Digital Lamang: Mga Young Adult
Pag-aaral tungkol sa Kahulugan ng Sakripisyo Bilang Isang Convert
Nadama ko na kailangan kong isuko ang maraming bagay para makasapi sa Simbahan. Pero alam ko na kung mayroon mang nakaunawa sa sakripisyo, iyon ay si Jesucristo.
Noong bata pa ako, maaga akong gumising sa buong linggo, at Linggo lang ang araw na pinapayagan ako ng nanay ko na matulog nang mas matagal—ibig sabihin, hanggang sa magising ako sa malakas na pagkanta, pangangaral, at pag-iiyakan pa kung minsan ng kongregasyong Kristiyano sa kabilang bahay. Walang katuturan, pero dahil sa inis ko na nagigising ako linggu-linggo, inakala ko na medyo nakakainis ang mga Kristiyano.
Nalaman ko kalaunan na maraming miyembro ng mga kongregasyong Kristiyano ang nagbigay ng kanilang panahon at maging ng pera sa kanilang simbahan. Hindi ko lang maunawaan kung bakit.
Dahil sa dalawang obserbasyong ito tungkol sa mga simbahang Kristiyano sa aking bayan sa India—pati na ang katotohanan na kami ng aking pamilya ay hindi Kristiyano—hindi ako gaanong interesadong alamin ang iba pa tungkol sa Kristiyanismo.
Pagtuklas kay Jesucristo
Sa huling taon ko sa unibersidad, inanyayahan ako ng kaibigan ko na sumama sa kanya sa pagsisimba. Nag-atubili ako pero kalaunan ay pumayag ako.
Habang nakaupo ako sa pulong, kumakanta ng mga himno at nakikinig sa mga mensahe tungkol kay Jesucristo, may nadama akong kakaiba—nakadama ako ng kapayapaan. Dumalo ako nang ilang linggo pa at gayon din ang nadama ko sa bawat pagkakataon. Pero siyempre, bumibisita lang ako; hindi ako interesado talagang sumapi.
Kalaunan matapos akong tumigil sa pagsisimba na kasama ng kaibigan ko, unti-unti kong nadama na parang may kulang sa buhay ko. Nangulila ako sa kapayapaang nadama ko sa simbahan na kasama ng kaibigan ko. Malakas ang pakiramdam ko na dapat kong alamin ang iba pa tungkol kay Jesucristo, kaya nagpasiya akong makipag-usap sa mga missionary mula sa simbahan ng kaibigan ko. Ni hindi ko inisip kung ano ang maaaring isipin ng pamilya ko.
Pagharap sa mga Hadlang
Nang makipag-usap ako sa mga missionary, nagsimulang magbago ang buhay ko. Nalaman ko ang tungkol sa Pagpapanumbalik at sa Aklat ni Mormon, at tumulong ang mga missionary na masagot ang maraming tanong ko.
Isang araw nakakita ako ng isang talata sa banal na kasulatan na nagsasabing, “Anumang bagay na iyong hihilingin nang may pananampalataya, … ito ay matatanggap mo” (Enos 1:15), at nalaman kong hindi ako nag-iisa. Pakiramdam ko ay naunawaan ng Diyos ang sitwasyon ko at nais Niya akong panatagin. Nang makilala ko ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, ginusto kong maging mas mabuting tao. Ginusto kong maging katulad ng Tagapagligtas at maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ngunit habang lumalago ang aking patotoo, naharap din ako sa mga balakid. Nang malaman ng nanay ko na iniisip kong magpabinyag, sinabi niya sa akin na kailangan akong umalis sa bahay at huwag nang makipag-ugnayan sa kanya. At nang magbahagi ako ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas sa social media, maraming kaibigan at kamag-anak ko ang nag-block sa aking mga mensahe at tumigil sa pakikipag-usap sa akin.
Pakiramdam ko ay pinapipili ako sa pagitan ng aking pamilya at ng ebanghelyo—isang desisyon na parang imposible. Isinakripisyo ko ang maraming bagay na gustung-gusto ko para sumapi sa Simbahan. Pero alam ko na kung mayroon mang nakaunawa sa sakripisyo, iyon ay si Jesucristo (tingnan sa Alma 34:8–16).
Kaya patuloy kong sinikap na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Lumalabas pa ako ng bahay sa kalagitnaan ng gabi para magdasal at magbasa ng Aklat ni Mormon upang maiwasan ko ang pagtutol ng aking pamilya. Sa pagdarasal at pagsampalataya, nagpasiya ako kalaunan na anuman ang mangyari, pipiliin ko ang ebanghelyo. Ang kagalakan at layuning natagpuan ko sa ebanghelyo ang lahat-lahat sa akin.
Pagbibigay, Hindi Pagsuko
Ang pagsapi sa Simbahan ay naging isang malaking sakripisyo para sa akin. Ang paglilingkod sa aking mga calling, pagbabayad ng ikapu, at pagsisikap na panatilihin ang mga relasyon ay naging mapanghamon paminsan-minsan. Pero tulad ng mga kongregasyong Kristiyanong iyon sa aking bayan na malayang nagbigay sa kanilang pananampalataya, alam ko na ang aking mga sakripisyo ay higit pa sa isinusuko ko.
Ipinaliwanag ni Bishop L. Todd Budge, Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric: “Kapag ang mga sakripisyo natin para sa iba ay itinuring na ‘pagsuko’ lamang, maaari nating madama na pasanin ang mga ito at madidismaya tayo kapag hindi kinilala o ginantimpalaan ang ating mga sakripisyo. Gayunman, kapag itinuturing natin na ito ay ‘pagbibigay sa’ Panginoon, ang ating mga sakripisyo para sa iba ay nagiging mga kaloob, at ang kagalakang dulot ng pagbibigay nang sagana ang mismong gantimpala.”1
Kinikilala at pinagpapala tayo ng Ama sa Langit para sa mga sakripisyong ginagawa natin para sa Kanya. Nakita ko na ito sa buhay ko nang ako ay mahalin at suportahan ng mga miyembro ng ward namin, makadama ng kapayapaan at kapanatagan mula sa Espiritu, at makaranas ng mga himala sa buhay ko. Ang isang himala ay kung paano lumambot ang puso ng mga magulang ko sa akin at napanatili namin ang isang magandang relasyon.
Alam ko na ngayon kung sino ang Ama sa Langit at si Jesucristo at kung gaano Nila kamahal ang bawat isa sa atin. Nadarama ko na nagiging mas katulad ako ng Tagapagligtas, na ating pinakadakilang halimbawa, habang nagsasakripisyo ako sa pagtupad ng aking mga tipan. Habang sinisikap nating paglingkuran Sila sa anumang kakayahan natin, alam ko na gagabayan tayo at daranas ng maraming magagandang pagpapalang inilalaan na Nila para sa atin.