Mga Banal na Kasulatan
Mosias 27


Kabanata 27

Ipinagbawal ni Mosias ang pag-uusig at itinagubilin ang pagkakapantay-pantay—Hinangad na wasakin ng nakababatang Alma at ng apat na anak na lalaki ni Mosias ang Simbahan—Nagpakita ang isang anghel at inutusan silang itigil ang kanilang masamang hakbangin—Napipi si Alma—Ang buong sangkatauhan ay kinakailangang isilang na muli upang makatamo ng kaligtasan—Si Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias ay nagpahayag ng masasayang balita. Mga 100–92 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na naging masidhi ang mga pag-uusig na ibinunton sa simbahan ng mga hindi naniniwala kung kaya’t ang simbahan ay nagsimulang bumulung-bulong, at dumaing sa kanilang mga pinuno hinggil sa bagay na yaon; at dumaing sila kay Alma. At idinulog ni Alma ang karaingan sa harapan ng kanilang haring si Mosias. At si Mosias ay nakipagsanggunian sa kanyang mga saserdote.

2 At ito ay nangyari na nagpadala si haring Mosias ng isang pahayag sa lahat ng dako ng lupain sa palibot na hindi dapat usigin ng kahit na sinong hindi naniniwala ang sinuman sa mga yaong kasapi sa simbahan ng Diyos.

3 At nagkaroon ng mahigpit na utos sa lahat ng simbahan na hindi dapat magkaroon ng mga pag-uusig sa kanila, na nararapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng tao;

4 Na hindi nila nararapat hayaan ang kapalaluan ni ang pagkamapanghamak na gambalain ang kanilang kapayapaan; na dapat pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapwa tulad sa kanyang sarili, gumagawa sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay para sa kanilang panustos.

5 Oo, at ang lahat ng kanilang mga saserdote at guro ay nararapat na gumawa sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay para sa kanilang panustos, sa lahat ng pagkakataon maliban sa karamdaman, o sa malaking pangangailangan; at sa paggawa ng mga bagay na ito, sila ay nanagana sa biyaya ng Diyos.

6 At nagsimula muling magkaroon ng labis na kapayapaan sa lupain; at ang mga tao ay nagsimulang labis na dumami, at nagsimulang kumalat nang malawakan sa balat ng lupa, oo, sa hilaga at sa timog, sa silangan at sa kanluran, nagtatayo ng malalaking lungsod at nayon sa lahat ng sulok ng lupain.

7 At dinalaw sila ng Panginoon at pinaunlad sila, at sila ay naging marami at mayayamang tao.

8 Ngayon, ang mga anak na lalaki ni Mosias ay nabibilang sa mga hindi naniniwala; at gayundin ang isa sa mga anak na lalaki ni Alma ay nabilang sa kanila, siya na tinatawag na Alma, alinsunod sa kanyang ama; gayunpaman, siya ay naging napakasama at isang lalaking sumasamba sa mga diyus-diyusan. At siya ay isang lalaking bihasa sa pananalita, at nangusap ng maraming panghihibok sa mga tao; kaya nga, naakay niya ang marami sa mga tao na gumawa alinsunod sa uri ng kanyang mga kasamaan.

9 At siya ay naging isang malaking sagabal sa kaunlaran ng simbahan ng Diyos; inaakay papalayo ang mga puso ng mga tao; nagdudulot ng maraming pagtatalo sa mga tao; nagbibigay ng pagkakataon sa kaaway ng Diyos na magamit ang kanyang kapangyarihan sa kanila.

10 At ngayon, ito ay nangyari na habang nagpapalibut-libot siya upang wasakin ang simbahan ng Diyos, sapagkat siya ay lumibot nang palihim kasama ang mga anak na lalaki ni Mosias na naghahangad na wasakin ang simbahan, at upang iligaw ang mga tao ng Panginoon, taliwas sa mga kautusan ng Diyos, o maging ng hari—

11 At tulad ng aking sinabi sa inyo, habang sila ay nagpapalibut-libot nang naghihimagsik laban sa Diyos, dinggin, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanila; at siya ay bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog, na nagdulot sa lupang kanilang kinatatayuan na mayanig;

12 At labis ang kanilang panggigilalas, kung kaya’t bumagsak sila sa lupa, at hindi naunawaan ang mga salitang kanyang sinabi sa kanila.

13 Gayunpaman, bumulalas siyang muli, sinasabing: Alma, bumangon ka at tumindig, sapagkat bakit mo inuusig ang simbahan ng Diyos? Sapagkat sinabi ng Panginoon: Ito ay aking simbahan, at aking itatatag ito; at walang anumang makapagpapabagsak dito, maliban sa paglabag ng aking mga tao.

14 At muli, sinabi ng anghel: Dinggin, narinig ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayundin ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; kaya nga, dahil sa layuning ito ay naparito ako upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya.

15 At ngayon, dinggin, mag-aalinlangan ka pa ba sa kapangyarihan ng Diyos? Sapagkat dinggin, hindi ba’t niyayanig ng aking tinig ang lupa? At hindi mo rin ba ako namamasdan sa iyong harapan? At ako ay isinugo mula sa Diyos.

16 Ngayon, sinasabi ko sa iyo: Humayo, at alalahanin ang pagkakabihag ng iyong mga ama sa lupain ng Helam, at sa lupain ng Nephi; at pakatandaan kung gaano kadakila ang mga bagay na kanyang ginawa para sa kanila; sapagkat sila ay nasa pagkaalipin, at kanyang pinalaya sila. At ngayon, sinasabi ko sa iyo, Alma, humayo ka sa iyong landas, at huwag nang muling hangarin pang wasakin ang simbahan, upang ang kanilang mga panalangin ay matugon, at ito ay kahit na nga naisin mo sa iyong sarili na maitakwil.

17 At ngayon, ito ay nangyari na ang mga ito ang mga huling salitang sinabi ng anghel kay Alma, at siya ay lumisan.

18 At ngayon, si Alma at ang mga yaong kasama niya ay muling nalugmok sa lupa, sapagkat labis ang kanilang panggigilalas; sapagkat sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata ay nakamalas sila ng isang anghel ng Panginoon; at ang kanyang tinig ay tulad ng kulog, na yumanig sa lupa; at alam nila na walang anumang bagay maliban sa kapangyarihan ng Diyos ang makapagpapayanig sa lupa at magdudulot na yumanig ito na parang ito ay mabibiyak.

19 At ngayon, labis ang panggigilalas ni Alma kaya’t siya ay napipi, kung kaya’t hindi niya maibuka ang kanyang bibig; oo, at siya ay nanghina, maging sa hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay; kaya nga, siya ay kinuha ng kanyang mga kasama, at binuhat na nanghihina, maging hanggang sa siya ay ilapag sa harapan ng kanyang ama.

20 At kanilang inilahad sa kanyang ama ang lahat ng nangyari sa kanila; at ang kanyang ama ay nagsaya, sapagkat nalalaman niya na ito ang kapangyarihan ng Diyos.

21 At kanyang iniutos na magtipon nang sama-sama ang maraming tao upang masaksihan nila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanyang anak, at gayundin sa mga yaong kasama niya.

22 At kanyang iniutos na tipunin nang sama-sama ng mga saserdote ang kanilang sarili; at sila ay nagsimulang mag-ayuno, at manalangin sa Panginoon nilang Diyos upang kanyang buksan ang bibig ni Alma, upang siya ay makapagsalita, at gayundin upang matanggap ng kanyang mga biyas ang mga lakas nito—upang mabuksan ang mga mata ng mga tao nang makita at malaman ang kabutihan at kaluwalhatian ng Diyos.

23 At ito ay nangyari na matapos silang mag-ayuno at manalangin sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi, natanggap ng mga biyas ni Alma ang mga lakas nito, at siya ay tumindig at nagsimula siyang mangusap sa kanila, sinabihan silang mapanatag:

24 Sapagkat, sinabi niya, nagsisi na ako sa aking mga kasalanan, at tinubos ng Panginoon; dinggin, isinilang ako sa Espiritu.

25 At sinabi sa akin ng Panginoon: Huwag manggilalas na ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa kanilang makamundo at nahulog na kalagayan, tungo sa isang kalagayan ng katwiran, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae;

26 At sa gayon, sila ay naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, walang paraan upang mamana nila ang kaharian ng Diyos.

27 Sinasabi ko sa inyo, maliban sa ito ang maging kalagayan, kinakailangan silang itakwil; at ito ay nalalaman ko sapagkat itatakwil na sana ako.

28 Gayunpaman, matapos magtampisaw sa maraming paghihirap, halos mamatay sa pagsisisi, sa awa ng Panginoon ay minarapat na agawin ako mula sa isang walang hanggang pagniningas, at ako ay isinilang sa Diyos.

29 Ang aking kaluluwa ay natubos mula sa apdo ng kapaitan at mga gapos ng kasamaan. Ako ay nasa pinakamadilim na kailaliman noon; subalit ngayon ay namamasdan ko ang kagila-gilalas na liwanag ng Diyos. Ang aking kaluluwa ay pinahirapan ng walang hanggang parusa; subalit ako ay inagaw, at ang aking kaluluwa ay hindi na nagdusa.

30 Itinakwil ko ang aking Manunubos, at ikinaila ang mga yaong sinabi ng ating mga ama; subalit ngayon, upang kanilang makini-kinita na siya ay paparito, at na kanyang naaalala ang lahat ng nilalang na kanyang nilikha, ipakikita niya sa lahat ang kanyang sarili.

31 Oo, ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan. Oo, maging sa huling araw, kapag lahat ng tao ay magsisitindig upang hatulan niya, sa panahong yaon ay kanilang kikilalanin na siya ay Diyos; pagkatapos ay kikilalanin nila, na mga nabubuhay nang walang dini-Diyos sa daigdig, na ang kahatulan ng isang walang hanggang kaparusahan ay makatwiran para sa kanila; at sila ay mayayanig, at manginginig, at manliliit sa ilalim ng sulyap ng kanyang lubusang mapanuring mata.

32 At ngayon, ito ay nangyari na simula sa panahong ito, nagsimulang magturo si Alma sa mga tao, at ang mga yaon ding kasama ni Alma sa panahong nagpakita sa kanila ang anghel, naglalakbay sa palibot ng buong lupain, inihahayag sa lahat ng tao ang mga bagay na kanilang narinig at nakita, at ipinangangaral ang salita ng Diyos sa labis na paghihirap, na labis na pinag-uusig ng mga yaong hindi naniniwala, na sinasaktan ng marami sa kanila.

33 Subalit sa kabila ng lahat ng ito, sila ay nakapagbigay ng labis na kasiyahan sa simbahan, pinagtitibay ang kanilang pananampalataya, at pinapayuhan sila nang may mahabang pagtitiis at labis na paghihirap na sundin ang mga kautusan ng Diyos.

34 At apat sa kanila ang mga anak na lalaki ni Mosias; at ang kanilang mga pangalan ay Ammon, at Aaron, at Omner, at Himni; ito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Mosias.

35 At sila ay naglakbay sa lahat ng dako ng buong lupain ng Zarahemla, at sa lahat ng tao na nasa ilalim ng paghahari ni haring Mosias, buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa sa simbahan, ipinagtatapat ang lahat ng kanilang kasalanan, at inihahayag ang lahat ng bagay na kanilang nakita, at ipinaliliwanag ang mga propesiya at mga banal na kasulatan sa lahat ng nagnanais na marinig ang mga ito.

36 At sa gayon naging mga kasangkapan sila sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos.

37 At gaano sila pinagpala! Sapagkat sila ay naghayag ng kapayapaan; sila ay naghayag ng mabubuting balita ng kabutihan; at kanilang ipinahayag sa mga tao na naghahari ang Panginoon.