2022
Paghahanap kay Cristo sa Ating mga Tradisyon sa Pasko
Disyembre 2022


“Paghahanap kay Cristo sa Ating mga Tradisyon sa Pasko” Liahona, Dis. 2022.

Paghahanap kay Cristo sa Ating mga Tradisyon sa Pasko

Nagpasya kaming tingnan kung ano ang maituturo sa amin ng lahat ng tradisyon at dekorasyon sa Pasko tungkol kay Jesucristo.

Christmas tree na may larawan ng Tagapagligtas sa harapan

Paglalarawan ng puno ni David Green

Itinuro sa atin ng mga propeta at apostol na laging hanapin si Cristo “ngunit lalo na sa panahong ito ng taon—Pasko.”1 Ilang taon na ang nakararaan ginugol ng aming pamilya ang buong Kapaskuhan para subukang magawa ito.

Nagpasya kami noong taong iyon na “isuot” ang aming espirituwal na mga mata at tainga upang makita at marinig ang mga patotoo tungkol sa ating Tagapagligtas sa lahat ng bagay sa Pasko. Narito ang ilan sa mga pagpapatotoo kay Cristo na natuklasan namin. Umaasa kami na matutuklasan ninyo at ng inyong pamilya ang sarili ninyong mga ideya sa pagpili ninyong makita at marinig Siya sa inyong mga tradisyon sa Pasko.

Mga Christmas tree: Sa pamilyar na tradisyon ng Christmas tree, nakakita kami ng mga evergreen bough na hindi nalalanta kahit taglamig. Pinatototohanan nito ang buhay na walang hanggan, ang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinaalala sa amin ng Christmas tree ang punungkahoy ng buhay na lumalago nang tama, o tuwid, paitaas sa langit—naghahanap ng liwanag. Dahil dito, tinanong namin ang aming sarili, “Ganoon din ba ang ginagawa namin?” Ang aming Christmas tree ay naging isang mahalagang lugar ng pagtitipon para pagnilayan kung paano namin itutuon ang aming buhay sa langit sa pamamagitan ng pananatili sa landas ng tipan.

Mga ilaw sa Pasko: Sa mga ilaw sa Pasko, napaalalahanan kami na si Jesus ang Ilaw ng Sanlibutan at sa pamamagitan ng Kanyang liwanag, natagpuan namin ang daan pabalik sa aming tahanan sa langit. Nasasaisip ito, bawat ilaw sa Pasko na nagpapasaya sa amin ay naging maliwanag na paalala ng ating Tagapagligtas.

Mga bituin sa Pasko: Ipinaalala sa amin ng mga bituin sa Pasko na sinundan ng matatalinong lalaki at babae ang liwanag ng katotohanan sa kanilang paghahanap kay Jesucristo. Tulad ng mga Pantas na Lalaki noon na sinundan ang gumagabay na liwanag ng isang bituin at natagpuan ang batang Cristo (tingnan sa Mateo 2:9–11), pagpapalain din tayo kapag pinili nating sundin ang espirituwal na liwanag ng ebanghelyo na tumatanglaw sa landas ng pagkadisipulo, na gumagabay sa atin pabalik sa buhay na walang hanggan.

Mga korona sa Pasko: Ipinaalala sa atin ng mga korona sa Pasko na balang-araw ay babalik si Jesus sa lupa upang maghari bilang Hari ng mga hari, at makikita natin na ang koronang tulad ng “putong ng katuwiran,” ay naghihintay sa mga nananatiling nananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa 2 Timoteo 4:7–8).

Mga hinurnong pagkain: Ipinaalala sa amin ng mga hinurnong pagkain na inilarawan ni Jesus ang Kanyang sarili bilang “ang tinapay ng buhay” (Juan 6:35) at ang pangalan ng lugar kung saan isinilang si Jesus, ang Betlehem, ay tunay na nangangahulugang “bahay ng tinapay.” Kapag nagbibigay o tumatanggap kami ng hinurnong pagkain sa pasko, iniisip namin si Jesus, ang Tinapay ng Buhay, at ang Kanyang kahandaang tulungan tayo at akuin ang ating pasanin. Naglalaan Siya ng magiliw at nakapapanatag na kaaliwan sa pamamagitan ng pagpapatawad.

Mga tungkod na kendi: Ang magandang puting kulay ng kakaibang pagkaing ito sa Pasko ay nagpapaalala sa amin ng kadalisayan ni Cristo. Ang kurbadong hugis ay nagpapaalala sa amin ng tungkod ng Pastol at kung paanong si Jesus ang Mabuting Pastol, na magbabantay at magpoprotekta sa atin, na Kanyang mga tupa (tingnan sa Juan 10:11–12, 14). Ang tamis ng kendi ay nagpapaalala sa amin na huwag ihalili ang kasamaan sa kabutihan—o ang mapait sa matamis, tulad ng babala ni Isaias na mangyayari sa mga huling araw (tingnan sa Isaias 5:20).

Ang eksperimento ng aming pamilya na hanapin si Cristo sa lahat ng bagay na Pasko ay saganang nagbigay sa amin ng gantimpala sa di-inaasahang mga paraan. Nakakita kami ng mga saksi ni Cristo sa buong paligid namin, maging sa mga kaugalian tulad ng mga medyas na pamasko, Santa Claus, at pajamas na pamasko. Ginawa namin ang espirituwal na gawaing kailangan upang makita at marinig ang mga saksi ni Jesus sa buong Kapaskuhan.

Ang sadyang paghahanap kay Cristo sa Pasko ay patuloy na pagdaragdag ng kahalagahan at karingalan sa paraan ng pagdiriwang natin ng Kapaskuhan. Umaasa kami na kapag hinanap ninyo si Cristo sa Pasko, gagabayan kayo ng Espiritu sa mga patotoong nais ng Ama sa Langit na ituro sa inyo at isa inyong pamilya.

Pinatototohanan namin na ang pagpili na matapat na “[pagtutuon] sa Tagapagligtas”—tulad ng hinikayat ni Pangulong Russell M. Nelson na gawin natin noong Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan ng 20202—ay nag-aanyaya sa Espiritu at tumutulong sa atin na mas makuntentong manatili sa mga natatanging tagpo, tunog, amoy, lasa, at patotoo tungkol sa Pasko.

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.