Digital Lamang
Pananampalataya kay Jesucristo—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol
Tingnan ang naituro kamakailan ng mga buhay na propeta sa social media tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo.
“Ang pananampalataya kay Jesucristo ang saligan ng lahat ng paniniwala at paraan sa pagtatamo ng banal na kapangyarihan,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson.1 Pagkatapos ay sinabi niya:
“Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang tulutan ang Diyos na manaig sa ating buhay ay nagsisimula sa pananampalataya na handa Niya tayong gabayan. Ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa pananampalataya na may kapangyarihan si Jesucristo na linisin, pagalingin, at palakasin tayo.
“‘Huwag ninyong itatatwa ang kapangyarihan ng Diyos,’ ang pahayag ng propetang si Moroni, ‘sapagkat siya ay gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao’ [Moroni 10:7; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang ating pananampalataya ang nagbubukas sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.”2
Paano natin madaragdagan ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at anong mga pagpapala ang darating sa ating buhay kapag ginawa natin iyon? Ang mga turong ito kamakailan mula sa mga propeta at apostol ay nagdaragdag ng kaunting kaalaman.
Ang Tunay na Kapayapaang Hindi Maabot ng Pag-iisip
“Nitong nakaraang taon, lahat tayo ay dumanas ng mga kamangha-mangha at di-inaasahang pangyayari.
“Sa gitna ng kawalang-katiyakang ito, iisa lamang ang paraan para makadama ng kapayapaan—ang tunay na kapayapaang hindi maabot ng pag-iisip. Ang kapayapaang iyan ay matatagpuan sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Mar. 28, 2021, facebook.com/russell.m.nelson.
Ang Susi sa Pagtanggap ng mga Paghahayag
“Mababasa natin sa Aklat ni Mormon na itinuro sa atin ng sinaunang propetang si Nephi na ang pagsampalataya kay Jesucristo ang susi sa pagtanggap ng mga paghahayag ng katotohanan at ang susi sa pagkakaroon ng tiwala na nasusunod natin ang patnubay ng Tagapagligtas.
“Maririnig ang tinig na iyon mula sa pagsampalataya natin sa Kanya. Kung sapat ang ating pananampalataya, hihingi tayo ng patnubay na may layuning humayo at gawin ang anumang iutos Niya. Magkakaroon tayo ng pananampalatayang malaman na anumang inuutos Niya ay magpapala sa iba, at mapapadalisay tayo sa prosesong ito dahil sa Kanyang pagmamahal para sa atin.”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Nob. 17, 2021, facebook.com/henry.b.eyring.
Ang Inyong Relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
“Madalas kong sabihin sa mga young adult na mahalaga sila. Madalas kong ulitin ang mensaheng ito dahil alam kong ito ay totoo. Tinitiyak ko sa inyo na napakahalaga ninyo sa inyong Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.
“Natatanto ko na maraming problema sa mundo ngayon. Napakaraming opinyon sa mundo ngayon sa social media.
“Ngunit gusto kong malaman ninyo na ang pinakamahalagang tinig, ang pinakamahalagang bagay na kailangang mangyari sa inyong buhay, ay ang makahanap ng tahimik na mga sandali kung saan maaari kayong tumahimik lamang at talagang malaman na mahal kayo ng ating Ama sa Langit, na kayo ay Kanyang anak, at na ang Panginoong Jesucristo ang inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos.”
Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Ene. 8, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.
Ang Buhay ng Tagapagligtas
“Ang pag-aaral ng buhay ng ating Tagapagligtas ay mas maglalapit sa atin sa Kanya. … Inaanyayahan ko kayong mag-ukol ng oras na makilala ang Prinsipe ng Kapayapaan—ang Kanyang pagsilang, buhay, mensahe, at pagkabuhay na mag-uli. Habang mas marami tayong natututuhan tungkol sa Kanya at sumusunod sa Kanyang halimbawa, mas mapapayapa tayo sa mahihirap na panahon.”
Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Dis. 20, 2021, facebook.com/jeffreyr.holland.
Higit na Kagalakan, Kaligayahan, at Kapayapaan
“Nagninilay at nagagalak tayo sa lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay bilang Pagbabayad-sala para sa iba, na dumaig sa kamatayan at tumubos sa buong sangkatauhan. Ipinapangako ko na ang pagsunod sa Kanyang liwanag at halimbawa ay maghahatid sa atin ng higit na kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan sa buhay na ito kaysa anupaman.”
Elder Quentin L. Cook, Facebook, Abr. 17, 2022, facebook.com/quentin.lcook.
Ang Halimbawa ng Tagapagligtas
“Ano ang matututuhan natin mula sa buhay ng Tagapagligtas na maaaring magpalakas sa ating pananampalataya?
“Ipinakita sa atin ni Jesus sa Kanyang pagsilang na ang halaga ng isang kaluluwa ay hindi nakadepende sa kanyang sitwasyon o kapaligiran. Siya, ang dakilang Lumikha ng mundo, ay isinilang sa karalitaan, sa isang kuwadra ng mga hayop, dahil walang puwang para sa Kanya at kina Jose at Maria sa bahay-panuluyan. Maaari tayong manampalataya sa Kanya, batid na sinuman tayo at anuman ang ating sitwasyon, tinitingnan Niya ang ating puso, at bawat isa sa atin ay napakahalaga sa Kanya.
“Ipinakita sa atin ni Jesus sa Kanyang buhay na bawat kaluluwa ay maaaring lumago at umunlad. Ang pagmamahal ng Ama at ng Anak ang pundasyon ng ating kagalakan dito at sa kabilang-buhay, ngunit inaasahan ng ating Ama sa Langit na magtatatag tayo sa pundasyong iyon at lalago tulad ng nangyari kay Jesus. Maaari din tayong lumago nang paisa-isang hakbang sa tulong Niya.
“Ipinakita sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at kamatayan na ang kahulugan ng pagmamahal ay paglilingkod at sakripisyo. Kapag naglingkod at nagminister tayo tulad Niya, maaari tayong magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Tagapagligtas. Nagbuwis Siya ng Kanyang buhay para sa atin, at ngayon ay taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan para protektahan at pagpalain tayo bilang Kanyang mga kaibigan.
“Ibinibigay ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay isang katotohanan. Maaari kayong mamuhay nang may perpektong pag-asa kay Cristo para sa tulong na kailangan ninyo ngayon at para sa buhay na walang hanggan na darating.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Mar. 16, 2021, facebook.com/dtodd.christofferson.
Ano ang Pananampalataya
“Sa isang debosyonal para sa mga young adult na nagsasalita ng French, ibinahagi namin ni Kathy ang aming mga iniisip at nadarama tungkol sa alituntunin ng paniniwala. Sabi ni Apostol Pablo, ‘Ang pananampalataya ay ang [diwa ng] mga bagay na inaasahan, ang [katibayan ng] mga bagay na hindi nakikita’ [Mga Hebreo 11:1]. Diwa. Katibayan. Ito ang pananampalataya. Ito ang paniniwala. Ito ay totoo. Bahagi ito ng ating kalooban.
“Hinikayat ko ang mga young adult na ito na maniwala sa anim na mahahalagang bagay na ito:
“1. Maniwala sa Diyos.
“2. Maniwala na kayo ay anak ng Diyos at personal Niya kayong kilala at lubos Niya kayong minamahal.
“3. Maniwala na maaari ninyong makausap ang inyong Ama sa Langit at isusugo Niya ang Kanyang Espiritu sa inyo.
“4. Maniwala na ang kaharian ng Diyos ay lalaganap sa buong mundo at na bawat isa sa atin ay mahalagang bahagi ng paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
“5. Maniwala na tatanggapin ng ibang mga taong kilala ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo.
“6. Maniwala na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo.
“Bilang inyong kaibigan at kapwa disipulo, na walang ibang layunin maliban sa pagmamahal at paggalang sa inyo, tinitiyak ko na ang inyong pananampalataya kay Jesucristo ay may kabuluhan. Makikita ninyo Siyang muli. Malalaman ng buong mundo na Siya ang Anak ng Diyos. Nakilala ko Siya at nadama ko ang Kanyang presensya. Pinatototohanan ko nang may katiyakan na Siya ay buhay, na Siya ay nabuhay na mag-uli, at na ang Kanyang pagmamahal para sa atin ay mahirap ilarawan.”
Elder Neil L. Andersen, Peb. 21, 2021, facebook.com/neill.andersen.
Isa pang Kapangyarihan
“Kapag determinado tayong nagsisikap, lumalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo. At habang lumalago ito, nakatatanggap tayo ng mga banal na kaloob, kapangyarihan, at kakayahang gawin ang hindi natin magagawa kung wala ito. Habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya, biglang may isa pang kapangyarihan: ang kapangyarihan ni Cristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Unti-unti ninyong madarama ang Kanyang pagsang-ayon, Kanyang pagmamahal, at Kanyang biyaya.”
Elder Neil L. Andersen, Peb. 13, 2022, facebook.com/neill.andersen.
Pakikipag-ugnayan sa Diyos
“Ang pakikipag-ugnayan ay nagbibigay ng kahulugan sa buhay.
“Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa pamilya, at sa bawat isa (na tinatawag kong pagiging kabilang sa tipan) ang nagbibigay ng pinakadakila, pinakamagiliw, at pinakamalalim na kahulugan sa ating buhay.”
Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Mar. 3, 2022, facebook.com/gerritw.gong.