2022
Pagtanggap ng Kagalakan at Lakas sa Pagtupad ng mga Tipan sa Templo
Hulyo 2022


Digital Lamang

Pagtanggap ng Kagalakan at Lakas sa Pagtupad ng mga Tipan sa Templo

Ang pagdalo sa templo nang mag-isa ay maaaring mahirap kung minsan, ngunit pinupuspos tayo ng Ama sa Langit ng Kanyang dalisay na pagmamahal, kalakasang walang-maliw, at walang-hanggang kagalakan kapag nagsisikap tayong tuparin ang ating mga tipan sa templo.

Paalala: Ang artikulong ito ay narebyu na ng Temple Department.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

babaeng nakaupo sa harap ng templo

Larawan na ginamitan ng modelo

Bilang miyembro ng Simbahan na wala pang asawa, mahigit 18 taon na akong na-endow nang walang kasamang asawa sa templo. Para sa ilan sa atin na ganito ang sitwasyon, pati na ang mga diborsyado, balo, o may-asawa ngunit ang asawa ay walang current temple recommend, kadalasa’y mahirap maglingkod at sumamba sa templo. Maaaring lalo nating nadarama na nag-iisa tayo dahil sa mga mensahe ng walang-hanggang kasal at pamilya na nakalangkap sa lahat ng ordenansa. Kahit ramdam ko rin ang mga paghihirap na ito paminsan-minsan, natanto ko na sa halip na magtuon sa kung natanggap ko na ba o hindi ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa templo, maaari akong magtuon sa pag-aalay ng lahat ng kaya kong ibigay sa loob—at sa labas—ng templo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

si Simeon nang makadaup-palad ang batang Cristo

Simeon Reverencing the Christ Child [Si Simeon na Nagpipitagan sa Batang Cristo], ni Greg K. Olsen

Sa loob ng limang taon, nagtrabaho ako bilang secretary ng temple president sa Salt Lake Temple. Isang magandang painting, “Simeon Reverencing the Christ Child,” ang nakasabit sa dingding malapit sa mesa ko. Ipinapakita roon sina Maria at Jose na inaalay si Jesus sa templo at nag-aalay ng isang pares ng mga kalapati ayon sa batas ni Moises, isa para sa handog sa kasalanan at isa para sa handog na susunugin (tingnan sa Levitico 12:6, 8).

Kapag napaparaan ako sa painting, parang sa akin mismo nakatingin ang mga ibon, at nadarama ko na parang ginagamit ng Panginoon ang simbolikong imaheng ito para tanungin ako ng, “Ano ang maibibigay mo kapag inialay mo ang iyong sarili sa Akin?”

Madalas kong madama sa sarili ko, “Ako ang handog na iaalay sa Kanya.” Buong buhay ko—ang pagsunod ko sa aking mga tipan sa Kanya—ang aking huling kaloob at handog, ang aking “kabanalan sa Panginoon.”

Tulad ng paanyaya sa atin ni Apostol Pablo, maaari nating “ialay ang [ating] mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Dios, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod” (Roma 12:1; idinagdag ang diin). Para sa akin, ang bahagi ng handog na buhay na ito sa Diyos ay maaaring kabilangan ng aking handog na

  • tuparin ang aking mga pangakong nagawa sa Kanya sa pamamagitan ng aking mga tipan sa templo,

  • sikaping igalang at sundin ang mga kautusan,

  • “hayaang manaig ang Diyos”1 sa pamamagitan ng pag-una sa Kanya sa aking pang-araw-araw na buhay,

  • maglingkod sa iba sa likas at mapag-arugang mga paraan tulad ng gagawin ni Cristo,

  • magpasalamat sa mga oportunidad na naibigay sa akin ng Ama sa Langit na makilahok sa Kanyang gawain sa lupa,

  • at maging handang magtiwala sa Panginoon habang ginagabayan Niya ako sa iba’t ibang landas na nailaan Niya para sa aking buhay.

Tuwing maghahangad at makikinig tayo sa paghahayag, alam ko na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na malaman kung anong mga handog ang ibibigay sa Kanya araw-araw at sa buong buhay natin.

Ang Pagmamahal at mga Pangako ng Panginoon

Habang sinisikap kong magbigay ng banal na handog sa Diyos sa paraan ng pagpili kong mamuhay, alam na alam ko na sa pamamagitan lamang ng aking Tagapagligtas at ng Kanyang walang-hanggang sakripisyo magiging posible ito. At “walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo” (Mosias 3:17). Ang mahalagang kaalamang ito ay nag-aangat sa akin at nagbibigay ng dagdag na lakas para pag-butihin ang aking personal na relasyon sa Kanya.

Nang dumating si Cristo sa mga lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang mga Nephita ay “isa-isang nagsilapit … at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan … na ito ay siya nga … na paparito” (3 Nephi 11:15; idinagdag ang diin).

Nakadama ako ng gayon ding magiliw na katiyakan noong araw na pumasok ako sa templo para tanggapin ang aking endowment. Habang inihahatid ako papunta sa lugar para sa ordenansa ng initiatory, ang puso ko (gayundin ang paligid) ay lubhang kalmado at tahimik. Bawat bahagi ng ordenansa ay nagpaalala sa akin kung gaano kapersonal ang aking kaligtasan at kung paano ipinapakita ang magiliw na pagmamahal ni Cristo sa bawat isa sa atin. Naganyak ako nitong pagnilayan ang kahalagahan ng aking mga tipan.

Simula noong araw na iyon, kumapit na ako nang mahigpit sa lakas na natamo ko mula sa patuloy na hangaring tuparin ang aking mga pangako sa Kanya, at lalo kong pinanghawakan ang Kanyang mga pangako sa akin.

Halimbawa, ang ilang partikular na pagpapalang ipinangako sa ordenansa ng initiatory na may kaugnayan sa kasal ay hindi pa nailahad sa akin. Alam ko na maaaring paminsan-minsa’y natural ang mahirapan nang may limitadong mortal na pananaw, ngunit lubos akong naniniwala na nakikita ng Panginoon ang lahat ng bagay na nasa Kanyang harapan ngayon2—maging ang mga kinasasabikan nating matanggap sa hinaharap.

Kapag nangungusap ang Tagapagligtas, maaari tayong magtiwala na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako, sapagkat Siya ay laging mapagkakatiwalaan. At sa Kanyang napakatalino at walang-hanggang pananaw, ang Kanyang bahagi sa tipan ay natupad na.

Mababasa sa isang paborito kong talata sa banal na kasulatan:

“Ang Diyos ay makapangyarihan tungo sa katuparan ng lahat ng kanyang salita.

“Sapagkat tutuparin niya ang lahat ng kanyang pangako na gagawin niya sa iyo” (Alma 37:16–17; idinagdag ang diin).

Ang malalim na pagpapahayag na ito ay nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at lakas na sumulong!

Magalak na Umunlad

Ang paniniwala at pagtitiwala sa mga pangakong ito—kahit may ilan na “[na]sa malayo” (Hebreo 11:13)—ay maaaring umakay sa atin sa pagtanggap ng higit na kakayahang magalak na umunlad sa ating buhay kapwa ngayon at kalaunan. Ang buhay ay hindi nawawalan ng mga hamon, anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon. Ang mga pagsubok ay bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, ngunit gayon din ang kaligayahan.

Bilang mga miyembrong walang asawa sa ngayon, maaaring umaasam tayong magkaroon ng katuwang at mapabilang sa paglalakbay na ito sa mortalidad na kung minsa’y parang isang malungkot at mapanglaw na mundo. Ngunit ang pananatiling malapit kay Cristo ay magdudulot sa atin ng lakas at walang-hanggang kaligayahan.

At ipinaalala sa atin ni Alma na “ang Panginoon ang naglaan para sa kanila upang hindi sila magutom, ni ang sila ay mauhaw; oo, at kanya ring binigyan sila ng lakas, upang hindi sila magdanas ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38; idinagdag ang diin).

Nagpapasalamat ako na dahil naigalang ko ang aking mga tipan sa binyag at sa templo sa aking handog sa Kanya, naglaan si Cristo—at patuloy na maglalaan—para sa aking mga pangangailangan, espirituwal man, temporal, o emosyonal. Napuspos din ako ng “kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip” (Filipos 4:7), at nagbibigay-kakayahan sa akin na matiis ang aking paglalakbay sa buhay nang may kagalakan.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula at dahil [kay Jesucristo]. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”3

Isang Handog na Kabanalan

Tuwing naiisip ko ang painting ng mga kalapati, paulit-ulit kong naaalalang ialay ang sarili ko kay Cristo sa pamamagitan ng pamumuhay ng aking tipan. Nagpapasalamat ako lalo na sa mga pangakong alok Niya sa akin sa pamamagitan ng pagtupad sa aking mga tipan sa templo.

Kung hindi mo pa natatanggap ang sarili mong nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo o matagal-tagal ka nang hindi nakadalo para sa personal na pagsamba sa templo sa anumang dahilan, buong pagmamahal ko kayong inaanyayahang isantabi ang anumang nakaraan o kasalukuyang mga hadlang at gawin ang mga pagsisikap na kinakailangan para makapasok sa banal na mga pintuang iyon. Kapag ginawa mo ito, matatanggap mo ang lakas at kagalakang inaalok sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagsamba at mga tipan sa templo.

Alam ko na ang templo ay isang lugar na maaaring magpabago sa atin—hindi dahil sa banal na gusali mismo kundi dahil sa kinakatawan nito at kung paano tayo itinuturo nito kay Jesucristo. Kapag pumapasok tayo sa banal na mga pintuang iyon, pakiramdam ko ay parang pinupuno ng bawat isa sa atin ng espirituwal na langis ang ating mga ilawan habang naghahanda tayo sa pagbabalik ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 25:1–13). Ang paggawa at pagtupad ng ating mga tipan sa binyag at sa templo ay naghahanda sa atin na tanggapin ang lahat ng inilaan ng Ama para sa atin.

Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, tiwala ako na pupuspusin ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ang ating buhay ng matinding kapangyarihang kumilos nang may pananampalataya at may nagbibigay-liwanag na kagalakang ipamuhay ang buhay na saganang naibigay sa atin ng Diyos.