2022
Huli na Ba ang Lahat para Magmisyon Ako?
Hulyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Huli na Ba ang Lahat para Magmisyon Ako?

Sa edad na 25, inakala ko na siguradong mawawalan ako ng pagkakataong makapagmisyon.

mga missionary na naglalakad sa kalsada

Nang makatapos ako ng hayskul, nagpasiya akong lumipat sa Utah, USA, kung saan nanirahan ang dalawang kuya ko nang bumalik sila mula sa kanilang misyon. Nagsimula sila ng sarili nilang mga construction company at binigyan nila ako ng oportunidad na magtrabaho sa kanila habang sinisikap kong alamin kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko.

Pareho nilang sinikap na hikayatin akong magmisyon. Noon pa man ay nadama ko nang magmisyon pero hindi ako nakapaghanda. Sa halip na gawin ang kailangang mga paghahanda para makapagmisyon, pinili kong maglingkod sa ibang kapasidad. Sa edad na 20, nagpa-enlist ako sa US Army bilang isang medic.

Sa kabila ng pag-anib ko sa army, hindi nawala kailanman ang pakiramdam kong magmisyon. Pagpasok ko sa huling taon ng aking pag-anib, pinagnilayan ko kung ano na ang susunod.

“Magpapa-enlist ba ako ulit? Tatapusin ko ba ang bachelor’s degree ko? O lalabas ba ako at gagawa ng mga pagbabagong kailangan kong gawin sa buhay ko, magsisisi, at maghahandang magmisyon? Kahit gusto ko ngang maglingkod, masyado na ba akong matanda?” Ito ang ilan sa mga tanong na pumasok sa isipan ko.

Nang pag-isipan ko kung magmimisyon ako, nadama ko nang husto na may mga taong naghihintay sa akin na anyayahan silang lumapit kay Cristo. Ang impresyong ito ang naging dahilan para magpasiya akong maghandang magmisyon. Nagpasiya ako na kahit maliit lang ang pagkakataon kong makapagmisyon sa edad ko, kailangan ko iyong subukan.

Iniisip ko ang karamihan sa mga puwedeng maging missionary, ang pagbuhos ng damdamin at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nadarama nila sa pagbubukas at pagbabasa ng kanilang mission call. Gayunman, para sa akin, nangyari iyon noong araw na ipinaalam sa akin na maaari pa rin akong mag-apply sa misyon.

Nang magsisi ako at ihanda ko ang sarili ko na maglingkod, nakadama ako ng matinding pasasalamat sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo at sa aking Ama sa Langit. Pakiramdam ko ay niyakap Nila ako at sinabihang: “Pinatatawad ka Namin. Tinatanggap namin ang iyong pagsisisi at ang mga pagbabagong nagawa mo at ang kinahinatnan mo. Karapat-dapat kang maglingkod.” Nakadama ako ng tagumpay.

Kalaunan ay natanggap ko ang aking tawag na maglingkod sa Philippines Quezon City Mission.

Ang pagpasok sa missionary training center sa edad na 25 ay isang kakaibang karanasan. Karamihan sa iba pang mga missionary ay mas bata. Marami ang kaga-graduate pa lang sa high school o nakatapos ng unang taon nila sa kolehiyo. Nararanasan ng ilan ang unang pagkakataon nilang malayo sa tahanan at pamilya. Para sa akin, katatapos ko lang gumugol ng apat na taon sa US Army at nasanay na ako sa marami sa mga sakripisyo at pagbabagong mararanasan pa lang ng iba pang mga missionary. Ang karanasan ko ay nagbigay sa akin ng oportunidad na huwag masyadong magtuon sa sarili ko at mas damayan at hikayatin ang iba. Ang edad at karanasan ko ay nagbigay rin sa akin ng kabatiran sa kahalagahan ng panahon at nagganyak sa akin na maglingkod nang may pagtutuon, intensyon, at kasigasigan.

Ang aking misyon ay palaging magiging isa sa pinakamahahalagang karanasan ng—at para sa—buhay ko. Pinatibay at tinatakan nito ang aking pundasyon na nakatatag sa bato na aking Manunubos (tingnan sa Helaman 5:12). Lubos akong nagpapasalamat na nagkaroon ako ng oportunidad na maglingkod.

Pinatototohanan ko na hindi pa kayo masyadong matanda kailanman para magdala ng mga kaluluwa kay Cristo—bilang full-time missionary man o bilang isang kaibigan at kapitbahay. Tinatanggap ng Panginoon ang lahat ng ating pagsisikap na paglingkuran Siya—sa bawat edad.