Kabanata 20
Dinukot ng mga saserdote ni Noe ang ilan sa mga anak na babae ng mga Lamanita—Ang mga Lamanita ay nakipagdigma kay Limhi at sa kanyang mga tao—Ang mga hukbong Lamanita ay napaurong at napapayapa. Mga 145–123 B.C.
1 Ngayon, may isang lugar sa Semlon kung saan ang mga anak na babae ng mga Lamanita ay tinitipon ang kanilang sarili na magkakasama upang umawit, at upang sumayaw, at upang pasayahin ang kanilang sarili.
2 At ito ay nangyari na isang araw, may maliit na bilang nila ang nagtipong magkakasama upang umawit at sumayaw.
3 At ngayon, ang mga saserdote ni haring Noe, na nangahihiya nang bumalik sa lungsod ng Nephi, oo, at natatakot din na baka sila patayin ng mga tao, kaya nga, sila ay hindi nangahas bumalik sa kanilang mga asawa at kanilang mga anak.
4 At sa pamamalagi sa ilang, at sa pagkakatuklas sa mga anak na babae ng mga Lamanita, sila ay nagsitago at pinagmasdan sila;
5 At nang kakaunti na lamang sila na sama-samang nagtipon upang magsayawan, sila ay lumabas mula sa kanilang mga lihim na taguan at dinukot sila at tinangay sila patungo sa ilang; oo, dalawampu’t apat sa mga anak na babae ng mga Lamanita ang kanilang tinangay sa ilang.
6 At ito ay nangyari na nang matuklasan ng mga Lamanita na nawawala ang kanilang mga anak na babae, nagalit sila sa mga tao ni Limhi, sapagkat inakala nilang kagagawan ito ng mga tao ni Limhi.
7 Samakatwid, ipinadala nila ang kanilang mga hukbo; oo, maging ang hari na rin ang nanguna sa kanyang mga tao; at umahon sila sa lupain ng Nephi upang lipulin ang mga tao ni Limhi.
8 At ngayon, natuklasan sila ni Limhi mula sa tore, maging lahat ng kanilang mga paghahanda sa pakikidigma ay kanyang natuklasan; kaya nga, kinalap niya ang kanyang mga tao, at nag-abang sa kanila sa kabukiran at sa kagubatan.
9 At ito ay nangyari na nang dumating ang mga Lamanita, ang mga tao ni Limhi ay nagsimulang sumalakay mula sa kanilang mga lugar na pinag-aabangan, at nagsimulang patayin sila.
10 At ito ay nangyari na naging labis na malubha ang labanan, sapagkat naglaban sila nang tulad ng mga leon para sa kanilang biktima.
11 At ito ay nangyari na nagsimulang maitaboy ng mga tao ni Limhi ang mga Lamanita mula sa harapan nila; gayunman, wala sila sa kalahati ng dami ng mga Lamanita. Subalit nakipaglaban sila para sa kanilang mga buhay, at para sa kanilang mga asawa, at para sa kanilang mga anak; kaya nga, nagsumikap sila at nakipaglaban na tulad ng mga dragon.
12 At ito ay nangyari na natagpuan nila ang hari ng mga Lamanita sa bilang ng kanilang mga patay; gayunpaman, siya ay hindi patay, nasugatan lamang at naiwan sa lupa, napakabilis ng naging pagtakas ng kanyang mga tao.
13 At kanilang kinuha siya at binendahan ang kanyang mga sugat, at dinala siya sa harapan ni Limhi, at sinabi: Masdan, narito ang hari ng mga Lamanita; siya na nagtamo ng sugat ay nabuwal sa kanilang mga patay, at kanilang iniwan siya; at masdan, dinala namin siya sa inyong harapan; at ngayon, atin siyang patayin.
14 Subalit sinabi sa kanila ni Limhi: Hindi ninyo siya papatayin, kundi ilapit siya rito upang makaharap ko siya. At kanilang inilapit siya. At sinabi sa kanya ni Limhi: Ano po ang dahilan na nakidigma kayo laban sa mga tao ko? Dinggin, hindi po sinira ng mga tao ko ang sumpang aking ginawa sa inyo; kaya nga, bakit po ninyo kailangang sirain ang sumpang inyong ginawa sa aking mga tao?
15 At ngayon, sinabi ng hari: Sinira ko ang sumpa sapagkat tinangay ng iyong mga tao ang mga anak na babae ng aking mga tao; kaya nga, sa aking galit ay iniutos ko na makidigma ang aking mga tao laban sa iyong mga tao.
16 At ngayon, si Limhi ay walang nalalaman hinggil sa bagay na ito; kaya nga, kanyang sinabi: Maghahanap ako sa aking mga tao, at sinuman ang gumawa ng bagay na ito ay masasawi. Samakatwid, iniutos niyang magkaroon ng paghahanap sa kanyang mga tao.
17 Ngayon, nang marinig ni Gedeon ang mga bagay na ito, siya na kapitan ng hari, nagsadya siya at sinabi sa hari: Isinasamo ko po sa inyo na magpakahinahon, at huwag hanapan ang mga taong ito, at huwag pong iparatang ang bagay na ito sa kanila.
18 Sapagkat hindi po ba ninyo naaalala ang mga saserdote ng inyong ama, sila na pinaghangarang lipulin ng mga taong ito? At hindi po ba’t nasa ilang sila? At hindi po kaya sila ang mga yaong dumukot sa mga anak na babae ng mga Lamanita?
19 At ngayon, dinggin, at sabihin po sa hari ang mga bagay na ito upang masabi niya sa kanyang mga tao nang mapapayapa sila sa atin; sapagkat dinggin, naghahanda na po sila na sumalakay sa atin; at dinggin din, kakaunti na lamang po tayo.
20 At dinggin, darating po silang kasama ang kanilang napakalaking hukbo; at maliban kung mapapayapa sila ng hari sa atin, tayo po ay tiyak na masasawi.
21 Sapagkat hindi po ba’t natupad na ang mga salita ni Abinadi, na kanyang ipinropesiya laban sa atin—at lahat po ng ito ay dahil ayaw nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, at talikuran ang ating mga kasamaan?
22 At ngayon, ating papayapain ang hari, at ating tutuparin ang sumpang ating ginawa sa kanya; sapagkat higit na mabuti po na tayo ay nasa pagkaalipin kaysa sa mawalan tayo ng ating mga buhay; kaya nga, ating itigil ang pagdanak ng maraming dugo.
23 At ngayon, sinabi ni Limhi sa hari ang lahat ng bagay hinggil sa kanyang ama, at sa mga saserdoteng nagsitakas sa ilang, at ipinalagay ang pagkakatangay ng kanilang mga anak sa kanila.
24 At ito ay nangyari na napapayapa ang hari sa kanyang mga tao; at kanyang sinabi sa kanila: Tayo nang humayo upang salubungin ang aking mga tao, nang walang sandata; at ipinangangako ko sa inyo lakip ang isang sumpa na hindi papatayin ng aking mga tao ang inyong mga tao.
25 At ito ay nangyari na sinunod nila ang hari, at humayo upang salubungin ang mga Lamanita nang walang sandata. At ito ay nangyari na kanilang sinalubong ang mga Lamanita; at ang hari ng mga Lamanita ay yumukod sa kanilang harapan, at nagmakaawa para sa kapakanan ng mga tao ni Limhi.
26 At nang makita ng mga Lamanita ang mga tao ni Limhi, na wala silang dalang mga sandata, nahabag sila sa kanila at napapayapa sila, at bumalik nang mapayapa kasama ang kanilang hari sa sarili nilang lupain.