Kabanata 19
Hinangad ni Gedeon na patayin si Haring Noe—Sinalakay ng mga Lamanita ang lupain—Dumanas si Haring Noe ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy—Namahala si Limhi bilang isang haring nagbabayad ng buwis. Mga 145–121 B.C.
1 At ito ay nangyari na bumalik ang hukbo ng hari, na walang saysay na naghanap sa mga tao ng Panginoon.
2 At ngayon, dinggin, ang hukbo ng hari ay maliit, sapagkat nabawasan, at nagsimulang magkaroon ng pagkakahati-hati sa mga taong nalalabi.
3 At ang mas kakaunting bahagi ay nagsimulang mangusap ng pagbabanta laban sa hari, at nagsimulang magkaroon ng malaking alitan sa kanila.
4 At ngayon, may isang lalaki sa kanila na ang pangalan ay Gedeon, at siya ay isang malakas na lalaki at kaaway ng hari, kaya nga, hinugot niya ang kanyang espada, at sumumpa sa kanyang kapootan na papatayin niya ang hari.
5 At ito ay nangyari na nakipaglaban siya sa hari; at nang nakita ng hari na malapit na siyang madaig nito, tumakas siya at tumakbo at nakarating sa tore na malapit sa templo.
6 At tinugis siya ni Gedeon at paroroon na sa tore upang patayin ang hari, at inilibot ng hari ang kanyang mga paningin sa paligid sa may dakong lupain ng Semlon, at dinggin, nasa mga hangganan na ng lupain ang hukbo ng mga Lamanita.
7 At ngayon, ang hari ay nagsumamo sa pagdadalamhati ng kanyang kaluluwa, sinasabing: Gedeon, kaawaan ako, sapagkat ang mga Lamanita ay sumasalakay sa atin, at kanila tayong lilipulin; oo, lilipulin nila ang aking mga tao.
8 At ngayon, ang hari ay hindi gaanong nag-aalala sa kanyang mga tao na tulad sa kanyang sariling buhay; gayunpaman, hindi kinitil ni Gedeon ang kanyang buhay.
9 At inutusan ng hari ang mga tao na magsitakas mula sa mga Lamanita, at siya na rin ang nanguna sa kanila, at tumakas sila patungo sa ilang, kasama ang kanilang kababaihan at ang kanilang mga anak.
10 At ito ay nangyari na tinugis sila ng mga Lamanita, at inabutan sila, at nagsimulang patayin sila.
11 Ngayon, ito ay nangyari na nag-utos sa kanila ang hari na nararapat iwan ng lahat ng kalalakihan ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at magsitakas mula sa mga Lamanita.
12 Ngayon, marami ang tumangging iwan sila, kundi minabuting manatili at masawing kasama nila. At iniwan ng mga nalalabi ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak at nagsitakas.
13 At ito ay nangyari na inutusan ng mga yaong nanatiling kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ang kanilang magagandang anak na babae na humarap at magmakaawa sa mga Lamanita na huwag silang patayin.
14 At ito ay nangyari na nahabag sa kanila ang mga Lamanita, sapagkat sila ay nahalina sa kagandahan ng kababaihan nila.
15 Samakatwid, ang mga buhay nila ay hindi kinitil ng mga Lamanita, at dinala silang mga bihag at ibinalik sila sa lupain ng Nephi, at pinahintulutan sila na maangkin nila ang lupain, sa ilalim ng kasunduan na kanilang ibibigay si haring Noe sa mga kamay ng mga Lamanita, at ibibigay ang kanilang mga ari-arian, maging kalahati ng lahat ng kanilang pag-aari, kalahati ng kanilang ginto, at kanilang pilak, at lahat ng kanilang mahahalagang bagay, at sa gayon sila nararapat na magbayad ng buwis sa hari ng mga Lamanita taun-taon.
16 At ngayon, may isa sa mga anak na lalaki ng hari ang nakabilang sa mga yaong nadalang bihag, na ang pangalan ay Limhi.
17 At ngayon, ninais ni Limhi na ang kanyang ama ay hindi mamatay; gayunpaman, hindi kaila ang mga kasamaan ng kanyang ama kay Limhi, siya rin na isang matwid na lalaki.
18 At ito ay nangyari na lihim na nagpadala si Gedeon ng mga tauhan sa ilang, upang hanapin ang hari at ang mga yaong kasama niya. At ito ay nangyari na nakatagpo nila sa ilang ang mga tao, lahat maliban sa hari at sa kanyang mga saserdote.
19 Ngayon, sila ay nangako sa kanilang mga puso na magbabalik sila sa lupain ng Nephi, at kung ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ay napatay, at gayundin ang mga yaong sumama sa kanila, sila ay maghahangad na maghiganti, at masawi rin na tulad nila.
20 At inutusan sila ng hari na hindi sila dapat magbalik; at sila ay nagalit sa hari, at pinangyari na siya ay magdusa, maging ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy.
21 At darakpin na rin sana nila ang mga saserdote at sila ay papatayin, at sila ay nagsitakas mula sa harapan nila.
22 At ito ay nangyari na pabalik na sila sa lupain ng Nephi, at nakatagpo nila ang mga tauhan ni Gedeon. At ipinaalam sa kanila ng mga tauhan ni Gedeon ang lahat ng nangyari sa kanilang mga asawa at kanilang mga anak; at na pinahintulutan sila ng mga Lamanita na maangkin nila ang lupain sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis sa mga Lamanita ng kalahati ng kanilang mga pag-aari.
23 At sinabi ng mga tao sa mga tauhan ni Gedeon na kanilang pinatay ang hari, at ang kanyang mga saserdote ay nagsitakas mula sa kanila papalayo patungo sa ilang.
24 At ito ay nangyari na matapos silang tumigil sa pagdiriwang, na nagbalik sila sa lupain ng Nephi, na nagsasaya, sapagkat ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak ay hindi napatay; at sinabi nila kay Gedeon kung ano ang kanilang ginawa sa hari.
25 At ito ay nangyari na nanumpa sa kanila ang hari ng mga Lamanita, na hindi sila papatayin ng kanyang mga tao.
26 At gayundin si Limhi, na siyang anak ng hari, na ginawaran ng kaharian ng mga tao, ay nanumpa sa hari ng mga Lamanita na magbabayad ng buwis sa kanya ang kanyang mga tao, maging kalahati ng lahat ng kanilang pag-aari.
27 At ito ay nangyari na sinimulang patatagin ni Limhi ang kaharian at ipalaganap ang kapayapaan sa kanyang mga tao.
28 At ang hari ng mga Lamanita ay naglagay ng mga bantay sa palibot ng lupain, upang kanyang mapanatili ang mga tao ni Limhi sa lupain, upang hindi sila makalisan patungo sa ilang; at tinustusan niya ang kanyang mga bantay mula sa buwis na tinatanggap niya mula sa mga Nephita.
29 At ngayon, si haring Limhi ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa kanyang kaharian sa loob ng dalawang taon, na hindi sila binagabag ng mga Lamanita ni hinangad na lipulin sila.