2022
3 Makapangyarihang mga Katotohanang Natutuhan Ko Habang Naglilingkod Bilang Temple Worker
Hulyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

3 Makapangyarihang mga Katotohanang Natutuhan Ko Habang Naglilingkod Bilang Temple Worker

Habang naglilingkod sa templo, nakatanggap ako ng tahimik na mensahe mula sa Panginoon na nagsasabi sa akin na alam Niya ang tungkol sa akin at mahal Niya ako.

Manti Utah Temple

Isang araw habang nasa stake fireside, nadama ko na kailangan akong maglingkod sa templo. Nagulat ako dahil hindi ko pa naisip ang ideyang iyon, pero kinausap ko ang bishop ko tungkol dito, at sumuporta siya at natuwa sa kagustuhan kong maglingkod.

Makalipas ang ilang buwan, naging ordinance worker ako sa Manti Utah Temple. Bagama’t nasabik ako sa oportunidad, medyo nag-alala ako na baka maging pabigat iyon sa oras ko. Iyon ang simula ng sophomore year ko sa kolehiyo, at palagi kong sinisikap na manatiling abala sa pag-aaral. Palagi akong kumukuha ng 18 credits bawat semestre at tumatanggap ng posisyon bilang lider sa pahayagan ng mga estudyante at sa literary journal ng kolehiyo.

Ang kinalabasan, nagkamali ako. Hindi naman pala pabigat ang paglilingkod, kundi isang biyayang pahahalagahan ko habambuhay.

May tatlong bagay lang akong gustong ibahagi na natutuhan ko noong ordinance worker ako.

1. Personal tayong kilala ng Ama sa Langit at nais Niya ang pinakamabuti para sa atin.

Kinabahan ako nang magsimula akong maglingkod sa templo dahil alam ko na kailangan kong isaulo ang mga salita sa lahat ng ordenansa. Nag-alala ako na baka magkamali ako, kaya gumugol ako ng maraming oras sa pag-aaral ng mga salita para matiyak na mabibigkas ko nang tama ang mga iyon. At bagaman may narinig akong mga kuwento tungkol sa mga worker na nadamang tinulungan sila ng Espiritu Santo na mabilis na maisaulo ang mga salita, hindi ko naranasan iyon.

Kung minsa’y naiinis ako na nahihirapan akong isaulo ang mga salita. Halos isang buwan kong inaral ang mga salita sa unang ordenansa. Pero sa paglingon ko sa nakaraan, natanto ko na isang napakagandang pagpapala ang paghihirap ko. Nagawa kong umupo sa bahay ng Panginoon at pag-aralan ang mga salita ng mga ordenansa nang ilang oras. At ang pagpapalalim ng aking pang-unawa sa mga salitang iyon ay nagdulot ng kapayapaan at kapangyarihan sa buhay ko. Nakilala ko ang tinig ng Panginoon nang mas malinaw at mas madalas kapwa noong nasa loob at nasa labas ako ng templo.

Ang karanasang ito ay isang patotoo sa akin na personal tayong kilala ng Ama sa Langit at alam Niya kung anong mga karanasan ang magiging higit na kapaki-pakinabang sa atin. Ang pagkakataong pagbulayan ang mga ordenansa ay nagbigay sa akin ng mas magandang pang-unawa sa sinasabi ng mga ordenansa at nagpalakas sa hangarin kong tuparin ang mga tipang ginawa ko sa templo.

2. Sakdal ang pagmamahal sa atin.

Sa unang pagkakataon kong magtrabaho sa veil sa templo, nagkaroon ako ng pagkakataong tulungan ang isang patron na Espanyol ang salita. Medyo mahusay akong magsalita ng Espanyol noon, kaya napakahalaga sa akin na natulungan ko ang sister na iyon sa kanyang ordenansa sa templo sa isang wikang pamilyar sa akin. Isa ring pagpapala iyon sa akin dahil talagang kabado ako sa pag-alaala sa mga salita, at para epektibong maisalin ay nagawa kong basahin ang mga salita ng ordenansa.

Nang hilingan akong tumulong sa ordenansa sa Espanyol, pakiramdam ko ay nakatanggap ako ng tahimik na mensahe mula sa Ama sa Langit na ipinapaalam sa akin na alam Niya kung nasaan ako at sakdal ang pagmamahal Niya sa akin. Ang maranasan ang ordenansang ito sa ibang wika ay nakatulong din sa akin na mas maunawaan ito dahil nakapagtuon ako sa Espiritu na nagpapatotoo sa akin sa katotohanan nito. At mas naunawaan ko ang kahulugan ng maging bahagi ng pandaigdigang Simbahan na puno ng maraming iba’t ibang kultura at wika, at ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak.

3. Ang templo ay nagbibigay sa atin ng access sa kapangyarihan ng Diyos.

Sa isa pang pagkakataon na tinulungan ko ang isang patron sa veil, nagulat akong makita na ang nobyo ko ang worker na tumutulong sa akin. Sa kanyang mukha nakita ko ang Liwanag ni Cristo. Nadama ko na naroon ako sa dapat kong kalagyan noon. Nakadama ako ng labis na pagmamahal para sa nobyo ko at ng pag-asa sa pagsasama namin sa hinaharap.

Nadama ko rin ang kapangyarihang nagmumula sa pagkakaroon ng personal na kaugnayan kay Jesucristo at pagtupad sa aking mga tipan. Naalala ko na, basta’t ginagawa ko ang kalooban ng Diyos, magkakaroon ako ng kaligtasan at kapayapaan. Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Lahat ng bagay na itinuturo sa templo … ay nagdaragdag sa ating pang-unawa kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”1

Ang pagiging ordinance worker sa templo ay talagang nakatulong sa akin na mas maunawaan ang kapangyarihan ng mga tipang ginagawa natin at ang lakas na hatid ng mga ito. Hindi lahat ay makapaglilingkod bilang ordinance worker, ngunit mapagsisikapan pa rin nating lahat na maglingkod sa templo nang kasindalas ng makakaya natin. Sa paggawa nito, alam kong madarama natin ang kapangyarihang hatid nito sa ating buhay, at mas mapapalapit tayo kay Jesucristo at mapalalakas ang ating espirituwal na pundasyon.