Mga Banal na Kasulatan
Mosias 13


Kabanata 13

Pinangalagaan si Abinadi ng dakilang kapangyarihan—Itinuro niya ang Sampung Kautusan—Ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan lamang ng batas ni Moises—Ang Diyos na rin ang gagawa ng pagbabayad-sala at tutubusin ang Kanyang mga tao. Mga 148 B.C.

1 At ngayon, nang marinig ng hari ang mga salitang ito, sinabi niya sa kanyang mga saserdote: Dalhin ang taong ito, at patayin siya; sapagkat ano ang mapapala natin sa kanya, sapagkat siya ay baliw.

2 At nagsitayo sila at nagtangkang hawakan siya ng kanilang mga kamay; subalit kanyang napaglabanan sila, at sinabi sa kanila:

3 Huwag ninyo akong hawakan, sapagkat parurusahan kayo ng Diyos kung hahawakan ninyo ako, sapagkat hindi ko pa naipahahayag ang mensaheng ibinigay ng Panginoon sa akin na ipahayag; ni hindi ko pa nasasabi sa inyo ang yaong hinihiling ninyong sabihin ko; samakatwid, hindi ipahihintulot ng Diyos na ako ay mamatay sa oras na ito.

4 Datapwat kailangan kong tuparin ang mga kautusang iniutos ng Diyos sa akin; at dahil sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan, kayo ay nagagalit sa akin. At muli, dahil sa sinabi ko ang salita ng Diyos, hinatulan ninyo ako na ako ay baliw.

5 Ngayon, ito ay nangyari na matapos sabihin ni Abinadi ang mga salitang ito na ang mga tao ni haring Noe ay hindi nagtangkang hawakan siya ng kanilang mga kamay, sapagkat nasa kanya ang Espiritu ng Panginoon; at ang kanyang mukha ay nagliwanag nang may pambihirang kinang, maging tulad ni Moises habang nasa bundok ng Sinai, habang nakikipag-usap sa Panginoon.

6 At nangusap siya nang may kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos; at ipinagpatuloy niya ang kanyang mga salita, sinasabing:

7 Nakikita ninyong wala kayong kapangyarihan na patayin ako, kaya nga tatapusin ko ang aking mensahe. Oo, at nahihiwatigan kong tumatagos ito sa inyong mga puso dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan hinggil sa inyong mga kasamaan.

8 Oo, at pinupuno kayo ng aking mga salita ng pagkamangha at panggigilalas, at ng galit.

9 Subalit tatapusin ko ang aking mensahe; at pagkatapos ay hindi na mahalaga kung saan ako patutungo, kung mangyayari na ako ay maliligtas.

10 Subalit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, kung ano ang gagawin ninyo sa akin, pagkatapos nito, ay magiging halimbawa at anino ng mga bagay na darating.

11 At ngayon, babasahin ko sa inyo ang nalalabi sa mga kautusan ng Diyos, sapagkat nahihiwatigan kong hindi nakasulat ang mga ito sa inyong mga puso; nahihiwatigan kong nag-aral at nagturo kayo ng kasamaan sa halos buong buhay ninyo.

12 At ngayon, natatandaan ninyong sinabi ko sa inyo: Huwag kayong gagawa sa inyong sarili ng anumang inukit na larawan, o anumang nahahalintulad ng anumang bagay na nasa langit sa taas, o mga yaong nasa lupa sa ilalim, o mga yaong nasa tubig sa ilalim ng lupa.

13 At muli: Huwag kayong yuyukod sa kanila, ni paglingkuran sila; sapagkat ako na Panginoon ninyong Diyos ay selosong Diyos, nagpaparusa sa mga kasamaan ng mga ama sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi nila na napopoot sa akin;

14 At nagpapakita ng awa sa libu-libo sa kanila na nagmamahal sa akin at sumusunod sa aking mga kautusan.

15 Huwag ninyong babanggitin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos sa walang saysay; sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang bumabanggit sa kanyang pangalan nang walang saysay.

16 Alalahanin ang araw ng sabbath upang panatilihing banal ito.

17 Anim na araw kayong gagawa, at gagawin ang lahat ng inyong gawain;

18 Subalit sa ikapitong araw, ang sabbath ng Panginoon ninyong Diyos, huwag kayong gagawa ng anumang gawain, kayo, ni ang inyong anak na lalaki, ni ang inyong anak na babae, ang inyong lalaking tagapagsilbi, ni ang inyong babaeng tagapagsilbi, ni ang inyong baka, ni ang dayuhan na nasa loob ng inyong mga bakuran;

19 Sapagkat sa loob ng anim na araw ay nilikha ng Panginoon ang langit at lupa, at ang dagat, at lahat ng nasasa mga ito; kaya nga, pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinabanal ito.

20 Igalang ang inyong ama at inyong ina, upang maging mahaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinigay ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.

21 Huwag kayong papatay.

22 Huwag kayong makikiapid. Huwag kayong magnanakaw.

23 Huwag kayong sasaksi nang walang katotohanan laban sa inyong kapwa.

24 Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa, huwag ninyong pag-iimbutan ang asawa ng inyong kapwa, ni ang kanyang lalaking tagapagsilbi, ni ang kanyang babaeng tagapagsilbi, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay na pag-aari ng inyong kapwa.

25 At ito ay nangyari na nang matapos si Abinadi sa mga pananalitang ito ay sinabi niya sa kanila: Tinuruan ba ninyo ang mga taong ito na dapat nilang gawin ang lahat ng bagay na ito upang masunod ang mga kautusang yaon?

26 Sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat kung ginawa ninyo ito, hindi na sana pinapangyari ng Panginoon na isugo ako at magpropesiya ng kapahamakan hinggil sa mga taong ito.

27 At ngayon, sinabi ninyo na ang kaligtasan ay darating sa pamamagitan ng batas ni Moises. Sinasabi ko sa inyo na kinakailangang sundin ninyo ang batas ni Moises sa ngayon; subalit sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon na hindi na kakailanganing sundin pa ang batas ni Moises.

28 At bukod doon, sinasabi ko sa inyo, na ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan ng batas lamang; at kung hindi dahil sa pagbabayad-sala, na Diyos na rin ang gagawa para sa mga kasalanan at kasamaan ng kanyang mga tao, ay tiyak na hindi maiiwasan silang masawi, sa kabila ng batas ni Moises.

29 At ngayon, sinasabi ko sa inyo na kinakailangang magkaroon ng batas na maibibigay sa mga anak ni Israel, oo, maging isang napakahigpit na batas; sapagkat sila ay mga taong matitigas ang leeg, mabilis sa paggawa ng kasamaan, at mabagal sa pag-alala sa Panginoon nilang Diyos;

30 Samakatwid, may batas na ibinigay sa kanila, oo, isang batas ng mga gawain at ng mga ordenansa, isang batas na kanilang mahigpit na susundin sa araw-araw, upang mapanatili sila sa pag-alala sa Diyos at sa kanilang tungkulin sa kanya.

31 Subalit dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng bagay na ito ay mga kahalintulad ng mga bagay na darating.

32 At ngayon, nauunawaan ba nila ang batas? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, hindi nila nauunawaan lahat ang batas; at ito ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; sapagkat hindi nila naunawaan na walang sinumang tao ang maliligtas maliban kung ito ay sa pamamagitan ng pagtubos ng Diyos.

33 Sapagkat dinggin, hindi ba’t nagpropesiya si Moises sa kanila hinggil sa pagparito ng Mesiyas, at na tutubusin ng Diyos ang kanyang mga tao? Oo, at maging lahat ng propeta na nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig—hindi ba sila nangusap ng higit-kumulang hinggil sa mga bagay na ito?

34 Hindi ba’t sinabi nila na ang Diyos na rin ang bababa sa mga anak ng tao, at tataglayin niya sa kanyang sarili ang kaanyuan ng tao, at hahayo sa dakilang kapangyarihan sa balat ng lupa?

35 Oo, at hindi ba’t sinabi rin nila na papapangyarihin niya ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at na siya rin ay pagmamalupitan at pahihirapan?