2022
Paghahanap kay Cristo sa Kapaskuhan
Disyembre 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paghahanap kay Cristo sa Kapaskuhan

Pinadadali ng mundo na kalimutan ang tunay na kahulugan ng Pasko, pero narito ang ilang bagay na inaalala kong gawin para hanapin Siya.

tagpo sa sabsaban na may dilaw na background

Bagama’t nahihirapan akong gawin ito kung minsan, lagi kong isinasantabi ang kaguluhan ng Kapaskuhan para magtuon sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Sinisikap kong paglingkuran ang iba at ibahagi ang mensahe ng Kanyang pagsilang at liwanag sa lahat hangga’t kaya ko.

Sa gitna ng pagbili ng mga regalo at ng mga Santa Klaus, nag-aalala ako na kung malilimutan ko ang aking Tagapagligtas, baka mas magtuon ako sa mga makamundong tradisyon ng Pasko. Ang malaman ang kahalagahan ng Kanyang pagsilang ay humantong sa kamangha-manghang mga espirituwal na karanasan sa buhay ko. Ito ang panahon ng taon na naibabalik ako sa sentro ng aking pananampalataya sa Kanya dahil Siya ang dahilan ng lahat ng mabuti sa buhay ko.

Nakamarka ang Pasko sa maraming kalendaryo bilang pinakamahalagang kaganapan ng taon, at para sa akin ito ay panahon para pagnilayan ang pagsilang, buhay, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ng aking Manunubos.

Ang matuto tungkol sa Kanya at matuto mula sa Kanya.

Ang panahong ito ng taon ay tumutulong sa akin na pag-isipang mabuti ang ginawa Niya para sa akin at patuloy Niyang ginagawa para sa akin. Ang tahimik na pagmumuni-muni tungkol sa Kanyang mga paglilingkod, Kanyang mga sakripisyo, at Kanyang likas na pagkatao, gayundin ang pagbabasa ng mga salaysay tungkol sa Kanyang pagsilang at pagninilay sa Kanyang buhay, ay kadalasang tumutulong sa akin na madamang mas malapit ako sa Kanya.

Maasikaso Siyang naglilingkod sa iba habang tinutupad ang Kanyang banal na misyon. Habang naaalala ko ang Kanyang halimbawa ng paglilingkod sa Kapaskuhan, nabibigyang-inspirasyon akong ibahagi ang aking pag-asa at pananampalataya sa Kanya sa espesyal na panahong ito sa mga taong pinakamamahal ko at asikasuhin ang mga pangangailangan ng lahat ng nasa paligid ko.

Halimbawa, marami kaming natirang pagkain noong nakaraang Pasko. Mapanalangin kong pinagnilayan sandali kung ano ang puwede naming gawin sa lahat ng sobrang pagkain. Matindi ang pakiramdam ko na dapat ko iyong ihatid sa lungsod kung saan nakakita ako ng maraming taong walang tirahan kapag pumupunta at umuuwi ako mula sa unibersidad.

Dala ang dalawang kahong puno ng pagkain, lumarga ako para maghanap ng ilang taong nangangailangan ng pagkain. Hindi nagtagal ay nakakita ako ng isang grupo ng mga taong walang tirahan na masayang tinanggap ang Pamaskong hapunan. Natuwa ako nang magpasalamat sila noong araw na iyon. Napuspos din ng pasasalamat ang sariling puso ko sa ipinahayag nilang pasasalamat. Bagamat nagbigay ako ng pagkain para mapakain sila sa pisikal, matagal akong nanatiling busog sa espirituwal na pangangalagang natanggap ko mula sa paglilingkod sa kanila pagkaraan ng Paskong iyon.

Sa pakikipag-usap sa kanila, sinabi sa akin ng isang babaeng wala ring tahanan na marami na siyang pagkain pero nais niyang ibahagi ang inialok kong pagkain sa isa pang taong nangangailangan. At kalaunan, nang lisanin ko ang lungsod, naraanan kong muli ang babaeng iyon at pinanood siya nang ilagay niya ang pagkaing ibinigay ko sa kanya sa tabi ng isang natutulog na lalaking walang tirahan at tahimik na umalis.

Nang tangkain kong maging higit na katulad ni Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, noon ko nakita na ako mismo ang siyang pinaglilingkuran. Nakita ko ang liwanag ni Cristo noong araw na iyon. Nakita ko si Cristo sa aking ina na masigasig na naghahanda ng mga kahon ng pagkain at sa babaeng walang tirahan na naglingkod sa iba kahit na siya mismo ay walang gaanong maibigay.

Tulad ng itinuro ni Elder Dale¬G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Kapaskuhan ay likas na magandang panahon para pag-aralan ang Kanyang buhay at sikaping tularan ang Kanyang pagkatao at mga [katangian]. Sa paggawa ninyo nito, malalaman ninyo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at na binayaran Niya ang [inyong] mga kasalanan.”1

Ang mensahe ng pagsilang ni Cristo ay naghahatid ng pag-asa at kagalakan sa aking buhay, at maaari kong ibahagi ang mensaheng iyon sa iba. Maidaragdag ko ang aking liwanag sa bituing umakay sa mga pantas na lalaki, at matutulungan ko ang iba na mahanap ang Tagapagligtas. Nalaman ko na ang mga pagpapalang makatanggap ng mga regalo at madamang may nagmamahal sa akin ay tumutulong sa akin na tularan ang halimbawa ng pagbibigay ng Tagapagligtas. Habang pinaglilingkuran ko ang iba at nasasaksihan ang kanilang paglilingkod sa panahong ito, nadarama ko na talagang konektado ako sa Tagapagligtas.

Kung sisikapin nating lahat na huwag pansinin ang kaguluhan at kaabalahan ng Kapaskuhan at hahangarin nating maging higit na katulad ni Cristo, alam ko na madarama natin na mas konektado tayo sa Kanya sa sarili nating buhay at maaakay rin natin ang iba patungo sa Kanya. Nang pansinin ko ang mga tao na maaaring nadarama na hindi sila napapansin, nakinig ako sa mga tao na nadaramang hindi sila pinakikinggan, at pinaglingkuran ang mga nangangailangan—lalo na sa sagradong panahong ito ng taon—natanto ko na ang pagkakataong maging higit na katulad Niya ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na natanggap natin mula sa Kanya.

Anuman ang sabihin ng mundo tungkol sa Kapaskuhang ito, maibabaling natin ang ating puso sa Tagapagligtas. Siya ang katuturan ng diwa ng Pasko.

Tala

  1. Dale G. Renlund, “At Malalaman Din Ninyo Ito” (Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 5, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.