Kabanata 8
Tinuruan ni Ammon ang mga tao ni Limhi—Nalaman niya ang tungkol sa dalawampu’t apat na lamina ng mga Jaredita—Ang mga sinaunang talaan ay maaaring isalin ng mga tagakita—Walang kaloob ang hihigit pa kaysa sa pagka-tagakita. Mga 121 B.C.
1 At ito ay nangyari na matapos mangusap si haring Limhi sa kanyang mga tao, sapagkat marami siyang sinabi sa kanila at kaunti lamang sa mga yaon ang aking isinulat sa aklat na ito, sinabi niya sa kanyang mga tao ang lahat ng bagay hinggil sa kanilang mga kapatid na nasa lupain ng Zarahemla.
2 At iniutos niya na si Ammon ay tumayo sa harapan ng maraming tao, at ilahad sa kanila ang lahat ng nangyari sa kanilang mga kapatid mula sa panahong umahon si Zenif mula sa lupain maging hanggang sa panahong siya rin ay dumating sa lupain.
3 At inilahad din niya sa kanila ang mga huling salitang itinuro ni haring Benjamin sa kanila, at ipinaliwanag ang mga ito sa mga tao ni haring Limhi, nang sa gayon maunawaan nila ang lahat ng salitang kanyang sinabi.
4 At ito ay nangyari na nang matapos niyang gawin ang lahat ng ito, na pinauwi ni haring Limhi ang maraming tao, at pinapangyari na ang bawat isa sa kanila ay magsibalik na sa kani-kanilang tahanan.
5 At ito ay nangyari na iniutos niya na dalhin sa harapan ni Ammon ang mga laminang naglalaman ng mga tala ng kanyang mga tao mula noong panahong umalis sila sa lupain ng Zarahemla, upang kanyang mabasa ang mga ito.
6 Ngayon, pagkatapos na pagkatapos mabasa ni Ammon ang talaan, nagtanong ang hari sa kanya upang malaman kung siya ba ay makapagbibigay-pakahulugan sa mga wika, at sinabi ni Ammon sa kanya na hindi siya marunong.
7 At sinabi ng hari sa kanya: Dahil sa pagdadalamhating sanhi ng paghihirap ng aking mga tao, iniutos ko na apatnapu’t tatlo ng aking mga tao ang maglakbay sa ilang, nang sa gayon ay baka sakaling matagpuan nila ang lupain ng Zarahemla, upang makapagsumamo kami sa aming mga kapatid na palayain kami mula sa pagkaalipin.
8 At naligaw sila sa ilang sa loob ng maraming araw, ngunit nagsumigasig sila, at hindi natagpuan ang lupain ng Zarahemla kundi bumalik sa lupaing ito, matapos maglakbay sa isang lupain sa gitna ng maraming tubig, matapos matagpuan ang isang lupaing nagkalat ang mga buto ng tao, at ng mga hayop, at nagkalat din ang mga guho ng bawat uri ng gusali, matapos matagpuan ang isang lupaing tinirahan ng mga taong kasindami ng mga hukbo ng Israel.
9 At bilang patunay na totoo ang mga bagay na kanilang sinabi ay nagdala sila ng dalawampu’t apat na lamina na puno ng mga ukit, at gawa ang mga ito sa lantay na ginto.
10 At dinggin din, nagdala sila ng mga baluti sa dibdib, na malalaki, at gawa ang mga ito sa tanso at tumbaga, at walang mga sira.
11 At muli, nagdala sila ng mga espada, ang mga puluhan niyon ay sira na, at ang mga talim niyon ay kinain na ng kalawang; at walang sinuman sa lupain ang makapagbigay-pakahulugan ng wika o ng mga ukit na nasa mga lamina. Samakatwid, sinabi ko sa iyo: Marunong ka bang magsalin?
12 At sinasabi ko sa iyong muli: May kilala ka bang marunong magsalin? Sapagkat nais kong maisalin sa aming wika ang mga talaang ito; sapagkat, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman tungkol sa labi ng mga taong nalipol, kung saan ang mga talaang ito ay nanggaling; o, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman tungkol na rin sa mga taong ito na nalipol; at nais kong malaman ang sanhi ng kanilang pagkalipol.
13 Ngayon, sinabi ni Ammon sa kanya: Ako ay tiyak na makapagsasabi sa inyo, O hari, tungkol sa isang lalaking makapagsasalin sa mga talaan; sapagkat may magagamit siya sa pagtingin, at pagsalin ng lahat ng talaang sinauna; at kaloob ito mula sa Diyos. At ang mga bagay na ito ay tinatawag na mga pansalin, at walang sinumang makatitingin sa mga yaon maliban kung inutusan siya, at baka tingnan niya ang yaong hindi nararapat at masawi siya. At kung sinuman ang inutusang tumingin dito, siya rin ay tinatawag na tagakita.
14 At dinggin, ang hari ng mga tao na nasa lupain ng Zarahemla ang taong inutusan upang gawin ang mga bagay na ito, at siyang may taglay nitong mataas na kaloob mula sa Diyos.
15 At sinabi ng hari na ang tagakita ay higit pa kaysa propeta.
16 At sinabi ni Ammon na ang tagakita ay tagapaghayag at propeta rin; at isang kaloob na nakahihigit na hindi maaaring makamtan ng sinuman, maliban kung taglay niya ang kapangyarihan ng Diyos, na walang sinuman ang maaaring magtaglay; bagama’t maaaring magtaglay ang isang tao ng dakilang kapangyarihan na ibinigay sa kanya mula sa Diyos.
17 Subalit maaaring malaman ng tagakita ang mga bagay na nakalipas na, at gayundin ang mga bagay na mangyayari pa lamang, at sa pamamagitan nila ay ipahahayag ang lahat ng bagay, o, sa madaling salita, ang mga lihim na bagay ay maipaaalam, at ang mga nakatagong bagay ay malalagay sa liwanag, at ang mga bagay na hindi pa nalalaman ay ipaaalam nila, at ang mga bagay rin na hindi sana malalaman ay maipaaalam nila.
18 Sa gayon, ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang taong yaon, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala; kaya nga, siya ay naging malaking kapakinabangan sa kanyang kapwa.
19 At ngayon, nang matapos si Ammon sa pangungusap ng mga salitang ito ay labis na nagsaya ang hari, at nagbigay-pasasalamat sa Diyos, sinasabing: Walang alinlangan na isang malaking hiwaga ang nilalaman ng mga laminang ito, at ang mga pansaling ito ay walang alinlangang inihanda para sa layunin ng paglalahad ng mga hiwagang ganito sa mga anak ng tao.
20 O kagila-gilalas ang mga gawa ng Panginoon, at gaano katagal niyang titiisin ang kanyang mga tao; oo, at napakabulag at hindi maarok ang mga pang-unawa ng mga anak ng tao; sapagkat ayaw nilang maghangad ng karunungan, ni hindi nila nais na mamuno siya sa kanila!
21 Oo, para silang mga ligaw na kawan na nagsisitakas mula sa pastol, at nagsikalat, at nataboy, at mga sinila ng mga hayop sa kagubatan.