Mga Banal na Kasulatan
Mosias 18


Kabanata 18

Si Alma ay lihim na nangaral—Kanyang itinakda ang tipan ng pagbibinyag at nagbinyag sa mga tubig ng Mormon—Kanyang itinatag ang Simbahan ni Cristo at nag-orden ng mga saserdote—Tinustusan nila ang kanilang sarili at tinuruan ang mga tao—Si Alma at ang kanyang mga tao ay tumakas mula kay Haring Noe patungo sa ilang. Mga 147–145 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na si Alma, na nakatakas mula sa mga tagapagsilbi ni haring Noe, ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan at kasamaan, at humayo nang palihim sa mga tao, at nagsimulang ituro ang mga salita ni Abinadi—

2 Oo, hinggil sa yaong magaganap, at hinggil din sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at sa pagtubos sa mga tao, na maisasakatuparan sa pamamagitan ng kapangyarihan, at mga pagdurusa, at kamatayan ni Cristo, at sa kanyang pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat sa langit.

3 At kasindami ng nakikinig sa kanyang salita ang tinuruan niya. At kanya silang tinuruan nang palihim, upang ito ay hindi makarating sa kaalaman ng hari. At marami ang naniwala sa kanyang mga salita.

4 At ito ay nangyari na kasindami ng naniwala sa kanya ang nagsitungo sa isang lugar na tinawag na Mormon, matapos tanggapin ang pangalang iyon mula sa hari, na nasa mga hangganan ng lupain na may mga panahon o pagkakataong pinamumugaran ng mababangis na hayop.

5 Ngayon, sa Mormon ay may isang bukal ng dalisay na tubig, at dito nagtungo si Alma, doon na malapit ang tubig sa kasukalan ng maliliit na puno, kung saan niya itinatago ang sarili sa araw mula sa paghahanap ng hari.

6 At ito ay nangyari na kasindami ng naniwala sa kanya ang nagtungo roon upang makinig sa kanyang mga salita.

7 At ito ay nangyari na matapos ang maraming araw, may marami-raming bilang ang nagtipong magkakasama sa lugar ng Mormon, upang pakinggan ang mga salita ni Alma. Oo, sama-samang nagtipong lahat ang naniwala sa kanyang salita, upang makinig sa kanya. At sila ay tinuruan niya, at ipinangaral sa kanila ang pagsisisi, at pagtubos, at pananampalataya sa Panginoon.

8 At ito ay nangyari na kanyang sinabi sa kanila: Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon (sapagkat gayon ang itinawag sa mga yaon) at ngayon, yamang kayo ay nagnanais na mabilang sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;

9 Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aluin ang mga yaong nangangailangan ng pag-alo, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng dako kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—

10 Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang pagnanais ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay papasok sa isang tipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang maibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?

11 At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito, ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at ibinulalas: Ito ang pagnanais ng aming mga puso.

12 At ngayon, ito ay nangyari na inakay ni Alma si Helam, siya na isa sa nauna, at nagtungo at tumayo sa tubig, at nagsumamo, sinasabing: O Panginoon, ibuhos ninyo ang inyong Espiritu sa inyong tagapaglingkod, nang kanyang magawa ang gawaing ito nang may kabanalan ng puso.

13 At nang sabihin niya ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanya, at kanyang sinabi: Helam, binibinyagan kita, bilang may karapatan mula sa Pinakamakapangyarihang Diyos, bilang patotoo na ikaw ay nakikipagtipang maglilingkod sa kanya hanggang sa ikaw ay mamatay alinsunod sa katawang mortal; at nawa ay ibuhos ang Espiritu ng Panginoon sa iyo; at nawa ay igawad niya sa iyo ang buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo, na kanyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.

14 At matapos sabihin ni Alma ang mga salitang ito, kapwa sina Alma at Helam ay lumubog sa tubig; at sila ay tumayo at umahon mula sa tubig na nagagalak, sapagkat napuspos ng Espiritu.

15 At muli, inakay ni Alma ang isa pa, at nagtungo sa ikalawang pagkakataon sa tubig, at bininyagan siya alinsunod sa nauna, lamang ay hindi niya inilubog na muli ang kanyang sarili sa tubig.

16 At sa ganitong pamamaraan kanyang bininyagan ang bawat isa na nagtungo sa lugar ng Mormon; at sila ay may bilang na mga dalawang daan at apat na katao; oo, at sila ay bininyagan sa mga tubig ng Mormon, at napuspos ng biyaya ng Diyos.

17 At sila ay tinawag na simbahan ng Diyos, o ang simbahan ni Cristo, mula sa panahong yaon. At ito ay nangyari na sinuman ang nabinyagan sa pamamagitan ng kapangyarihan at karapatan ng Diyos ay idinagdag sa kanyang simbahan.

18 At ito ay nangyari na si Alma, sapagkat may karapatan mula sa Diyos, ay nag-orden ng mga saserdote; maging isang saserdote sa bawat limampu ng kanilang bilang ay kanyang inordenan na mangaral sa kanila, at na turuan sila ng hinggil sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.

19 At sila ay inutusan niya na wala silang dapat ituro maliban sa mga bagay na kanyang itinuro, at na sinabi ng bibig ng mga banal na propeta.

20 Oo, maging iniutos niya sa kanila na wala silang dapat ipangaral maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon, na siyang tumubos sa kanyang mga tao.

21 At sila ay inutusan niya na hindi nararapat na magkaroon ng pakikipag-alitan sa isa’t isa, sa halip ay tumingin sila sa hinaharap nang may iisang paningin, na may iisang pananampalataya at iisang binyag, na nakahabi ang kanilang mga puso nang magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.

22 At sa gayon niya sila inutusang mangaral. At sa gayon sila naging mga anak ng Diyos.

23 At sila ay inutusan niya na nararapat nilang igalang ang araw ng sabbath, at ito ay panatilihing banal, at gayundin, bawat araw ay nararapat silang magbigay-pasalamat sa Panginoon nilang Diyos.

24 At sila ay kanya ring inutusan na ang mga saserdote na kanyang inordenan ay nararapat na gumawa sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay para sa kanilang panustos.

25 At may isang araw na itinakda sa bawat linggo na nararapat silang magtipun-tipong magkakasama upang turuan ang mga tao, at upang sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at gayundin, kasindalas ng kanilang makakayanan, upang tipunin ang kanilang sarili nang magkakasama.

26 At ang mga saserdote ay hindi dapat umasa sa mga tao para sa kanilang panustos; kundi sa kanilang gawain ay tatanggap sila ng biyaya ng Diyos, upang sila ay lumakas sa Espiritu, na may kaalaman tungkol sa Diyos, nang sila ay makapagturo nang may kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos.

27 At muli, iniutos ni Alma na ang mga tao ng simbahan ay nararapat magbahagi ng kanilang kabuhayan, bawat isa alinsunod sa kung ano ang mayroon siya; kung higit siyang nakasasagana ay nararapat siyang magbahagi nang higit na sagana; at siya na mayroon lamang nang kakaunti, kaunti lamang ang hinihingi; at siya na wala ay nararapat na bigyan.

28 At sa gayon dapat na magbahagi sila ng kanilang kabuhayan nang bukal sa kanilang sariling kalooban at mabubuting hangarin sa Diyos, at sa mga yaong saserdote na nangangailangan, oo, at sa bawat hubad at nangangailangang tao.

29 At ito ay sinabi niya sa kanila, bilang inutusan ng Diyos; at sila ay lumakad nang matwid sa harapan ng Diyos, nagbabahagi sa isa’t isa kapwa pang-temporal at pang-espirituwal alinsunod sa kanilang mga pangangailangan at kanilang mga kakulangan.

30 At ngayon, ito ay nangyari na naganap ang lahat ng ito sa Mormon, oo, sa mga tubig ng Mormon, sa kagubatan na malapit sa mga tubig ng Mormon; oo, ang lugar ng Mormon, ang mga tubig ng Mormon, ang kagubatan ng Mormon, anong ganda nito sa mga mata nila na nakarating sa kaalaman ng kanilang Manunubos, oo, at gaano sila pinagpala, sapagkat sila ay aawit ng papuri sa kanya magpakailanman.

31 At ang mga bagay na ito ay naganap sa mga hangganan ng lupain, upang ang mga yaon ay hindi makarating sa kaalaman ng hari.

32 Ngunit dinggin, ito ay nangyari na ang hari, sapagkat natuklasan ang isang kilusan sa mga tao, ay nagsugo ng kanyang mga tagapagsilbi upang manmanan sila. Samakatwid, sa araw na sila ay nagtitipong magkakasama upang makinig sa salita ng Panginoon ay natuklasan sila ng hari.

33 At ngayon, sinabi ng hari na pinupukaw ni Alma ang mga tao na maghimagsik laban sa kanya; kaya nga, ipinadala niya ang kanyang hukbo upang sila ay lipulin.

34 At ito ay nangyari na binigyang-babala si Alma at ang mga tao ng Panginoon tungkol sa pagdating ng hukbo ng hari; kaya nga, dinala nila ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga mag-anak at lumisan patungo sa ilang.

35 At sila ay may bilang na mga apat na raan at limampung katao.