Mga Banal na Kasulatan
Mosias 26


Kabanata 26

Marami sa mga kasapi ng Simbahan ang naakay sa pagkakasala ng mga hindi naniniwala—Pinangakuan si Alma ng buhay na walang hanggan—Ang mga yaong nagsisi at nabinyagan ay nagtamo ng kapatawaran—Ang mga kasapi ng Simbahan na nagkasala na mga nagsisi at nagtapat kay Alma at sa Panginoon ay patatawarin; kung hindi, hindi sila ibibilang sa mga tao ng Simbahan. Mga 120–100 B.C.

1 Ngayon, ito ay nangyari na marami sa mga umuusbong na salinlahi ang hindi nakauunawa sa mga salita ni haring Benjamin, na maliliit na bata pa noong panahong siya ay nangusap sa kanyang mga tao; at hindi sila naniwala sa kaugalian ng kanilang mga ama.

2 Hindi sila naniwala sa mga nasabi na hinggil sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, ni hindi sila naniwala hinggil sa pagparito ni Cristo.

3 At ngayon, dahil sa kanilang kawalang-paniniwala ay hindi nila maunawaan ang salita ng Diyos; at ang kanilang mga puso ay matitigas.

4 At sila ay tumangging magpabinyag, ni sumapi sa simbahan. At sila ay mga taong nahihiwalay ayon sa kanilang pananampalataya, at nanatili silang gayon nang mahabang panahon, maging sa kanilang makamundo at makasalanang kalagayan; sapagkat ayaw nilang manawagan sa Panginoon nilang Diyos.

5 At ngayon, sa paghahari ni Mosias ay wala sa kalahati ang dami nila sa mga tao ng Diyos; subalit dahil sa mga pagtatalo sa mga kapatid, sila ay naging higit na marami.

6 Sapagkat ito ay nangyari na marami silang nalinlang dahil sa kanilang mapanghibong mga salita, sa mga yaong nasa simbahan, at naging dahilan upang sila ay makagawa ng maraming kasalanan; kaya nga, naging kinakailangan na ang mga yaong nakagawa ng kasalanan, na nasa simbahan, ay nararapat paalalahanan ng simbahan.

7 At ito ay nangyari na dinala sila sa harapan ng mga saserdote, at iniharap sa mga saserdote ng mga guro; at dinala sila ng mga saserdote kay Alma, na siyang mataas na saserdote.

8 Ngayon, ibinigay ni haring Mosias kay Alma ang karapatan sa simbahan.

9 At ito ay nangyari na hindi nalalaman ni Alma ang hinggil sa kanila; subalit maraming saksi laban sa kanila; oo, ang mga tao ay tumayo at nagpatotoo nang napakarami sa kanilang kasamaan.

10 Ngayon, wala pang nangyayaring gayong bagay sa simbahan; kaya nga, si Alma ay nabagabag sa kanyang espiritu, at kanyang pinapangyari na sila ay dalhin sa harapan ng hari.

11 At sinabi niya sa hari: Dinggin, narito po ang marami na aming dinala sa inyong harapan, na pinararatangan ng kanilang mga kapatid; opo, at dinakip po sila dahil sa iba’t ibang kasamaan. At sila po ay hindi nagsisisi ng kanilang mga kasamaan; kaya nga, dinala po namin sila sa inyong harapan, upang inyo silang hatulan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan.

12 Subalit sinabi ni haring Mosias kay Alma: Dinggin, hindi ko sila hahatulan; kaya nga ipinauubaya ko sila sa iyong mga kamay upang hatulan.

13 At ngayon, ang espiritu ni Alma ay muling nabagabag; at siya ay humayo at nagtanong sa Panginoon kung ano ang kanyang nararapat gawin hinggil sa bagay na ito, sapagkat siya ay natatakot na makagawa ng mali sa paningin ng Diyos.

14 At ito ay nangyari na matapos niyang ibuhos ang kanyang buong kaluluwa sa Diyos, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, sinasabing:

15 Pinagpala ka, Alma, at pinagpala sila na mga nabinyagan sa mga tubig ng Mormon. Pinagpala ka dahil sa iyong labis na pananampalataya sa mga salita lamang ng aking tagapaglingkod na si Abinadi.

16 At pinagpala sila dahil sa kanilang labis na pananampalataya sa mga salita lamang na iyong sinabi sa kanila.

17 At pinagpala ka dahil sa nagtatag ka ng simbahan sa mga taong ito; at sila ay kikilalanin, at sila ay magiging mga tao ko.

18 Oo, pinagpala ang mga taong ito na nakahandang taglayin ang aking pangalan; sapagkat sa aking pangalan sila tatawagin; at sila ay akin.

19 At sapagkat ikaw ay nagtanong sa akin hinggil sa nagkasala, ikaw ay pinagpala.

20 Ikaw ay aking tagapaglingkod; at nakikipagtipan ako sa iyo na ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan; at paglilingkuran mo ako at hahayo sa aking pangalan, at titipunin nang magkakasama ang aking mga tupa.

21 At siya na makikinig sa aking tinig ay magiging aking tupa; at siya ay tatanggapin mo sa simbahan, at siya ay akin ding tatanggapin.

22 Sapagkat dinggin, ito ay aking simbahan; sinuman ang mabibinyagan ay mabibinyagan tungo sa pagsisisi. At sinuman ang iyong tatanggapin ay maniniwala sa aking pangalan; at malaya ko siyang patatawarin.

23 Sapagkat ako ang magdadala ng mga kasalanan ng sanlibutan; sapagkat ako ang siyang lumikha sa kanila; at ako ang magbibigay sa kanya na naniniwala hanggang sa katapusan ng isang lugar sa aking kanang kamay.

24 Sapagkat dinggin, sa aking pangalan sila tinatawag; at kung nakikilala nila ako, sila ay magsisibangon, at magkakaroon ng lugar magpakailanman sa aking kanang kamay.

25 At ito ay mangyayari na kapag ang ikalawang trumpeta ay tumunog sa panahong iyon, sila na hindi kailanman nakakikilala sa akin ay babangon at titindig sa aking harapan.

26 At pagkatapos, kanilang makikilala na ako ang Panginoon nilang Diyos, na ako ang kanilang Manunubos; subalit sila ay hindi matutubos.

27 At pagkatapos, aking sasabihin sa kanila na kailanman ay hindi ko sila nakilala; at magsisilisan sila patungo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel.

28 Anupa’t sinasabi ko sa iyo, siya na hindi makikinig sa aking tinig, siya rin ay hindi mo tatanggapin sa aking simbahan, sapagkat siya ay hindi ko tatanggapin sa huling araw.

29 Anupa’t sinasabi ko sa iyo, Humayo; at kung sinuman ang lalabag sa akin, siya ay hahatulan mo alinsunod sa mga kasalanang kanyang nagawa; at kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin.

30 Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.

31 At inyo ring patatawarin ang mga pagkakasala ng isa’t isa; sapagkat katotohanang sinabi ko sa iyo, siya na hindi magpapatawad sa mga pagkakasala ng kanyang kapwa kapag sinasabing nagsisisi na siya, siya rin ay nagdadala sa kanyang sarili sa ilalim ng kahatulan.

32 Ngayon, sinasabi ko sa iyo, Humayo; at kung sinuman ang hindi magsisisi ng kanyang mga kasalanan, siya rin ay hindi ibibilang sa aking mga tao; at ito ay susundin mula sa panahong ito.

33 At ito ay nangyari na nang marinig ni Alma ang mga salitang ito, kanyang isinulat ang mga ito upang mapasakanya ang mga ito, at upang kanyang mahatulan ang mga tao ng simbahang yaon alinsunod sa mga kautusan ng Diyos.

34 At ito ay nangyari na humayo si Alma at hinatulan ang mga yaong nahuli sa kasamaan, alinsunod sa salita ng Panginoon.

35 At sinuman ang nagsisi ng kanilang mga kasalanan at ipinagtapat ang mga ito, sila ay kanyang ibinilang sa mga tao ng simbahan;

36 At ang mga yaong hindi nagtapat ng kanilang mga kasalanan at hindi nagsipagsisi ng kanilang kasamaan, sila rin ay hindi ibinilang sa mga tao ng simbahan, at binura ang kanilang mga pangalan.

37 At ito ay nangyari na pinamahalaan ni Alma ang lahat ng gawain ng simbahan; at sila ay nagsimula muling magkaroon ng kapayapaan at umunlad nang labis sa mga gawain ng simbahan, maingat na lumalakad sa harapan ng Diyos, tumatanggap ng marami, at nagbibinyag ng marami.

38 At ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay ginawa ni Alma at ng kanyang kapwa manggagawa na namumuno sa simbahan, lumalakad nang buong sigasig, nagtuturo ng salita ng Diyos sa lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng uri ng paghihirap, na inuusig ng lahat ng yaong hindi kasapi sa simbahan ng Diyos.

39 At pinaaalalahanan nila ang kanilang mga kapatid; at sila ay pinaaalalahanan din, bawat isa sa pamamagitan ng salita ng Diyos, alinsunod sa kanyang mga kasalanan, o sa mga kasalanang kanyang nagawa, na inutusan ng Diyos na manalangin nang walang tigil, at magbigay-pasasalamat sa lahat ng bagay.