Mga Banal na Kasulatan
Mosias 14


Kabanata 14

Nangusap si Isaias hinggil sa Mesiyas—Itinakda ang paghahamak at mga pagdurusa ng Mesiyas—Ginawa Niyang handog ang Kanyang kaluluwa para sa kasalanan at namagitan para sa mga makasalanan—Ihambing sa Isaias 53. Mga 148 B.C.

1 Oo, hindi ba’t sinabi ni Isaias: Sino ang naniwala sa ating ulat, at kanino ipinakita ang bisig ng Panginoon?

2 Sapagkat siya ay lalaki sa kanyang harapan na tulad ng isang murang halaman, at tulad ng isang ugat mula sa tuyong lupa; wala siyang kaanyuan ni kariktan; at kapag makikita natin siya ay wala siyang kagandahan na maaari nating naisin sa kanya.

3 Siya ay hinamak at itinakwil ng mga tao; isang tao ng kalungkutan, at sanay sa hapis; at tila ikinubli natin ang ating mga mukha mula sa kanya; hinamak siya, at hindi natin siya pinahalagahan.

4 Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan; gayunman ay ipinalagay natin siyang pinarusahan, binagabag ng Diyos, at pinahirapan.

5 Subalit siya ay nasugatan dahil sa ating mga paglabag, siya ay nabugbog dahil sa ating mga kasamaan; ang parusa ng ating kapayapaan ay napasa kanya; at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.

6 Tayong lahat, tulad ng tupa, ay nangaligaw; ang bawat isa sa atin ay nagkani-kanyang landas; at ipinataw ng Panginoon sa kanya ang mga kasalanan nating lahat.

7 Siya ay inapi, at siya ay pinahirapan, gayunman ay hindi niya ibinuka ang kanyang bibig; dinala siya na tulad ng kordero sa katayan, at tulad ng tupa sa harapan ng kanyang mga manggugupit ay pipi kaya’t hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.

8 Siya ay inilabas mula sa bilangguan at mula sa kahatulan; at sino ang maghahayag ng kanyang salinlahi? Sapagkat siya ay inihiwalay palabas ng lupain ng mga buhay; dahil sa mga paglabag ng aking mga tao ay naparusahan siya.

9 At ginawa niya ang kanyang libingan na kasama ng masasama, at kasama ng mayayaman sa kanyang kamatayan; dahil sa wala siyang nagawang masama, ni walang anumang kasinungalingan sa kanyang bibig.

10 Gayunman ay ikinasiya ng Panginoon na mabugbog siya; siya ay inilagay niya sa pagdadalamhati; kapag inyong ginawang handog ang kanyang kaluluwa para sa kasalanan ay makikita niya ang kanyang binhi, pahahabain niya ang kanyang mga araw, at ang kasiyahan ng Panginoon ay uunlad sa kanyang kamay.

11 Makikita niya ang paghihirap ng kanyang kaluluwa, at masisiyahan; sa pamamagitan ng kanyang kaalaman ay mabibigyang-katwiran ng aking matwid na tagapaglingkod ang marami; sapagkat papasanin niya ang kanilang mga kasalanan.

12 Samakatwid, hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at hahatiin niya ang nasamsam na kasama ng malakas; dahil sa ibinuhos niya ang kanyang kaluluwa sa kamatayan; at nabilang siya sa mga makasalanan; at pinasan niya ang mga kasalanan ng marami, at namagitan sa mga makasalanan.