Ang Aklat ni Mosias
Kabanata 1
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak na lalaki ang wika at mga propesiya ng kanilang mga ama—Ang kanilang relihiyon at kabihasnan ay napangalagaan dahil sa mga talang naingatan sa iba’t ibang lamina—Si Mosias ay pinili na maging hari at ibinigay sa kanya ang pangangalaga sa mga talaan at iba pang bagay. Mga 130–124 B.C.
1 At ngayon, wala nang alitan sa buong lupain ng Zarahemla, sa lahat ng taong nabibilang kay haring Benjamin, kung kaya’t si haring Benjamin ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa lahat ng nalalabi niyang mga araw.
2 At ito ay nangyari na nagkaroon siya ng tatlong anak na lalaki; at tinawag niya ang kanilang mga pangalang Mosias, at Helorum, at Helaman. At kanyang pinaturuan sila ng lahat ng wika ng kanyang mga ama, nang sa gayon sila ay maging mga lalaking may pang-unawa; at upang kanilang malaman ang hinggil sa mga propesiyang sinabi ng mga bibig ng kanilang mga ama, na ibinigay sa kanila ng kamay ng Panginoon.
3 At kanya ring itinuro sa kanila ang hinggil sa mga talang nauukit sa mga laminang tanso, sinasabing: Aking mga anak, nais kong inyong pakatandaan na kung hindi sa mga laminang ito, na naglalaman ng mga talang ito at ng mga kautusang ito, nagdusa na marahil tayo sa kamangmangan, maging hanggang sa ngayon, hindi nalalaman ang mga hiwaga ng Diyos.
4 Sapagkat hindi maaari na ang ating amang si Lehi ay maalala ang lahat ng bagay na ito, upang maituro ang mga yaon sa kanyang mga anak, kung hindi dahil sa tulong ng mga laminang ito; sapagkat siya na naturuan sa wika ng mga taga-Egipto kaya nga magagawa niyang basahin ang mga nakaukit na ito, at ituro ang mga yaon sa kanyang mga anak, nang sa gayon ay maituro nila ang mga yaon sa kanilang mga anak, at sa gayon naisasakatuparan ang mga kautusan ng Diyos, maging hanggang sa panahong ito.
5 Sinasabi ko sa inyo, aking mga anak, kung hindi dahil sa mga bagay na ito, na naingatan at napangalagaan ng kamay ng Diyos, upang ating mabasa at maunawaan ang kanyang mga hiwaga, at panatilihin tuwina ang kanyang mga kautusan sa harapan ng ating mga mata, na maging ang ating mga ama ay nanghina marahil sa kawalang-paniniwala, at marahil tayo ay natulad na rin sa ating mga kapatid, ang mga Lamanita, na walang nalalaman hinggil sa mga bagay na ito, o maging sa hindi maniniwala sa mga yaon kapag itinuro ang mga yaon sa kanila, dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, na hindi tama.
6 O aking mga anak, nais kong inyong pakatandaan na ang mga salitang ito ay totoo, at na ang mga talaang ito ay totoo rin. At dinggin, maging ang mga lamina ni Nephi, na naglalaman ng mga tala at ng mga salita ng ating mga ama mula sa panahong nilisan nila ang Jerusalem hanggang sa ngayon, at ang mga ito ay totoo; at nalalaman natin ang kanilang katiyakan sapagkat namamalas ang mga ito ng ating mga mata.
7 At ngayon, aking mga anak, nais kong inyong pakatandaan na masigasig na saliksikin ang mga yaon, nang sa gayon kayo ay makinabang dito; at nais kong inyong sundin ang mga kautusan ng Diyos, upang umunlad kayo sa lupain alinsunod sa mga ginawang pangako ng Panginoon sa ating mga ama.
8 At marami pang bagay ang itinuro ni haring Benjamin sa kanyang mga anak, na hindi nasusulat sa aklat na ito.
9 At ito ay nangyari na nang matapos si haring Benjamin ng pagtuturo sa kanyang mga anak, na tumanda na siya, at kanyang napagtanto na siya ay nalalapit nang yumaon sa lakad ng buong lupa; kaya nga, ipinalagay niyang kinakailangan na niyang igawad ang kaharian sa isa sa kanyang mga anak.
10 Samakatwid, ipinatawag niya sa kanyang harapan si Mosias; at ito ang mga salitang sinabi niya sa kanya, sinasabing: Anak ko, nais kong gumawa ka ng pagpapahayag sa lahat ng dako ng lupaing ito sa lahat ng taong ito, o sa mga tao ni Zarahemla, at sa mga tao ni Mosias na nananahan sa lupain, nang sa gayon ay sama-sama silang magtipon; sapagkat kinabukasan ay ipapahayag ko sa mga tao kong ito mula sa sarili kong bibig na ikaw ang hari at tagapamahala ng mga taong ito, na ipinagkatiwala ng Panginoong Diyos sa atin.
11 At bukod doon, bibigyan ko ng pangalan ang mga taong ito, nang sa gayon ay makilala sila nang higit sa lahat ng tao na inilabas ng Panginoong Diyos mula sa lupain ng Jerusalem; at gagawin ko ito sapagkat sila ay naging masisigasig na tao sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon.
12 At aking ibibigay sa kanila ang isang pangalan na kailanman ay hindi mabubura, maliban na lamang kung dahil sa paglabag.
13 Oo, at bukod doon, sinasabi ko sa iyo, na kung ang mga taong ito na labis na pinagpala ng Panginoon ay mahuhulog sa paglabag, at maging masasama at mga taong mapang-apid, hahayaan sila ng Panginoon, kung kaya’t magiging mahina sila na tulad ng kanilang mga kapatid; at hindi na niya sila pangangalagaan pa sa pamamagitan ng kanyang walang kapantay at kagila-gilalas na kapangyarihan, tulad ng pangangalaga niya sa ating mga ama hanggang sa ngayon.
14 Sapagkat sinasabi ko sa iyo, na kung hindi niya iniunat ang kanyang bisig sa pangangalaga sa ating mga ama, sila ay tiyak na nahulog sa mga kamay ng mga Lamanita, at naging mga biktima ng kanilang pagkapoot.
15 At ito ay nangyari na nang matapos si haring Benjamin sa pagsasalitang ito sa kanyang anak, na kanyang binigyan siya ng tagubilin hinggil sa lahat ng gawain sa kaharian.
16 At bukod doon, kanyang binigyan din siya ng tagubilin hinggil sa mga talang nakaukit sa mga laminang tanso; at sa mga lamina rin ni Nephi; at gayundin, sa espada ni Laban, at sa bola o aguhon, na pumatnubay sa aming mga ama sa ilang, na inihanda ng kamay ng Panginoon nang sa gayon sila ay mapatnubayan, bawat isa alinsunod sa pakikinig at pagsusumigasig na kanilang ibinibigay sa kanya.
17 Samakatwid, dahil sa hindi sila naging matapat, hindi sila umunlad ni sumulong sa kanilang paglalakbay, kundi itinaboy pabalik, at sumapit ang galit ng Diyos sa kanila; at kaya nga, pinarusahan sila sa pamamagitan ng taggutom at masidhing paghihirap, upang pukawin sila sa pag-alala ng kanilang tungkulin.
18 At ngayon, ito ay nangyari na humayo at ginawa ni Mosias ang ipinag-utos sa kanya ng kanyang ama, at nagpahayag sa lahat ng tao na nasa lupain ng Zarahemla nang sa gayon ay sama-sama nilang matipon ang kanilang sarili, upang umahon sa templo nang mapakinggan ang mga salitang sasabihin ng kanyang ama sa kanila.