Mga Banal na Kasulatan
Mosias 24


Kabanata 24

Inusig ni Amulon si Alma at ang kanyang mga tao—Papatayin sila kung mananalangin sila—Waring pinagaan ng Panginoon ang kanilang mga pasanin—Pinalaya Niya sila mula sa pagkaalipin, at nakabalik sila sa Zarahemla. Mga 145–120 B.C.

1 At ito ay nangyari na natamo ni Amulon ang pagsang-ayon sa paningin ng hari ng mga Lamanita; kaya nga, ang hari ng mga Lamanita ay nagpahintulot sa kanya at sa kanyang mga kapatid na sila ang hiranging mga guro ng kanyang mga tao, oo, maging ng mga tao na nasa lupain ng Semlon, at nasa lupain ng Silom, at nasa lupain ng Amulon.

2 Sapagkat inangkin ng mga Lamanita ang lahat ng lupaing ito; kaya nga, ang hari ng mga Lamanita ay naghirang ng mga hari sa lahat ng lupaing ito.

3 At ngayon, ang pangalan ng hari ng mga Lamanita ay Laman, na tinawag alinsunod sa pangalan ng kanyang ama; at kaya nga, tinawag siyang haring Laman. At siya ay hari ng napakaraming tao.

4 At siya ay naghirang ng mga guro mula sa mga kapatid ni Amulon sa bawat lupaing pag-aari ng kanyang mga tao; at sa gayon nagsimulang ituro ang wika ni Nephi sa lahat ng tao ng mga Lamanita.

5 At sila ay mga taong magiliw sa isa’t isa; gayunpaman hindi nila nakikilala ang Diyos; ni hindi itinuro sa kanila ng mga kapatid ni Amulon ang alinmang bagay na nauukol sa Panginoon nilang Diyos, ni ang batas ni Moises; ni hindi nila itinuro sa kanila ang mga salita ni Abinadi;

6 Datapwat kanilang itinuro sa kanila na nararapat silang magpanatili ng kanilang talaan, at upang makasulat sila sa isa’t isa.

7 At sa gayon, ang mga Lamanita ay nagsimulang maragdagan sa kayamanan, at nagsimulang makipagkalakalan sa isa’t isa at naging mayayaman, at nagsimulang maging tuso at matatalinong tao, alinsunod sa karunungan ng sanlibutan, oo, isang napakatusong mga tao, nagagalak sa lahat ng uri ng kasamaan at pandarambong, maliban kung may kinalaman sa kanilang sariling mga kapatid.

8 At ngayon, ito ay nangyari na nagsimula si Amulon na gumamit ng kapangyarihan kay Alma at sa kanyang mga kapatid, at nagsimulang usigin siya, at iniutos na usigin ng kanyang mga anak ang kanilang mga anak.

9 Sapagkat nakikilala ni Amulon si Alma, na siya ay isa sa naging saserdote ng hari, at na siya ang yaong naniwala sa mga salita ni Abinadi at ipinagtabuyan mula sa harapan ng hari, at kaya nga, napopoot siya sa kanya; sapagkat siya ay napasakop kay haring Laman, gayunpaman, gumamit siya ng kapangyarihan sa kanila, at nagpataw ng mga gawain sa kanila, at naglagay ng mga tagapagbantay sa kanila.

10 At ito ay nangyari na napakasidhi ng kanilang mga paghihirap kung kaya’t nagsimula silang magsumamo nang mataimtim sa Diyos.

11 At inutusan sila ni Amulon na dapat silang magsitigil sa kanilang mga pagsusumamo; at naglagay siya ng mga bantay sa kanila upang bantayan sila, na sinuman ang matatagpuang nananawagan sa Diyos ay papatayin.

12 At si Alma at ang kanyang mga tao ay hindi nag-angat ng kanilang mga tinig sa Panginoon nilang Diyos, subalit ibinuhos ang kanilang mga puso sa kanya; at kanyang nalalaman ang mga saloobin ng kanilang mga puso.

13 At ito ay nangyari na nangusap sa kanila ang tinig ng Diyos sa kanilang mga paghihirap, sinasabing: Itaas ang inyong mga ulo at mapanatag, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.

14 At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang nasa pagkaalipin kayo; at gagawin ko ito upang kayo ay makatayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.

15 At ito ay nangyari na pinagaan ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang madala nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim sila nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.

16 At ito ay nangyari na napakalakas ng kanilang pananampalataya at kanilang pagtitiis kung kaya’t muling nangusap ang tinig ng Panginoon sa kanila, sinasabing: Mapanatag kayo, sapagkat bukas ay palalayain ko kayo mula sa pagkaalipin.

17 At sinabi niya kay Alma: Mamumuno ka sa mga taong ito, at makakasama ninyo ako at palalayain ang mga taong ito mula sa pagkaalipin.

18 Ngayon, ito ay nangyari na tinipon nang sama-sama ni Alma at ng kanyang mga tao sa kinagabihan ang kanilang mga kawan, at ang kanila ring mga butil; oo, maging sa buong gabing iyon ay tinipon nila nang sama-sama ang kanilang mga kawan.

19 At kinaumagahan ay pinangyari ng Panginoon na dumating ang isang mahimbing na pagkakatulog sa mga Lamanita, oo, at ang lahat ng kanilang mga tagapagbantay ay mahimbing na nakatulog.

20 At si Alma at ang kanyang mga tao ay lumisan patungo sa ilang; at nang nakapaglakbay na sila nang buong araw, itinayo nila ang kanilang mga tolda sa lambak, at kanilang tinawag ang lambak na Alma, sapagkat siya ang nanguna sa kanilang daraanan sa ilang.

21 Oo, at ibinuhos nila ang kanilang pasasalamat sa Diyos sa lambak ng Alma dahil sa naging maawain siya sa kanila, at pinagaan ang kanilang mga pasanin, at pinalaya sila mula sa pagkaalipin; sapagkat nasa pagkaalipin sila, at walang makapagpapalaya sa kanila maliban sa Panginoon nilang Diyos.

22 At nagbigay-pasasalamat sila sa Diyos, oo, ang lahat ng kanilang kalalakihan at lahat ng kanilang kababaihan at lahat ng kanilang mga anak na nakapagsasalita ay itinaas ang kanilang mga tinig sa pagpupuri sa kanilang Diyos.

23 At ngayon, sinabi ng Panginoon kay Alma: Magmadali ka at lumisan ka at ang mga taong ito sa lupaing ito, sapagkat ang mga Lamanita ay nangagising na at tinutugis kayo; kaya nga, lisanin mo ang lupaing ito, at pipigilan ko ang mga Lamanita sa lambak na ito upang hindi na sila makahabol pa sa mga taong ito.

24 At ito ay nangyari na nilisan nila ang lambak, at sila ay naglakbay patungo sa ilang.

25 At matapos silang manatili sa ilang nang labindalawang araw ay nakarating sila sa lupain ng Zarahemla; at tinanggap din sila nang may kagalakan ni haring Mosias.