Mga Banal na Kasulatan
Mosias 17


Kabanata 17

Si Alma ay naniwala at isinulat ang mga salita ni Abinadi—Nagdanas si Abinadi ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy—Kanyang ipinropesiya ang sakit at kamatayan sa pamamagitan ng apoy sa mga pumaslang sa kanya. Mga 148 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na nang matapos si Abinadi sa mga pananalitang ito, na ang hari ay nag-utos na nararapat siyang dakpin ng mga saserdote at nag-utos na siya ay patayin.

2 Ngunit may isa sa kanila na ang pangalan ay Alma, siya na isa ring inapo ni Nephi. At siya ay isang kabataang lalaki, at pinaniwalaan niya ang mga salitang sinabi ni Abinadi, sapagkat alam niya ang hinggil sa kasamaan na pinatotohanan ni Abinadi laban sa kanila; kaya nga, siya ay nagsimulang magmakaawa sa hari na huwag siyang magalit kay Abinadi, kundi pahintulutan siyang lumisan nang mapayapa.

3 Ngunit ang hari ay lalong napoot, at iniutos na si Alma ay palayasin sa kanila, at isinugo ang kanyang mga tagapagsilbi na sundan siya upang siya ay kanilang patayin.

4 Ngunit siya ay tumakas mula sa harapan nila at itinago ang kanyang sarili kung kaya’t hindi nila siya natagpuan. At siya na nagtatago ng maraming araw ay isinulat ang lahat ng salitang sinabi ni Abinadi.

5 At ito ay nangyari na iniutos ng hari na paligiran si Abinadi ng kanyang mga tanod at dakpin siya; at siya ay kanilang iginapos at itinapon siya sa bilangguan.

6 At pagkatapos ng tatlong araw, matapos na makipagsanggunian sa kanyang mga saserdote, iniutos niya na siya ay muling dalhin sa harapan niya.

7 At sinabi niya sa kanya: Abinadi, kami ay nakahanap ng maipararatang laban sa iyo, at ikaw ay karapat-dapat sa kamatayan.

8 Sapagkat iyong sinabi na ang Diyos na rin ang bababa sa mga anak ng tao; at ngayon, sa dahilang ito ay mamamatay ka maliban kung babawiin mo ang lahat ng salitang masasama na iyong sinabi hinggil sa akin at sa aking mga tao.

9 Ngayon, sinabi sa kanya ni Abinadi: Sinasabi ko sa inyo, hindi ko babawiin ang mga salitang aking sinabi sa inyo hinggil sa mga taong ito, sapagkat ang mga yaon ay totoo; at nang malaman ninyo ang kanilang katiyakan, hinayaan ko na ang aking sarili ay mahulog sa inyong mga kamay.

10 Oo, at magdurusa ako maging hanggang kamatayan, at hindi ko babawiin ang aking mga salita, at ang mga yaon ay tatayo bilang patotoo laban sa inyo. At kung papatayin ninyo ako, kayo ay magpapadanak ng dugo ng isang walang sala, at ito ay tatayo rin bilang patotoo laban sa inyo sa huling araw.

11 At ngayon, si haring Noe ay pakakawalan na sana siya, sapagkat siya ay natakot sa kanyang salita; sapagkat siya ay natakot na sumapit sa kanya ang mga kahatulan ng Diyos.

12 Ngunit ang mga saserdote ay nagtaas ng kanilang mga tinig laban sa kanya, at nagsimula siyang paratangan, sinasabing: Kanyang nilait ang hari. Kaya nga, ang hari ay nag-init sa galit laban sa kanya, at siya ay ibinigay sa kanila upang patayin siya.

13 At ito ay nangyari na kanilang kinuha siya at iginapos, at sinilaban ang kanyang balat gamit ang mga kahoy na panggatong, oo, maging hanggang sa kamatayan.

14 At ngayon, nang nagsimula siyang pasuin ng mga ningas, siya ay sumigaw sa kanila, sinasabing:

15 Dinggin, maging katulad ng ginawa ninyo sa akin, gayundin ay mangyayari na ang inyong mga binhi ang magiging dahilan upang marami ang magdanas ng sakit na aking dinaranas, maging ang sakit ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy; at ito ay dahil sa naniniwala sila sa pagliligtas ng Panginoon nilang Diyos.

16 At ito ay mangyayari na pahihirapan kayo ng lahat ng uri ng sakit dahil sa inyong mga kasamaan.

17 Oo, at kayo ay babagabagin sa bawat kamay, at itataboy at ikakalat doon at dito, katulad ng isang mailap na kawan na itinataboy ng mababangis at mababagsik na hayop.

18 At sa araw na yaon ay tutugisin kayo, at kayo ay darakpin ng kamay ng inyong mga kaaway, at sa gayon kayo magdurusa, katulad ng aking pagdurusa, ang sakit ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy.

19 Sa gayon magsasagawa ang Diyos ng paghihiganti sa kanila na lumilipol sa kanyang mga tao. O Diyos, tanggapin ang aking kaluluwa.

20 At ngayon, nang sabihin ni Abinadi ang mga salitang ito, siya ay namatay, na nagdanas ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy; oo, pinatay nang dahil sa hindi niya itinanggi ang mga kautusan ng Diyos, matapos pagtibayin ang katotohanan ng kanyang mga salita sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.