Kabanata 22
Gumawa ng mga plano upang makatakas ang mga tao mula sa pang-aalipin ng mga Lamanita—Nilango ang mga Lamanita—Ang mga tao ay tumakas, bumalik sa Zarahemla, at naging mga sakop ni Haring Mosias. Mga 121–120 B.C.
1 At ngayon, ito ay nangyari na nagsimula sina Ammon at haring Limhi na makipagsanggunian sa mga tao kung paano nila mapalalaya ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin; at sa katunayan, kanilang iniutos na tipunin nang sama-sama ng lahat ng tao ang kanilang sarili; at ginawa nila ito upang makuha nila ang tinig ng mga tao hinggil sa paksa.
2 At ito ay nangyari na wala silang makitang paraan upang mapalaya ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin, maliban sa dalhin ang kanilang kababaihan at mga anak, at ang kanilang mga kawan ng tupa, at kanilang mga kawan ng baka, at kanilang mga tolda, at lumisan patungo sa ilang; sapagkat lubhang napakarami ng mga Lamanita, na hindi maaari para sa mga tao ni Limhi na makipaglaban sa kanila, iniisip na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin sa pamamagitan ng espada.
3 Ngayon, ito ay nangyari na humayo si Gedeon at tumindig sa harapan ng hari, at sinabi sa kanya: Ngayon, O hari, kayo po ay nakinig sa aking mga salita nang maraming ulit noong nakikipaglaban tayo sa ating mga kapatid, ang mga Lamanita.
4 At ngayon, O hari, kung hindi po ninyo ipinalalagay na ako ay isang hindi kapaki-pakinabang na tagapagsilbi, o kung hanggang sa ngayon po ay nakikinig kayo sa aking mga salita kahit paano, at ang mga ito ay naging kapaki-pakinabang po sa inyo, gayunpaman, hinihiling kong makinig po kayo sa aking mga salita ngayon, at ako po ay inyong magiging tagapagsilbi at palalayain ang mga taong ito mula sa pagkaalipin.
5 At pinahintulutan siya ng hari na makapagsalita. At sinabi sa kanya ni Gedeon:
6 Dinggin, ang daan po sa likuran, palabas ng pader sa likod, sa gilid ng likuran ng lungsod. Ang mga Lamanita, o ang mga bantay na mga Lamanita, ay lango sa gabi; kaya nga, magpadala po tayo ng isang pahayag sa lahat ng taong ito na tipunin nila nang sama-sama ang kanilang mga kawan ng tupa at mga kawan ng baka, upang kanila silang maipastol sa ilang sa gabi.
7 At hahayo po ako alinsunod sa inyong utos at magbabayad ng huling buwis na alak sa mga Lamanita, at sila po ay malalango; at magdaraan tayo sa lihim na daanan sa kaliwa ng kanilang kampo kapag nalango na sila at nahihimbing.
8 Sa gayon lilisan po tayo na kasama ang ating kababaihan at mga anak, ang ating mga kawan ng tupa, at ating mga kawan ng baka patungo sa ilang; at maglalakbay tayo sa palibot ng lupain ng Silom.
9 At ito ay nangyari na nakinig ang hari sa mga salita ni Gedeon.
10 At iniutos ni haring Limhi na tipunin nang sama-sama ng kanyang mga tao ang kanilang mga kawan; at ipinadala niya ang buwis na alak sa mga Lamanita; at nagpadala rin siya ng karagdagang alak, bilang isang handog sa kanila; at sila ay malayang uminom ng alak na ipinadala ni haring Limhi sa kanila.
11 At ito ay nangyari na lumisan ang mga tao ni haring Limhi kinagabihan patungo sa ilang kasama ang kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga kawan ng baka, at humayo sila paikot ng lupain ng Silom sa ilang, at lumiko sila patungo sa lupain ng Zarahemla, na pinamumunuan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid.
12 At dinala nila ang lahat ng kanilang ginto, at pilak, at kanilang mga mamahaling bagay, na kanilang madadala, at gayundin ang kanilang mga panustos, patungo sa ilang; at ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay.
13 At matapos ang maraming araw sa ilang, dumating sila sa lupain ng Zarahemla, at sumama sa mga tao ni Mosias, at naging mga sakop niya.
14 At ito ay nangyari na tinanggap sila ni Mosias nang may kagalakan; at kanya ring tinanggap ang kanilang mga talaan, at gayundin ang mga talaang natagpuan ng mga tao ni Limhi.
15 At ngayon, ito ay nangyari na nang matuklasan ng mga Lamanita na lumisan sa lupain sa gabi ang mga tao ni Limhi, na nagpadala sila ng hukbo sa ilang upang tugisin sila;
16 At matapos nilang tugisin sila nang dalawang araw, hindi na nila masundan ang kanilang mga bakas; kaya nga, nangaligaw sila sa ilang.