Mga Banal na Kasulatan
Mosias 23


Isang ulat ni Alma at ng mga tao ng Panginoon, na itinaboy patungo sa ilang ng mga tao ni Haring Noe.

Binubuo ng mga kabanata 23 at 24.

Kabanata 23

Tumanggi si Alma na maging hari—Naglingkod siya bilang mataas na saserdote—Pinahirapan ng Panginoon ang kanyang mga tao, at nasakop ng mga Lamanita ang lupain ng Helam—Si Amulon, ang pinuno ng masasamang saserdote ni Haring Noe, ay namahala sa ilalim ng hari ng mga Lamanita. Mga 145–121 B.C.

1 Ngayon, si Alma, na binalaan ng Panginoon na ang mga hukbo ni haring Noe ay sasalakay sa kanila, at ipinaalam ito sa kanyang mga tao, kaya nga, tinipon nila nang sama-sama ang kanilang mga kawan, at dinala ang kanilang mga butil, at lumisan patungo sa ilang bago dumating ang mga hukbo ni haring Noe.

2 At pinalakas sila ng Panginoon, kung kaya’t ang mga tao ni haring Noe ay hindi sila maabutan upang lipulin sila.

3 At sila ay tumakas, walong araw na naglakbay patungo sa ilang.

4 At nakarating sila sa isang lupain, oo, maging sa isang napakaganda at nakasisiyang lupain, isang lupain ng dalisay na tubig.

5 At itinayo nila ang kanilang mga tolda, at nagsimulang magbungkal ng lupa, at nagsimulang magtayo ng mga gusali; oo, sila ay masisipag, at labis na nagsumikap.

6 At ang mga tao ay nagnais na si Alma ang kanilang maging hari, sapagkat minamahal siya ng kanyang mga tao.

7 Subalit sinabi niya sa kanila: Dinggin, hindi marapat na magkaroon tayo ng hari; sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: Hindi ninyo nararapat na pahalagahan ang isang tao nang higit pa sa iba, o hindi nararapat mag-isip ang isang tao na ang kanyang sarili ay higit pa kaysa sa iba; kaya nga, sinasabi ko sa inyo na hindi kanais-nais na magkaroon kayo ng hari.

8 Gayunpaman, kung maaaring magkaroon kayo sa tuwina ng mga matwid na tao na maging hari ninyo, makabubuti para sa inyo na magkaroon ng hari.

9 Subalit alalahanin ang kasamaan ni haring Noe at ng kanyang mga saserdote; at ako rin ay nahulog sa bitag at nakagawa ng maraming bagay na karumal-dumal sa paningin ng Panginoon, na naging dahilan ng aking masidhing pagsisisi;

10 Gayunpaman, matapos ang labis na pagdurusa, dininig ng Panginoon ang aking mga pagsusumamo, at tinugon ang aking mga panalangin, at ginawa akong kasangkapan sa kanyang mga kamay sa pagdadala ng napakarami sa inyo sa kaalaman ng kanyang katotohanan.

11 Gayunpaman, hindi ako nagbubunyi rito, sapagkat ako ay hindi karapat-dapat na magbunyi sa aking sarili.

12 At ngayon, sinasabi ko sa inyo, pinahirapan kayo ni haring Noe, at napaalipin sa kanya at sa kanyang mga saserdote, at kanilang nadala sa kasamaan; kaya nga, kayo ay nagapos ng mga gapos ng kasamaan.

13 At ngayon, dahil sa kayo ay nakalaya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa mga gapos na ito; oo, maging mula sa mga kamay ni haring Noe at ng kanyang mga tao, at mula rin sa mga gapos ng kasamaan, gayundin ninanais kong maging matatag kayo sa kalayaang ito kung saan kayo ginawang malaya, at na wala kayong pagtitiwalaang tao na maging hari ninyo.

14 At gayundin, huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan.

15 Sa gayon tinuruan ni Alma ang kanyang mga tao, na ang bawat tao ay nararapat mahalin ang kanyang kapwa na tulad ng kanyang sarili, na hindi dapat magkaroon ng alitan sa kanila.

16 At ngayon, si Alma ang kanilang mataas na saserdote, siya na tagapagtatag ng kanilang simbahan.

17 At ito ay nangyari na walang nakatanggap ng karapatang mangaral o magturo maliban sa ito ay sa pamamagitan niya na mula sa Diyos. Samakatwid, itinalaga niya ang lahat ng kanilang saserdote at lahat ng kanilang guro; at walang itinalaga maliban sa sila ay mga matwid na tao.

18 Samakatwid, pinangalagaan nila ang kanilang mga tao, at binusog sila sa mga bagay na may kinalaman sa pagkamatwid.

19 At ito ay nangyari na nagsimula silang umunlad nang labis sa lupain; at kanilang tinawag na Helam ang lupain.

20 At ito ay nangyari na dumami sila at labis na umunlad sa lupain ng Helam; at nagtayo sila ng isang lungsod, na tinawag nilang lungsod ng Helam.

21 Gayunpaman, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya.

22 Gayunpaman—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa kanya, siya rin ay dadakilain sa huling araw. Oo, at gayundin sa mga taong ito.

23 Sapagkat dinggin, ipakikita ko sa inyo na dinala sila sa pagkaalipin, at walang makapagpapalaya sa kanila kundi ang Panginoon nilang Diyos, oo, maging ang Diyos nina Abraham at Isaac at ni Jacob.

24 At ito ay nangyari na kanyang pinalaya sila, at kanyang ipinakita ang dakila niyang kapangyarihan sa kanila, at labis ang kanilang mga kasiyahan.

25 Sapagkat dinggin, ito ay nangyari na habang nasa lupain sila ng Helam, oo, sa lungsod ng Helam, habang nagbubungkal ng lupa sa palibot, dinggin, isang hukbo ng mga Lamanita ang nasa mga hangganan ng lupain.

26 Ngayon, ito ay nangyari na nagsipanakbuhan ang mga kapatid ni Alma mula sa kanilang bukirin, at tinipon nang sama-sama ang kanilang sarili sa lungsod ng Helam; at labis silang natakot dahil sa paglitaw ng mga Lamanita.

27 Subalit humayo si Alma at tumindig sa gitna nila, at pinayuhan sila na hindi sila dapat matakot, kundi kanilang alalahanin ang Panginoon nilang Diyos at kanyang ililigtas sila.

28 Samakatwid, napapayapa nila ang kanilang mga takot, at nagsimulang magsumamo sa Panginoon na kanyang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita, nang huwag silang kitlan ng buhay ng mga ito, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.

29 At ito ay nangyari na pinalambot ng Panginoon ang mga puso ng mga Lamanita. At si Alma at ang kanyang mga kapatid ay humayo at isinuko ang kanilang sarili sa kanilang mga kamay; at inangkin ng mga Lamanita ang lupain ng Helam.

30 Ngayon, ang mga hukbo ng mga Lamanita, na tumugis sa mga tao ni haring Limhi, ay nangaligaw sa ilang sa loob ng maraming araw.

31 At dinggin, kanilang natagpuan ang mga yaong saserdote ni haring Noe, sa isang lugar na kanilang tinawag na Amulon; at sinimulan nilang angkinin ang lupain ng Amulon at sinimulang bungkalin ang lupa.

32 Ngayon, ang pangalan ng pinuno ng mga yaong saserdote ay Amulon.

33 At ito ay nangyari na nagmakaawa si Amulon sa mga Lamanita; at kanya ring pinalapit ang kanilang mga asawa, na mga anak na babae ng mga Lamanita, upang magmakaawa sa kanilang mga kapatid, na huwag nilang lipulin ang kanilang mga asawa.

34 At ang mga Lamanita ay nahabag kay Amulon at sa kanyang mga kapatid, at hindi sila nilipol, dahil sa kanilang mga asawa.

35 At umanib si Amulon at ang kanyang mga kapatid sa mga Lamanita, at naglalakbay sila sa ilang sa paghahanap sa lupain ng Nephi nang kanilang matuklasan ang lupain ng Helam na inangkin ni Alma at ng kanyang mga kapatid.

36 At ito ay nangyari na nangako ang mga Lamanita kay Alma at sa kanyang mga kapatid, na kung kanilang ipakikita sa kanila ang daan patungo sa lupain ng Nephi ay ipagkakaloob nila sa kanila ang kanilang mga buhay at ang kanilang kalayaan.

37 Subalit matapos ipakita sa kanila ni Alma ang daan patungo sa lupain ng Nephi, ang mga Lamanita ay tumangging tumupad sa kanilang pangako; sa halip, sila ay naglagay ng mga bantay sa palibot ng lupain ng Helam, kay Alma at sa kanyang mga kapatid.

38 At ang natira sa kanila ay nagtungo sa lupain ng Nephi; at bumalik ang isang bahagi nila sa lupain ng Helam, at isinama rin nila ang mga asawa at anak ng mga bantay na naiwan sa lupain.

39 At ang hari ng mga Lamanita ay nagpahintulot kay Amulon na siya ang maging hari at tagapamahala ng kanyang mga tao na nasa lupain ng Helam; gayunpaman, wala siyang kapangyarihang gawin ang anumang bagay na sumasalungat sa kagustuhan ng hari ng mga Lamanita.