypay, siya ay nagigising tuwing umaga. Ginigising niya ang aking tainga upang makarinig ng gaya ng mga nangaturuan.

5 Binuksan ng Panginoong Diyos ang aking tainga, at ako ay hindi naging mapanghimagsik, ni tumalikod man.

6 Aking inihain ang aking likod sa mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas. Hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.

7 Sapagkat tutulungan ako ng Panginoong Diyos, kaya nga hindi ako maaaring matulig. Samakatwid, pinagmistula ko ang aking mukha na parang batong kiskisan, at nalalaman kong hindi ako mapapahiya.

8 At malapit ang Panginoon, at pinawawalang-sala niya ako. Sino ang makikipaglaban sa akin? Tayo ay magsitayong magkakasama. Sino ang aking kaaway? Hayaang lumapit siya sa akin, at parurusahan ko siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking bibig.

9 Sapagkat tutulungan ako ng Panginoong Diyos. At silang lahat na hahatol sa akin, masdan, silang lahat ay maluluma na parang kasuotan, at lalamunin sila ng mga tangà.

10 Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kanyang tagapaglingkod, na lumalakad sa kadiliman at walang liwanag?

11 Masdan kayong lahat na nagpapaalab ng apoy, na pinalilibutan ang mga sarili ng mga sulo, magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy at sa gitna ng mga sulong inyong pinag-alab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay—kayo ay magsisihiga sa kalungkutan.