2022
Ano ang Kinalaman ng Talinghaga ng mga Talento sa Aking Tungkulin bilang Piyanista ng Primary
Hulyo 2022


“Ano ang Kinalaman ng Talinghaga ng mga Talento sa Aking Tungkulin Bilang Piyanista sa Primary,” Liahona, Hulyo 2022.

Mga Young Adult

Ano ang Kinalaman ng Talinghaga ng mga Talento sa Aking Tungkulin bilang Piyanista sa Primary

Alam ng Panginoon kung paano gamitin ang ating mga talento para pagpalain tayo at ang mga taong pinaglilingkuran natin.

paglalarawan ng piano keyboard

“Tatanggalin ko ang aking hearing aids at maglalakad sa bulwagan hanggang sa hindi ko na kayo marinig. Tingnan natin kung hanggang saan ako makakaabot!” bulalas ng Primary president, na nagpapahiwatig na magsimula na ako. Sinimulan kong tugtugin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48) sa piano, at nagsimulang kumanta ang isang koro ng mga bata.

Kapag hindi natin sinusukat kung gaano kalakas ang pagkanta ng mga bata sa Primary, kumakanta tayo ng mga awitin sa iba’t ibang bilis na may kasamang mga aksiyon. Ngayon lang ako nagbalik sa Primary mula nang mag-12 anyos ako, at hindi ako makapaniwala kung gaano kasaya ang lugar na ito.

Ilang taon na ang nakalipas, hindi ko iisipin na ang pagtugtog ng mga awitin sa Primary bawat linggo ang pangunahing paraan ng paggamit ko ng aking kakayahan sa musika. Masigasig akong nagsanay sa piano at biyolin sa halos buong buhay ko at naniwala ako sa mahabang panahon na lagi akong mananatiling abala sa musika.

Ngunit kalaunan sa kolehiyo, ang katotohanan ng pagtatapos ng degree at pagkakaroon ng full-time na trabaho ang kailangan. Ang pagpapraktis kasama ng mga orkestra sa loob ng ilang oras sa isang linggo at ang masigasig na pagpapraktis nang mag-isa ay hindi na ang prayoridad ko. Mahal ko pa rin ang musika at sinikap na maupo nang madalas sa harapan ng music stand para mapanatili ang aking mga kakayahan, pero halos tumigil na ako sa pagtatanghal.

Gayunman, kamakailan lang ay naging OK na ako rito. Ang paggamit ng talento ko sa Primary ay naiiba sa mga kompetisyon at mahihirap na pagtatanghal na pinaghandaan ko noon nang husto, pero sa ilang paraan ay mas mabuti ito para sa akin. Isa ito sa mga pagkakataon na talagang nadama ko na nagamit ko ang aking mga talento para sa ikabubuti ng iba.

Pagbabahagi ng Aking mga Talento

Sa talinghaga ng mga talento, inaasahan ng panginoon na gagawa ang kanyang mga lingkod ng mga dakilang bagay gamit ang mga talento na ibinibigay niya sa kanila. Bagama’t iba-iba ang dami na ibinibigay niya ayon sa kanilang mga kakayahan, inaasahan sa huli na gagamitin ng bawat alipin ang mga talento sa paraang madaragdagan ang dati nilang talento (tingnan sa Mateo 25:15, 21).

Talagang sineryoso ko ang talinghagang ito noong bata pa ako. Bagama’t ang mga talento sa talinghaga ay mga halaga ng pera, maitutulad ang mga ito sa ating mga personal na kasanayan at kakayahan, at nais kong sikaping pagbutihin ang aking sarili at paramihin ang mga talentong mayroon ako. Kaya kapag puno ako ng mga responsibilidad bilang estudyante sa kolehiyo, madalas ay hindi maganda ang pakiramdam ko dahil hindi ko nagagamit ang lahat ng pinagsanayan ko sa musika. Inisip ko na baka katulad ako ng lalaking takot na “itinago ang [kanyang] talento sa lupa,” ibinaon ito dahil sa takot na mawala ito (Mateo 25:25).

Pero nang simulan ko ang bago kong tungkulin, hindi ko naramdaman iyon. Bagama’t hindi ako masyadong nagsisikap na tulad ng dati, nagagalak ako tuwing uupo ako para tumugtog ng piyano sa sulok ng silid ng Primary dahil alam kong naglilingkod ako sa mga bata.

Nang ilarawan ni Jesucristo kung paano dinagdagan ng lalaking may limang talento ang kanyang mga talento, sinabi Niya na ang lalaki ay “umalis at nangalakal” (Matthew 25:16). Sa madaling salita, kinailangang ibahagi ng lalaki sa iba kung ano ang mayroon siya para humusay at umunlad.

Natanto ko na ang pagtugtog ko ng piyano para sa maraming bata na hindi mapakali tuwing Linggo ay hindi nangangahulugan na hindi ko ginagawa ang lahat sa abot-kaya ko. Ang pagtugtog sa Primary ay pangangalakal; sinasaliwan ko sila, at nasaksihan ko ang magagandang patotoo ng mga bata sa aking ward. Kapag mas maraming oras ang ginugugol ko sa sulok ng silid ng Primary, lalo kong nadarama na nagbibigay ito sa akin ng “pag-unlad.”

Pinagpapala ng Ating mga Tungkulin

Naniniwala ako na inspirado ang pagtawag. Dumating ito sa buhay ko na nahihirapan ako sa aking pananampalataya at kadalasan ay nahihirapan sa buhay. Ang tawag o tungkuling ito ay paalala na dapat kong palakasin ang aking saligan sa ebanghelyo at magtuon sa kasimplehan at kagandahan ng mga walang-hanggang katotohanan. Napalakas ko ang aking patotoo kasama ang mga batang pinaglilingkuran ko, na isa sa mga tunay na layunin ng mga tungkulin.

Maaaring mahirap ang mga tungkulin; kung minsa’y tinatawag tayong gawin ang mga bagay na sa pakiramdam natin ay hindi tayo kwalipikado at nauubos nito ang ating oras. Kung minsan naman ay kabaligtaran ito—maaaring pakiramdam natin ay hindi lubos na nagagamit ang ating abilidad at mas mainam na ituon ang ating mga pagsisikap sa ibang bagay. Ngunit alam ng Panginoon kung paano gamitin ang ating mga talento sa paraang nagpapala hindi lamang sa mga taong pinaglilingkuran natin kundi maging sa ating sarili.

Tulad ng natutuhan ko mula sa sarili kong karanasan, ang anumang pagsisikap natin para mapaglingkuran ang Panginoon ay nakadaragdag sa ating buhay. Kung ilalaan natin ang ating panahon at mga talento sa Panginoon, palagi Niyang gagamitin ang mga ito para sa ating ikabubuti.