2022
Matutulungan Ba Ako ng Pag-aaral ng Wika ng Aking mga Ninuno na Tipunin ang Israel?
Hulyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Matutulungan Ba Ako ng Pag-aaral ng Wika ng Aking mga Ninuno na Tipunin ang Israel?

Nahiwatigan kong pag-aralan ang wika ng aking mga ninuno para mas makaugnay sa kanila. Pero hindi ko natanto ang maraming oportunidad na ihahatid nito.

binatilyong naglalakad sa tabing-dagat

Larawan na ginamitan ng modelo

Caption

Ang aking lolo-sa-tuhod ang huling katutubong nagsasalita ng te reo Māori sa aking pamilya. Dati-rati’y nanonood ako ng mga video tungkol sa kanya at nakikinig sa pagsasalita niya gamit ang wika ng aming mga lahi, sa pagnanais na maunawaan ko siya. Kahit ilang henerasyon lang ang tanda niya sa akin, wala akong ganoong koneksyon sa aming pamana.

Nagmisyon ako sa Pilipinas, at gustung-gusto ko iyon. Gustung-gusto ko ang wika, ang mga tao—lahat-lahat. At dahil nag-ukol ako ng oras sa pagsisikap na kumonekta sa mga taong pinaglilingkuran at tinuturuan ko noon, masyado akong naging interesado sa kanilang kultura.

Napakaganda man ng oportunidad na iyon, natanto ko na hindi ko kailanman sinubukang kumonekta sa sarili kong kultura at kalahi sa gayon ding paraan. Bagama’t nakatulong akong tipunin ang Israel sa aking misyon, natanto ko na may mahahalagang paraan para makatulong akong tipunin din ang Israel sa bahay, lalo na sa sarili kong pamilya.

Ikinuwento sa akin ng isang kaibigan kong Māori na kauuwi pa lang mula sa paglilingkod sa Pilipinas ang isang panaginip niya tungkol sa kanyang lola. Nagpakita sa panaginip niya ang lola niya at nagtanong kung bakit pinag-aralan niya ang iba pang mga kultura pero hindi ang sarili niyang kultura.

Nadama ko na mahalaga rin sa akin ang panaginip niya. Nadama ko na dapat kong alamin ang tungkol sa aking mga ninuno at kumonekta sa kanila na hindi ko pa kailanman nagawa.

Pag-unawa sa Pangako ni Elijah

Kapapasok ko pa lang sa medical school nang ipasiya kong pag-aralan ang wika ng aking lahi. Kaya kahit abala ang iskedyul ko, kumuha ako ng mga klase sa gabi para matuto ng Māori.

Nang unang magsimula ang mga klase, nadama ko na nag-iisa ako at hindi ko tiyak kung magpapatuloy ako. Pero nang lalo kong kausapin ang mga kaklase ko, lalo kong natanto na nadama rin ng marami na dapat silang kumonekta sa kanilang pamana sa pamamagitan ng pag-aaral ng Māori.

Sa paglipas ng panahon, talagang nagsimula nang maging espirituwal na karanasan ang pag-aaral ng Māori sa pakiramdam ko. Unti-unti ko nang nauunawaan ang pangako na “ibabaling [ni Elijah] ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6). Nagiging mas totoo na sa akin ang aking mga ninuno.

Ang pag-aaral ng wika ay nagbukas din ng mga pinto sa pang-araw-araw kong buhay. Nalaman ko na ang pagsasalita ng Māori ay nakatulong sa akin na mas makakonekta sa mga taong ginagamot ko. Tumulong akong magpasimula ng mga klase ng mga Māori sa aking unibersidad at natuklasan ko na maraming iba pang estudyante sa medisina ang interesadong matuto para matulungan silang makapagbigay ng mas mabuting pangangalaga.

Bagama’t lalong nagiging hindi na gaanong karaniwan ang wika, ang magawang makipag-ugnayan sa mga katutubong nagsasalita ng Māori ay nakatulong sa akin na maglingkod sa partikular na mga populasyon. Nasaksihan ko kung paano nadarama ng aking mga katutubong pasyente na lalo silang naririnig at nakikita kapag sama-sama naming nabibigkas ang kanilang wika. Talagang naipakita sa akin ng mga karanasang ito ang kahulugan ng maglingkod sa isang taong nawawala.

Matutulungan Natin ang Isa’t Isa na Tipunin ang Israel

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag sinasabi nating pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, ang tinutukoy natin ay ang gawaing misyonero, gawain sa templo at family history. Ito rin ang pagpapatatag ng pananampalataya at patotoo sa puso ng mga taong kasama natin sa buhay, katrabaho, at pinaglilingkuran natin.”1 Ang pag-aaral ng Māori ay talagang nakatulong sa akin na kumonekta sa aking pamana at mga ninuno sa kabilang panig ng tabing, at plano kong isagawa ang mga ordenansa para sa kanila kapag muling binuksan ang Hamilton New Zealand Temple. Pero natulungan din ako nitong maglingkod sa panig na ito ng tabing.

Ang pagiging bahagi ng isang simbahan na naniniwala sa pagkonekta sa ating mga ninuno ay nagdaragdag ng gayon kalaking kagalakan sa aking buhay. Inuuna natin ang gawain sa templo at family history dahil naniniwala tayo na bawat miyembro ng ating pamilya, gaano man katagal na silang nabuhay, ay dapat magkaroon ng oportunidad na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo. At matutulungan natin ang isa’t isa na maisakatuparan ang gawaing ito.

Ang pag-aaral ng Māori ay isang paraan para makatulong akong tipunin ang Israel. Ngunit bawat isa sa atin ay maaaring makilahok sa gawaing ito sa marami pang ibang paraan, at hindi kailangang maging kumplikado ang mga iyon. Ang pagdalo sa templo at pagpo-proxy sa mga ordenansa para sa ating mga kamag-anak, pagsasaliksik ng ating family tree, indexing, at maging ang pag-alam tungkol sa ating mga lolo’t lola at lolo’t lola-sa-tuhod ay maaaring maging magagandang oportunidad para makakonekta sa ating mga ninuno.

Tutal, ang huling mithiin para sa bawat isa sa atin ay ang makabalik sa Ama sa Langit at makapiling Siya at ang ating pamilya magpakailanman. At sa pamamagitan ng ating mga pagsisikap na palalimin ang ating mga koneksyon sa iba—lalo na sa ating mga ninuno—mapapalakas natin ang ating katapatan kay Cristo at mapapanatili ang mithiing iyan.