Kabanata 29
Iminungkahi ni Mosias na pumili ng mga hukom bilang kapalit ng isang hari—Inaakay ng masasamang hari ang kanilang mga tao tungo sa kasalanan—Napili ang nakababatang Alma na maging punong hukom sa pamamagitan ng tinig ng mga tao—Siya rin ang mataas na saserdote ng Simbahan—Ang nakatatandang Alma at si Mosias ay namatay. Mga 92–91 B.C.
1 Ngayon, nang magawa na ito ni Mosias, nagpasabi siya sa lahat ng dako ng buong lupain, sa lahat ng tao, nagnanais na malaman ang kanilang kalooban hinggil sa kung sino ang dapat nilang maging hari.
2 At ito ay nangyari na nagpahayag ang tinig ng mga tao, sinasabing: Kami ay nagnanais na si Aaron na inyong anak ang maging aming hari at aming tagapamahala.
3 Ngayon, nagtungo si Aaron sa lupain ng Nephi, kaya nga hindi maaaring igawad ng hari sa kanya ang kaharian; ni hindi tatanggapin ni Aaron ang kaharian para sa kanyang sarili; ni wala sinuman sa mga anak na lalaki ni Mosias ang handang tumanggap sa kaharian.
4 Samakatwid, si haring Mosias ay muling nagpasabi sa mga tao; oo, maging isang nasusulat na salita ang kanyang ipinadala sa mga tao. At ito ang mga salitang nasusulat, sinasabing:
5 Dinggin, O kayong mga tao ko, o aking mga kapatid, sapagkat itinuturing ko kayong gayon, nais kong inyong isaalang-alang ang dahilan na tinawag kayo na isaalang-alang—sapagkat kayo ay nagnanais na magkaroon ng isang hari.
6 Ngayon, aking ipinahahayag sa inyo na tumanggi ang siyang may karapatang magmay-ari ng kaharian, at hindi niya tatanggapin ang kaharian.
7 At ngayon, kung may ihihirang na iba na kahalili niya, dinggin, natatakot akong baka magkaroon ng mga alitan sa inyo. At sino ang makaaalam na ang aking anak, na siyang may karapatang magmay-ari ng kaharian, ay magsimulang magalit at mahalina ang bahagi ng mga taong ito na sumusunod sa kanya, na magiging dahilan ng mga digmaan at alitan sa inyo, na magiging dahilan ng pagdanak ng maraming dugo at pagbaluktot sa landas ng Panginoon, oo, at wasakin ang mga kaluluwa ng maraming tao.
8 Ngayon, sinasabi ko sa inyo na tayo ay maging matalino at isaalang-alang ang mga bagay na ito, sapagkat wala tayong karapatang wasakin ang aking anak, ni magkaroon tayo ng anumang karapatang wasakin ang iba kung siya ang hihiranging kahalili niya.
9 At kung ang aking anak ay muling magbalik sa kanyang kapalaluan at sa mga bagay na walang kabuluhan, babawiin niya ang mga bagay na kanyang nasabi na, at aangkinin ang kanyang karapatan sa kaharian, na magiging dahilan na makagawa siya at gayundin ang mga taong ito ng maraming kasalanan.
10 At ngayon, tayo ay maging matalino at asahan natin ang mga bagay na ito, at gawin ang yaong makapapayapa sa mga taong ito.
11 Samakatwid, ako ang inyong magiging hari sa mga nalalabi ko pang mga araw; gayunpaman, tayo ay maghirang ng mga hukom, upang hatulan ang mga taong ito alinsunod sa ating batas; at muli nating isasaayos ang mga gawain ng mga taong ito, sapagkat maghihirang tayo ng matatalinong tao na maging mga hukom, na hahatol sa mga taong ito alinsunod sa mga kautusan ng Diyos.
12 Ngayon, higit na mabuti na ang isang tao ay hatulan ng Diyos kaysa ng tao, sapagkat ang mga kahatulan ng Diyos ay laging makatarungan, subalit ang mga kahatulan ng tao ay hindi laging makatarungan.
13 Anupa’t kung maaaring magkaroon kayo ng mga makatarungang tao na maging mga hari ninyo, na magpapatibay sa mga batas ng Diyos, at hahatulan ang mga taong ito alinsunod sa kanyang mga kautusan, oo, kung maaari kayong magkaroon ng mga tao na maging mga hari ninyo na gagawa ng tulad ng ginawa ng aking amang si Benjamin para sa mga taong ito—sinasabi ko sa inyo, kung maaari na laging ganito ang pangyayari, kung gayon ay marapat na lagi kayong magkaroon ng mga haring mamamahala sa inyo.
14 At maging ako rin ay nagsikap nang may buong kapangyarihan at mga kakayahang aking taglay, upang ituro sa inyo ang mga kautusan ng Diyos, at upang panatilihin ang kapayapaan sa lahat ng dako ng lupain, nang hindi na magkaroon ng mga digmaan ni mga alitan man, walang pagnanakaw, ni pandarambong, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kasamaan;
15 At sinuman ang nakagagawa ng kasamaan, akin siyang pinarusahan alinsunod sa kasalanang kanyang nagawa, alinsunod sa batas na ibinigay sa atin ng ating mga ama.
16 Ngayon, sinasabi ko sa inyo, na sapagkat ang lahat ng tao ay hindi makatarungan, hindi marapat na magkaroon kayo ng isang hari o mga haring mamamahala sa inyo.
17 Sapagkat dinggin, gaano kalaking kasamaan ang idinudulot na magawa ng isang masamang hari, oo, at gaano kalaking pagkawasak!
18 Oo, alalahanin si haring Noe, ang kanyang kasamaan at kanyang mga karumal-dumal na gawain, at gayundin ang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao. Dinggin, anong laking pagkawasak ang sumapit sa kanila; at dahil din sa kanilang mga kasamaan ay nadala sila sa pagkaalipin.
19 At kung hindi dahil sa pamamagitan ng kanilang lubos na matalinong Lumikha, at dahil ito sa kanilang taos na pagsisisi, tiyak na hindi maiiwasang manatili sila sa pagkaalipin hanggang sa ngayon.
20 Subalit dinggin, kanyang pinalaya sila dahil sa nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa kanyang harapan; at dahil sa nagsumamo sila nang mataimtim sa kanya ay kanyang pinalaya sila mula sa pagkaalipin; at sa gayon kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan sa lahat ng pagkakataon sa mga anak ng tao, inuunat ang bisig ng kanyang awa sa kanila na nagbibigay ng kanilang tiwala sa kanya.
21 At dinggin, sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo maaaring mapababa sa luklukan ang isang masamang hari maliban sa pamamagitan ng labis na alitan, at sa pagpapadanak ng maraming dugo.
22 Sapagkat dinggin, may mga kaibigan siya sa kasamaan, at pinananatili niya ang kanyang mga bantay sa kanyang paligid; at kanyang pinupunit ang mga batas ng mga yaong sinundan niya na namahala sa pagkamatwid; at niyuyurakan niya sa ilalim ng kanyang mga paa ang mga kautusan ng Diyos;
23 At nagpapanukala siya ng mga batas, at ipinadadala ang mga ito sa kanyang mga tao, oo, mga batas alinsunod sa kanyang sariling kasamaan; at kung sinuman ang hindi susunod sa kanyang mga batas ay iuutos niyang lipulin; at kung sinuman ang maghihimagsik laban sa kanya ay ipadadala niya ang kanyang mga hukbo laban sa kanila upang makidigma, at kung kanyang magagawa ay kanya silang lilipulin; at sa gayon binabaluktot ng isang masamang hari ang mga landas ng lahat ng pagkamatwid.
24 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, hindi marapat na sumapit sa inyo ang mga gayong karumal-dumal na gawain.
25 Samakatwid, mamili kayo sa pamamagitan ng tinig ng mga taong ito, ng mga hukom, upang kayo ay mahatulan alinsunod sa mga batas na ibinigay sa inyo ng ating mga ama, na tama, at na ibinigay sa kanila ng kamay ng Panginoon.
26 Ngayon, hindi pangkaraniwan na ang tinig ng mga tao ay magnais ng anumang bagay na salungat sa yaong tama; subalit pangkaraniwan ito sa kakaunting bahagi ng mga tao na magnais ng yaong hindi tama; kaya nga, ito ay inyong sundin at gawin itong inyong batas—ang gawin ang inyong mga gawain sa pamamagitan ng tinig ng mga tao.
27 At kung dumating ang panahon na piliin ng tinig ng mga tao ang kasamaan, sa panahong yaon ay sasapit sa inyo ang mga paghahatol ng Diyos; oo, sa panahong yaon ay dadalawin niya kayo sa pamamagitan ng malaking pagkawasak maging tulad ng pagdalaw niya noon sa lupaing ito.
28 At ngayon, kung mayroon kayong mga hukom, at hindi nila kayo hinahatulan nang alinsunod sa batas na ibinigay, maaari ninyong papangyarihin na mahatulan sila ng isang nakatataas na hukom.
29 Kung ang inyong mga nakatataas na hukom ay hindi naghahatol ng mga matwid na paghahatol, mapapangyari ninyo na ang maliit na bilang ng inyong nakabababang hukom ay sama-samang magtipon, at kanilang hahatulan ang inyong mga nakatataas na hukom, alinsunod sa tinig ng mga tao.
30 At iniuutos ko sa inyong gawin ang mga bagay na ito nang may takot sa Panginoon; at iniuutos ko sa inyong gawin ang mga bagay na ito, at na huwag kayong magkaroon ng hari; na kapag ang mga taong ito ay makagawa ng mga kasalanan at kasamaan, ang mga ito ay pananagutan ng kanilang sariling mga ulo.
31 Sapagkat dinggin, sinasabi ko sa inyo, ang mga kasalanan ng maraming tao ay idinulot ng mga kasamaan ng kanilang mga hari; kaya nga, ang kanilang mga kasamaan ay pananagutan ng ulo ng kanilang mga hari.
32 At ngayon, ninanais ko na itong hindi pagkakapantay-pantay ay mawala na sa lupaing ito, lalung-lalo na sa itong aking mga tao; bagkus ninanais ko na ang lupaing ito ay maging isang lupain ng kalayaan, at ang bawat tao ay maaaring matamasa ang kanyang mga karapatan at pribilehiyo nang magkakatulad, hangga’t minamarapat ng Panginoon na tayo ay mabuhay at manahin ang lupain, oo, maging hangga’t ang sinuman sa ating angkan ay nananatili sa ibabaw ng lupain.
33 At marami pang bagay ang isinulat sa kanila ni haring Mosias, inilalahad sa kanila ang lahat ng pagsubok at suliranin ng isang matwid na hari, oo, lahat ng paghihirap ng kaluluwa para sa kanilang mga tao, at gayundin ang lahat ng pagbulung-bulong ng mga tao sa kanilang hari; at ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila.
34 At kanyang sinabi sa kanila na hindi nararapat mangyari ang mga bagay na ito; kundi ang pasanin ay nararapat mapasalahat ng tao, upang dalhin ng bawat tao ang kanyang bahagi.
35 At kanya ring inilahad sa kanila ang lahat ng suliraning pagdurusahan nila, sa pagkakaroon ng isang masamang hari na mamahala sa kanila;
36 Oo, lahat ng kanyang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, at lahat ng digmaan, at mga alitan, at pagdanak ng dugo, at ang pagnanakaw, at ang pandarambong, at ang paggawa ng mga pagpapatutot, at lahat ng uri ng kasamaan na hindi maaaring isa-isahin—sinasabi sa kanila na ang mga bagay na ito ay hindi nararapat mangyari, na ang mga ito ay tahasang sumasalungat sa mga kautusan ng Diyos.
37 At ngayon, ito ay nangyari na matapos ipadala ni haring Mosias ang mga bagay na ito sa mga tao, sila ay napaniwala sa katotohanan ng kanyang mga salita.
38 Samakatwid, tinalikdan nila ang kanilang pagnanais para sa isang hari, at naging labis na nanabik na ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pagkakataon sa lahat ng dako ng buong lupain; oo, at ang bawat tao ay nagpahayag ng pagkukusang-loob na managot sa kanyang sariling mga kasalanan.
39 Samakatwid, ito ay nangyari na tinipon nila ang kanilang sarili na magkakasama sa mga pangkat sa lahat ng dako ng lupain, upang ipahayag ang kanilang tinig hinggil sa kung sino ang dapat nilang maging mga hukom, na hahatol sa kanila alinsunod sa batas na ibinigay sa kanila; at labis silang nagalak dahil sa kalayaang ipinagkaloob sa kanila.
40 At tumibay ang kanilang pagmamahal kay Mosias; oo, at siya ay itinangi nila nang higit pa sa sinumang tao; sapagkat hindi nila siya itinuturing na isang malupit na pinuno na naghahangad na makinabang, oo, para sa yaong karangyaang sumisira sa kaluluwa; sapagkat hindi siya nangamkam ng kayamanan sa kanila, ni hindi siya nalugod sa pagpapadanak ng dugo; kundi kanyang itinatag ang kapayapaan sa lupain, at ipinagkaloob niya sa kanyang mga tao na palayain sila mula sa lahat ng uri ng pagkaalipin; kaya nga, kanilang itinangi siya, oo, nang labis, nang hindi masusukat.
41 At ito ay nangyari na naghirang sila ng mga hukom na mamamahala sa kanila, o hahatol sa kanila nang alinsunod sa batas; at ginawa nila ito sa lahat ng dako ng buong lupain.
42 At ito ay nangyari na nahirang si Alma na maging unang punong hukom, na siya ring mataas na saserdote, na iginawad na katungkulan sa kanya ng kanyang ama, at ibinigay sa kanya ang pamamahala hinggil sa lahat ng gawain ng simbahan.
43 At ngayon, ito ay nangyari na lumakad si Alma sa mga landas ng Panginoon, at sinunod niya ang kanyang mga kautusan, at humahatol siya ng matwid na paghahatol; at nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa lupain.
44 At sa gayon nagsimula ang pamamahala ng mga hukom sa lahat ng dako ng buong lupain ng Zarahemla, sa lahat ng tao na tinatawag na mga Nephita; at si Alma ang naging una at punong hukom.
45 At ngayon, ito ay nangyari na namatay ang kanyang ama, na nasa walumpu’t dalawang taong gulang, na nabuhay na isinasakatuparan ang mga kautusan ng Diyos.
46 At ito ay nangyari na namatay rin si Mosias, sa ikatatlumpu’t tatlong taon ng kanyang paghahari, na nasa animnapu’t tatlong taong gulang; na sa kabuuan, limang daan at siyam na taon mula sa panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem.
47 At sa gayon nagtapos ang paghahari ng mga hari sa mga tao ni Nephi; at sa gayon nagtapos ang mga araw ni Alma, na siyang nagtatag ng kanilang simbahan.