Mga Banal na Kasulatan
Mosias 7


Kabanata 7

Natagpuan ni Ammon ang lupain ng Lehi-Nephi, kung saan hari si Limhi—Ang mga tao ni Limhi ay nasa pagkaalipin sa mga Lamanita—Isinalaysay ni Limhi ang kanilang kasaysayan—Nagpatotoo ang isang propeta (si Abinadi) na si Cristo ang Diyos at Ama ng lahat ng bagay—Ang mga yaong nagpunla ng karumihan ay mag-aani ng buhawi, at ang mga yaong nagbigay ng kanilang pagtitiwala sa Panginoon ay maliligtas. Mga 121 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na matapos makatamasa si haring Mosias ng patuloy na kapayapaan sa loob ng tatlong taon, nagnais siyang malaman ang hinggil sa mga taong umahon upang manahan sa lupain ng Lehi-Nephi, o sa lungsod ng Lehi-Nephi; sapagkat ang kanyang mga tao ay walang anumang nabalitaan hinggil sa kanila mula pa noong panahong umalis sila sa lupain ng Zarahemla; kaya nga, binagabag siya ng kanilang mga panliligalig.

2 At ito ay nangyari na pinahintulutan ni haring Mosias na umahon sa lupain ng Lehi-Nephi ang labing-anim sa kanilang malalakas na kalalakihan, upang magsiyasat hinggil sa kanilang mga kapatid.

3 At ito ay nangyari na nagsimula silang umahon kinabukasan, kasama nila ang isang Ammon, siya na isang malakas at magiting na lalaki, at isang inapo ni Zarahemla; at siya rin ang kanilang pinuno.

4 At ngayon, hindi nila alam kung anong landas ang kanilang tatahakin sa ilang upang makaahon sa lupain ng Lehi-Nephi; kaya nga, nagpagala-gala sila ng maraming araw sa ilang, maging apatnapung araw silang nagpagala-gala.

5 At nang apatnapung araw na silang nagpagala-gala ay nakarating sila sa isang burol, na nasa hilaga ng lupain ng Silom, at doon nila itinayo ang kanilang mga tolda.

6 At isinama ni Ammon ang tatlo sa kanyang mga kapatid, at ang kanilang mga pangalan ay Amaleki, Helem, at Hem, at bumaba sila sa lupain ng Nephi.

7 At dinggin, nakaharap nila ang hari ng mga tao na nasa lupain ng Nephi, at sa lupain ng Silom; at pinalibutan sila ng mga bantay ng hari, at dinakip, at iginapos, at ipinasok sa bilangguan.

8 At ito ay nangyari na noong nasa ikalawang araw na sila sa bilangguan ay muli silang dinala sa harapan ng hari, at ang kanilang mga gapos ay kinalag; at tumayo sila sa harapan ng hari, at pinahintulutan, o sa madaling salita ay inutusan, na sagutin nila ang mga katanungang kanyang itatanong sa kanila.

9 At sinabi niya sa kanila: Dinggin, ako si Limhi, ang anak ni Noe, na anak ni Zenif, na lumisan sa lupain ng Zarahemla upang manahin ang lupaing ito, na lupain ng kanilang mga ama, na ginawang hari sa pamamagitan ng tinig ng mga tao.

10 At ngayon, nais kong malaman ang dahilan kung bakit nangahas kayong lumapit sa mga pader ng lungsod, kung ako nga rin ay kasama ng aking mga bantay sa labas ng pintuang-bayan?

11 At ngayon, sa dahilang ito kung kaya’t kayo ay pinahintulutan kong mabuhay, upang matanong ko kayo, o kung hindi ay ipinapatay ko na sana kayo sa aking mga bantay. Pinahihintulutan kayong makapagsalita.

12 At ngayon, nang matanto ni Ammon na siya ay pinahihintulutang makapagsalita, lumapit siya at yumukod sa harapan ng hari; at nang muling tumayo ay sinabi niya: O hari, labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa araw na ito na nabubuhay pa ako, at pinahihintulutang makapagsalita; at mangangahas akong magsalita pa;

13 Sapagkat nakatitiyak ako na kung nakikilala ninyo ako ay hindi ninyo pahihintulutang ako ay magapos. Sapagkat ako si Ammon, at isa akong inapo ni Zarahemla, at naglakbay mula sa lupain ng Zarahemla upang magsiyasat hinggil sa aming mga kapatid, na inilabas ni Zenif mula sa lupaing yaon.

14 At ngayon, ito ay nangyari na matapos marinig ni Limhi ang mga salita ni Ammon, labis siyang nagalak, at nagsabing: Ngayon, nalalaman ko nang may katiyakan na ang aking mga kapatid na nasa lupain ng Zarahemla ay buhay pa. At ngayon, ako ay magsasaya; at bukas ay papapangyarihin ko na magsaya rin ang aking mga tao.

15 Sapagkat dinggin, kami ay nasa pagkaalipin sa mga Lamanita, at nabubuwisan ng buwis na napakabigat dalhin. At ngayon, dinggin, palalayain tayo ng ating mga kapatid mula sa ating pagkaalipin, o mula sa mga kamay ng mga Lamanita, at magiging mga alipin nila tayo; sapagkat higit na mabuting maging mga alipin tayo ng mga Nephita kaysa magbayad ng buwis sa hari ng mga Lamanita.

16 At ngayon, inutusan ni haring Limhi ang kanyang mga bantay na hindi na nila dapat igapos pa si Ammon ni ang kanyang mga kapatid, kundi iniutos na sila ay magtungo sa burol na nasa hilaga ng Silom, at dalhin ang kanilang mga kapatid sa lungsod, nang sa gayon sila ay makakain, at makainom, at maipahinga ang kanilang sarili mula sa hirap ng kanilang paglalakbay; sapagkat maraming bagay ang kanilang dinanas; nagdanas sila ng gutom, uhaw, at pagod.

17 At ngayon, ito ay nangyari na kinabukasan, si haring Limhi ay nagpadala ng pahayag sa lahat ng kanyang mga tao, nang sa gayon sama-sama nilang matipon ang kanilang sarili sa templo, upang pakinggan ang mga salitang kanyang sasabihin sa kanila.

18 At ito ay nangyari na nang sama-samang matipon nila ang sarili na nangusap siya sa kanila sa ganitong pamamaraan, sinasabing: O kayo, aking mga tao, itaas ang inyong mga ulo at maalo; sapagkat dinggin, nalalapit na ang panahon, o hindi na nalalayo, na hindi na tayo masasakop pa ng ating mga kaaway, sa kabila ng marami nating pakikibaka, na nauwi sa wala; ngunit nananalig ako na mayroon pang nananatiling isang mabisang pakikibaka na magagawa.

19 Samakatwid, itaas ang inyong mga ulo, at magsaya, at ibigay ang inyong tiwala sa Diyos, sa yaong Diyos na Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob; at gayundin, ang yaong Diyos na naglabas sa mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, at pinapangyari na sila ay makalakad sa Dagat na Pula sa ibabaw ng tuyong lupa, at pinakain sila ng manna upang hindi sila mangasawi sa ilang; at marami pang bagay ang kanyang ginawa para sa kanila.

20 At muli, ang yaon ding Diyos ang naglabas sa ating mga ama sa lupain ng Jerusalem, at nag-aruga at nangalaga sa kanyang mga tao maging hanggang sa ngayon; at dinggin, dahil sa ating kasamaan at mga karumal-dumal na gawain kaya tayo ay dinala niya sa pagkaalipin.

21 At lahat kayo ay mga saksi sa araw na ito, na si Zenif, na ginawang hari ng mga taong ito, siya na naging labis na sabik na manahin ang lupain ng kanyang mga ama, kaya nga, dahil sa nalinlang ng katusuhan at pandaraya ni haring Laman, na nakipagkasundo kay haring Zenif, at matapos isuko sa kanyang mga kamay ang pag-aari ng isang bahagi ng lupain, o maging ang lungsod ng Lehi-Nephi, at ang lungsod ng Silom; at ang lupain sa paligid—

22 At ang lahat ng ito ay kanyang ginawa, dahil sa natatanging layuning dalhin ang mga taong ito sa pagkasakop o pagkaalipin. At dinggin, tayo sa panahong ito ay nagbabayad ng buwis sa hari ng mga Lamanita, na umaabot sa kalahati ng ating mga mais, at ng ating sebada, at maging bawat uri ng lahat ng ating mga butil, at kalahati ng tubo ng ating mga kawan at bakahan; at maging kalahati ng lahat ng mayroon tayo o inaari ay sinisingil sa atin ng hari ng mga Lamanita, o ang ating mga buhay.

23 At ngayon, hindi ba ito mabigat dalhin? At hindi ba itong ating pagdurusa ay labis? Ngayon, dinggin, anong laking dahilan upang tayo ay magdalamhati.

24 Oo, sinasabi ko sa inyo, napakalaki ng mga dahilan upang tayo ay magdalamhati; sapagkat dinggin, kayrami na sa ating mga kapatid ang napatay, at ang kanilang dugo ay dumanak nang walang kabuluhan, at lahat ay dahil sa kasamaan.

25 Sapagkat kung hindi sana nangahulog sa paglabag ang mga taong ito ay hindi sana pinahintulutan ng Panginoon na sumapit ang malaking kapahamakang ito sa kanila. Subalit dinggin, ayaw nilang makinig sa kanyang mga salita; kundi nagkaroon ng mga alitan sa kanila, maging napakarami hanggang sa dumanak ang dugo sa kanila.

26 At isang propeta ng Panginoon ang kanilang pinatay; oo, isang piniling tao ng Diyos, na nagsabi sa kanila tungkol sa kanilang mga kasamaan at karumal-dumal na gawain, at nagpropesiya ng maraming bagay na mangyayari, oo, maging ang pagparito ni Cristo.

27 At dahil sa sinabi niya sa kanila na si Cristo ang Diyos, ang Ama ng lahat ng bagay, at sinabing mag-aanyong tao siya, at ito ang anyo kung saan iwinangis ang tao sa simula; o sa ibang mga salita, sinabi niyang nilikha ang tao na kawangis ng Diyos, at na ang Diyos ay bababa sa mga anak ng tao, at magkakaroon siya ng laman at dugo, at hahayo sa balat ng lupa—

28 At ngayon, dahil sa sinabi niya ito ay kanilang pinatay siya; at marami pang bagay ang kanilang ginawa na nagdala ng kapootan ng Diyos sa kanila. Samakatwid, sino ang magtataka na sila ay nasa pagkaalipin, at sila nga ay binagabag ng matitinding paghihirap?

29 Sapagkat dinggin, sinabi ng Panginoon: Hindi ko tutulungan ang aking mga tao sa araw ng kanilang paglabag; kundi hahadlangan ko ang kanilang mga landas nang hindi sila umunlad; at ang kanilang mga gawa ay magiging isang batong katitisuran nila.

30 At muli, sinabi niya: Kung magpupunla ng karumihan ang aking mga tao, aanihin nila ang ipa niyon sa buhawi; at ang kahihinatnan nito ay lason.

31 At muli, sinabi niya: Kung magpupunla ng karumihan ang aking mga tao, aanihin nila ang hanging silangan, na nagdadala ng dagliang pagkalipol.

32 At ngayon, dinggin, ang pangako ng Panginoon ay natupad, at kayo ay pinarurusahan at naghihirap.

33 Subalit kung kayo ay babaling sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, at ibibigay ang tiwala ninyo sa kanya, at paglilingkuran siya nang buong pagsusumigasig ng pag-iisip, kung gagawin ninyo ito, siya, alinsunod sa kanyang sariling kalooban at kagalakan, ay palalayain kayo mula sa pagkaalipin.