Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 8


Kabanata 8

Nagpatuloy si Jacob sa pagbabasa mula sa Isaias: Sa mga huling araw, aaluin ang Sion at titipunin ang Israel ng Panginoon—Ang mga natubos ay magsisitungo sa Sion sa gitna ng labis na kagalakan—Ihambing sa Isaias 51 at 52:1–2. Mga 559–545 B.C.

1 Magsipakinig kayo sa akin, kayong nagsisisunod sa katwiran. Magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa butas ng hukay na kinahukayan sa inyo.

2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama at si Sara na siyang nagsilang sa inyo; sapagkat siya lamang ang tinawag ko, at pinagpala siya.

3 Sapagkat aaluin ng Panginoon ang Sion, kanyang aaluin ang lahat niyang sirang dako; at gagawin niyang tulad ng Eden ang kanyang ilang, at ang kanyang disyerto tulad ng halamanan ng Panginoon. Kagalakan at kasiyahan ay matatagpuan doon, pagpapasalamat at tinig na malambing.

4 Makinig sa akin, aking mga tao; at pakinggan ninyo ako, O aking bansa; sapagkat magmumula sa akin ang isang batas, at itutulot ko na manahan ang aking kahatulan bilang liwanag para sa mga tao.

5 Nalalapit na ang aking katwiran; lumabas na ang aking kaligtasan, at hahatulan ng aking mga bisig ang mga tao. Ang mga pulo ay maghihintay sa akin, at sa aking bisig sila magtitiwala.

6 Ibaling ninyo ang inyong mga paningin sa kalangitan, at magsitingin kayo sa lupa sa ibaba; sapagkat ang kalangitan ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang kasuotan; at silang nagsisitira doon ay mamamatay sa gayunding pamamaraan. Subalit ang kaligtasan ko ay magpakailanman, at ang aking katwiran ay hindi mawawala.

7 Makinig sa akin, kayong nakaaalam ng katwiran, ang mga tao na sinulatan ko sa puso ng aking batas, huwag ninyong katakutan ang puna ng mga tao, ni katakutan ang kanilang mga panlalait.

8 Sapagkat sila ay lalamunin ng tangà na parang kasuotan, at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa. Subalit ang katwiran ko ay walang hanggan, at ang aking kaligtasan ay sa lahat ng sali’t salinlahi.

9 Gumising, gumising! Magbihis ng kalakasan, O bisig ng Panginoon; gumising nang gaya ng mga sinaunang araw. Hindi ba’t ikaw ang tumaga kay Rahab, at sumugat sa dragon?

10 Hindi ba’t ikaw ang tumuyo sa dagat, sa mga tubig ng malawak na karagatan; na iyong ginawang daan ang kailaliman ng dagat upang daanan ng mga natubos?

11 Samakatwid, ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan at kabanalan ang mapapasakanilang mga ulo; at matatamo nila ang kasayahan at kagalakan; ang kalungkutan at pagdadalamhati ay mapapawi.

12 Ako siya; oo, ako siya na umaalo sa iyo. Masdan, sino ka, na natatakot sa tao, na mamamatay, at sa anak ng tao, na gagawing parang damo?

13 At kalilimutan ang Panginoon na iyong manlilikha, na nagladlad ng kalangitan, at naglagay ng saligan ng mundo, at patuloy na natatakot araw-araw, dahil sa pusok ng mamimighati, sa wari ay handa siyang manggiba? At saan naroon ang pusok ng mamimighati?

14 Ang bihag na ipinatapon ay nagmamadali, upang siya ay palayain, at nang hindi siya mamatay sa hukay, ni magkulang ang kanyang tinapay.

15 Subalit ako ang Panginoon mong Diyos, na nagpapaalon sa tubig; Panginoon ng mga Hukbo ang pangalan ko.

16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang kalangitan at mailagay ang saligan ng mundo, at masabi sa Sion: Dinggin, kayo ang aking mga tao.

17 Gumising, gumising, bumangon ka, O Jerusalem, na uminom sa kamay ng Panginoon sa saro ng kanyang matinding galit—iyong sinaid hanggang sa latak ang sarong nakalalango—

18 At walang pumatnubay sa kanya isa man sa mga anak na lalaking kanyang isinilang; ni umalalay sa kanya isa man sa mga anak na lalaking kanyang pinalaki.

19 Ang dalawang anak na lalaking ito ay dumating sa iyo, na malulungkot para sa iyo—sa iyong kapanglawan at pagkawasak, at sa taggutom at sa espada—at kanino kita ipaaalo?

20 Ang iyong mga anak na lalaki ay nangakalupaypay, maliban sa dalawang ito; sila ay nakahiga sa panulukan ng lahat ng lansangan; na katulad ng isang mabangis na toro na nasa silo, tigib ng matinding galit ng Panginoon, ang pagbabanta ng iyong Diyos.

21 Samakatwid, dinggin ngayon ito, ikaw na naghihirap, at lango, ngunit hindi ng alak:

22 Ganito ang wika ng iyong Panginoon, ang Panginoon at iyong Diyos ay nagmamakaawa sa kapakanan ng kanyang mga tao; masdan, kukunin ko sa iyong kamay ang sarong nakalalango, ang latak ng saro ng aking matinding galit; hindi mo na ito iinumin pang muli.

23 Subalit aking ilalagay ito sa kamay nila na nagpapahirap sa iyo; na nakapagsabi sa iyong kaluluwa: Yumukod, upang kami ay makadaan—at iyong inilatag ang iyong katawan na parang lupa at parang lansangan sa kanila na nagdaraan.

24 Gumising, gumising, isuot mo ang iyong kalakasan, O Sion; isuot ang iyong magagandang kasuotan, O Jerusalem, ang banal na lungsod; sapagkat mula ngayon, hindi na papasok sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.

25 Pagpagin mo ang sarili mula sa alabok; bumangon, umupo, O Jerusalem; kalagan ang sarili mula sa mga tali sa iyong leeg, O bihag na anak na babae ng Sion.