PJS, Mateo 21:33 (ihambing sa Mateo 21:32–33)
(Kailangang magsisi ang tao bago siya maaaring maniwala kay Cristo.)
33 Sapagkat siya na hindi naniwala kay Juan nang hinggil sa akin, ay hindi magagawang maniwala sa akin, maliban kung siya muna ay magsisisi.
PJS, Mateo 21:47–56 (ihambing sa Mateo 21:45–46)
(Ipinahayag ni Jesus na siya ang batong panulok. Ang ebanghelyo ay inihandog sa mga Judio at pagkatapos ay sa mga Gentil. Malilipol ang masasama sa pagbabalik ni Jesus.)
47 At nang marinig ng mga punong saserdote at Fariseo ang kanyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kanyang sinasabi.
48 At sinabi nila sa isa’t isa, Sa palagay ba ng taong ito na siya lamang ang tanging makasisira sa dakilang kahariang ito? At sila ay nagalit sa kanya.
49 At nang sila ay nagsisihanap ng paraan upang siya ay dakpin, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagkat napag-alaman nila na ipinalalagay ng marami na siya ay propeta.
50 At ngayon nagsilapit sa kanya ang kanyang mga disipulo, at sinabi ni Jesus sa kanila, Nagtataka ba kayo sa mga salita ng talinghaga na winika ko sa kanila?
51 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Ako ang bato, at sila na masasama ay itinanggi ako.
52 Ako ang pangulo ng panulok. Ang mga Judiong ito ay ipagkakanulo ako, at mawawasak.
53 At ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa kanila, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga; (tinutukoy ang mga Gentil.)
54 Kaya nga, sinuman ang malagpakan ng batong ito, siya ay pangangalating gaya ng alabok.
55 At kaya nga sa pagparito ng Panginoon ng ubasan, lilipulin niya yaong mga kahabag-habag, na taong masasama, at muling ipagkakatiwala ang kanyang ubasan sa ibang mga magsasaka, maging sa mga huling araw, na magbibigay sa kanya ng bunga sa panahon nito.
56 At nang sa gayon ay naunawaan nila ang winika niyang talinghaga sa kanila, na ang mga Gentil ay malilipol din, sa panahon ng pagpanaog ng Panginoon mula sa langit upang mamahala sa kanyang ubasan, na tinutukoy ang lupa at ang mga naninirahan dito.